Pinawi ng Kabaitan ang Hinanakit
NAPAKASUNGIT ng isang may-edad nang babae noong lumapit sa kaniya sina George at Manon, dalawang Saksi sa Netherlands, para ibahagi sa kaniya ang mabuting balita ng Kaharian. Nalaman nilang dalawang beses na itong nabiyuda at namatayan ng isang anak, at ngayo’y pinahihirapan pa siya ng matinding arthritis. Bagaman medyo kumalma siya habang nag-uusap sila, hindi pa rin siya naging palakaibigan sa kanila.
Iminungkahi ni George kay Manon na dalhan nila ng bulaklak ang babae dahil parang napakalungkot nito at punô ng hinanakit. Nang gawin nila iyon, nasorpresa ang may-bahay, si Lola Rie. Pero hindi siya puwedeng makausap nang panahong iyon, kaya nangako silang babalik sa ibang pagkakataon. Nang bumalik sina George at Manon sa napagkasunduang panahon, walang tao sa bahay. Bumalik sila nang ilang beses, pero hindi nila siya natagpuan. Naisip tuloy nila na pinagtataguan sila nito.
Isang araw, sa wakas ay natagpuan ni George si Lola Rie sa bahay. Humingi ito ng paumanhin dahil hindi siya nakatupad sa usapan at sinabing naospital siya. “Pero alam n’yo ba kung ano ang ginawa ko pag-alis ninyong dalawa?” ang tanong nito. “Sinimulan kong basahin ang Bibliya!” Maganda ang naging pag-uusap nila, at napasimulan ang Bible study.
Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, unti-unting nawala ang mga hinanakit ni Lola Rie. Naging maligaya siya at mabait. Kahit hindi siya makaalis sa bahay, agad niyang sinimulang ibahagi sa mga dumadalaw sa kaniya ang mga natututuhan niya. Dahil sa mahinang kalusugan, hindi siya makadalo nang regular sa mga pulong. Pero tuwang-tuwa siya kapag dinadalaw siya ng mga kapatid. Noong araw na mag-82 anyos siya, dumalo siya sa pansirkitong asamblea at sinagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo.
Nang mamatay siya makalipas ang ilang buwan, natagpuan ang isang tula na isinulat niya. Inilarawan niya rito kung gaano kalungkot ang buhay ng matandang nag-iisa at idiniin niya ang kahalagahan ng kabaitan. “Naantig ako nang mabasa ko ang tula,” ang sabi ni Manon, “at natutuwa ako dahil tinulungan kami ni Jehova na magpakita ng kabaitan sa kaniya.”
Oo, pinakikilos tayo ng halimbawa ni Jehova na magpakita ng gayong pag-ibig at kabaitan. (Efe. 5:1, 2) Magiging mabunga ang ating ministeryo habang ‘inirerekomenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa pamamagitan ng kabaitan.’—2 Cor. 6:4, 6.