Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w12 2/1 p. 3-5
  • Armagedon—Ano Ito Ayon sa Sinasabi ng Ilan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Armagedon—Ano Ito Ayon sa Sinasabi ng Ilan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Digmaan ng Armagedon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Armagedon—Ang Maling Pagkakilala Rito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Armagedon—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Armagedon—Isang Kapaha-pahamak na Wakas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
w12 2/1 p. 3-5

Armagedon​—Ano Ito Ayon sa Sinasabi ng Ilan?

“At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.”​—APOCALIPSIS 16:16, Ang Biblia.

ANO ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang “Armagedon”? Malamang ay isang malubhang sakuna. Isang beses lang lumitaw sa Bibliya ang salitang iyan, pero paulit-ulit itong ginagamit ng media at ng mga lider ng relihiyon.

Kaayon ba ng itinuturo ng Bibliya ang karaniwang mga ideya tungkol sa Armagedon? Mahalagang malaman ang sagot. Bakit? Dahil ang katotohanan tungkol sa Armagedon ay magpapalaya sa iyo mula sa takot, magbibigay sa iyo ng magandang pananaw sa hinaharap, at makaiimpluwensiya sa pangmalas mo sa Diyos.

Isaalang-alang ang sumusunod na tatlong tanong, at paghambingin ang karaniwang ideya tungkol sa Armagedon at ang itinuturo ng Bibliya.

1. ANG ARMAGEDON BA AY ISANG SAKUNANG KAGAGAWAN NG TAO?

Kadalasan nang ginagamit ng mga mamamahayag at mananaliksik ang salitang “Armagedon” para tumukoy sa mga sakunang dulot ng tao. Halimbawa, ang mga Digmaang Pandaigdig I at II ay tinutukoy bilang Armagedon. Pagkatapos ng mga digmaang iyon, nabahala ang mga tao na baka gamitin ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet ang kanilang mga sandatang atomika laban sa isa’t isa. Ang posibleng digmaang ito ay tinawag ng media na “thermonuclear na Armagedon.” Sa ngayon, dahil sa pangambang magdudulot ng malaking pagbabago sa lagay ng panahon ang polusyon, nagbababala ang mga mananaliksik tungkol sa nagbabantang “Armagedon na dulot ng klima.”

Ang ipinahihiwatig ng kanilang pakahulugan: Lubusang kontrolado ng mga tao ang kinabukasan ng lupa at ng lahat ng nabubuhay rito. Pero kung hindi magiging matalino sa pagdedesisyon ang mga pamahalaan, magdudulot ito ng permanenteng pinsala sa lupa.

Ang itinuturo ng Bibliya: Hindi pahihintulutan ng Diyos na wasakin ng mga tao ang lupa. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi nilalang ni Jehovaa ang lupa nang “walang kabuluhan.” Inanyuan niya ito “upang tahanan.” (Isaias 45:18) Sa halip na hayaan ang mga tao na lubusang wasakin ang lupa, ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’​—Apocalipsis 11:18.

2. ANG ARMAGEDON BA AY ISANG LIKAS NA SAKUNA?

Kung minsan, ginagamit ng mga mamamahayag ang salitang “Armagedon” para tumukoy sa malulubhang likas na sakuna. Halimbawa, isang report noong 2010 ang nag-ulat tungkol sa “‘Armagedon’ sa Haiti.” Binabanggit nito ang pagdurusa, pinsala, at kamatayan na dulot ng malakas na lindol na yumanig sa bansang iyon. Ginagamit din ng mga tagapagbalita at gumagawa ng pelikula ang salitang iyan hindi lang para sa mga pangyayaring naganap na kundi pati na rin sa mga ikinatatakot nilang magaganap pa. Halimbawa, ginagamit nila ang salitang “Armagedon” para ilarawan ang iniisip nilang mangyayari sakaling may tumamang asteroid sa lupa.

Ang ipinahihiwatig ng kanilang pakahulugan: Ang Armagedon ay isang pangyayari na walang-patumanggang pumapatay ng inosenteng mga biktima. Halos wala ka nang magagawa para proteksiyunan ang iyong sarili.

Ang itinuturo ng Bibliya: Ang Armagedon ay hindi isang pangyayari na basta na lang pupuksa sa mga tao. Sa halip, napakasasamang tao lang ang malilipol sa Armagedon. Nangangako ang Bibliya: “Ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na.”​—Awit 37:10.

3. GUGUNAWIN BA NG DIYOS ANG LUPA SA ARMAGEDON?

Maraming relihiyosong tao ang naniniwala na magkakaroon ng pangwakas na digmaan sa pagitan ng mabuti at masama na magdudulot ng pagkawasak ng ating planeta. Sa isang surbey na ginawa sa Estados Unidos ng Princeton Survey Research Associates, natuklasang 40 porsiyento ng mga adulto ang naniniwalang magwawakas ang daigdig sa “isang labanan sa Armagedon.”

Ang ipinahihiwatig ng kanilang pakahulugan: Ang mga tao ay hindi nilayon na mabuhay nang walang hanggan sa lupa ni dinisenyo man ang lupa para manatili magpakailanman. Nilalang ng Diyos ang mga tao para mamatay lang pagdating ng panahon.

Ang itinuturo ng Bibliya: Malinaw na sinasabi ng Bibliya na “itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Tungkol naman sa mga naninirahan dito, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Maliwanag, hindi kaayon ng itinuturo ng Bibliya ang karaniwang mga ideya tungkol sa Armagedon. Kung gayon, ano ang totoo?

[Talababa]

a Sa Bibliya, Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share