Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • wp19 Blg. 3 p. 14-15
  • Puwedeng Maging Mas Masaya ang Buhay Mo Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Puwedeng Maging Mas Masaya ang Buhay Mo Ngayon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAGING KONTENTO
  • HARAPIN ANG PAGKAKASAKIT
  • PATIBAYIN ANG PAGSASAMA BILANG MAG-ASAWA
  • Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!
    Gumising!—2000
  • Isang Nakatataas na Bukal ng Karunungan
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2019
wp19 Blg. 3 p. 14-15
Isa sa mga siyentipikong makikita sa naunang larawan at ang kaniyang asawa habang naglulutong magkasama

Puwedeng Maging Mas Masaya ang Buhay Mo Ngayon

BALANG-ARAW, wala nang magkakasakit, tatanda, at mamamatay. Puwede mo itong maranasan. Pero ngayon, ang buhay ay punong-puno ng hirap at problema. Ano ang makakatulong para maging mas masaya ang buhay mo ngayon? Tungkol diyan, may ibinibigay na payo ang Bibliya. Pansinin ang ilang hamon sa buhay at kung paano makakatulong ang Bibliya.

MAGING KONTENTO

Ang payo ng Bibliya: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.”—Hebreo 13:5.

Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang iniaalok na mga produkto at serbisyong kailangan daw natin. Pero sinasabi ng Bibliya na ‘maging kontento na tayo sa mga bagay na mayroon tayo.’ Paano?

Iwasan ang “pag-ibig sa pera.” Isinasakripisyo ng mga tao ang kanilang kalusugan, pamilya, pagkakaibigan, prinsipyo, kahit ang kanilang dignidad, para lang sa “pag-ibig sa pera.” (1 Timoteo 6:10) Napakalaking kamangmangan iyan! Sa huli, ang maibigin sa kayamanan ay “hindi makokontento” rito.​—Eclesiastes 5:10.

Pahalagahan ang mga tao, hindi ang mga bagay. May mga bagay na kapaki-pakinabang. Pero hindi tayo kayang mahalin ng mga ito; tao lang ang makagagawa niyan. Ang isang “tunay na kaibigan” ay tutulong sa atin na makontento sa buhay.​—Kawikaan 17:17.

MAGIGING MASAYA ANG BUHAY NATIN NGAYON KUNG SUSUNDIN NATIN ANG PAYO NG BIBLIYA

HARAPIN ANG PAGKAKASAKIT

Ang payo ng Bibliya: “Ang masayang puso ay mabisang gamot.”​—Kawikaan 17:22.

Gaya ng “mabisang gamot,” ang pagiging masaya ay makakatulong para makayanan ang pagkakasakit. Pero paano ka magiging masaya kung may sakit ka?

Maging mapagpasalamat. Kung magpopokus tayo sa mga problema, “laging pangit ang araw” natin. (Kawikaan 15:15) Kaya ang sabi ng Bibliya, “ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.” (Colosas 3:15) Pahalagahan ang mabubuting bagay na mayroon tayo, gaano man kaliit ang mga iyon. Ang magandang paglubog ng araw, sariwang simoy ng hangin, o ngiti ng mahal natin sa buhay, ay magpapaganda sa araw natin.

Gumawa ng mabubuting bagay para sa iba. Kahit hindi maganda ang kalusugan natin, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kapag pinahahalagahan ng iba ang ginagawa natin para sa kanila, gumagaan ang pakiramdam natin, at nakakalimutan natin ang mga problema. Mas gaganda ang buhay natin kung tutulungan natin ang iba na magkaroon ng mas magandang buhay.

PATIBAYIN ANG PAGSASAMA BILANG MAG-ASAWA

Ang payo ng Bibliya: “[Tiyakin] kung ano ang mas mahahalagang bagay.”​—Filipos 1:10, talababa.

Posibleng masira ang pagsasama ng mag-asawang walang gaanong panahon sa isa’t isa. Isang katalinuhan kung gagawin nilang priyoridad ang kanilang pagsasama—isa sa mas mahahalagang bagay sa buhay.

Gumawang magkasama. Sa halip na magkaniya-kaniya, bakit hindi planuhing gumawang magkasama? Sinasabi ng Bibliya na ang “dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa.” (Eclesiastes 4:9) Puwede kayong magluto, mag-ehersisyo, kumain sa labas, o maglibang nang magkasama.

Ipadama ang iyong pagmamahal. Pinasisigla ng Bibliya ang mga mag-asawa na mahalin at igalang ang isa’t isa. (Efeso 5:28, 33) Malaki ang nagagawa ng matamis na ngiti, mahigpit na yakap, o simpleng regalo, para tumibay ang inyong pagsasama. At siyempre, ang seksuwal na ugnayan ay dapat na sa mag-asawa lang.​—Hebreo 13:4.

“SA WAKAS, MAY LAYUNIN NA ANG BUHAY KO!”

—Ayon sa salaysay ni Ryoko Miyamoto, Japan.

Problemado ang buhay namin. Sugapa sa alak ang mister ko at lagi siyang natatanggal sa trabaho. Ayaw niyang itaguyod ang apat naming anak. Kahit kayod ako nang kayod, parang hindi gumaganda ang sitwasyon namin. Naisip ko, ‘Ito ba ang kapalaran ko, o parusa ito sa mga kasalanan ko sa naunang buhay?’

Pagkatapos, may isang Saksi ni Jehova na pumunta sa amin. Nginitian niya ako, at masiglang ibinahagi ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa buhay na walang hanggan. Inalok niya akong mag-aral ng Bibliya. Di-nagtagal, natutuhan kong may Diyos at na siya ay marunong, makatarungan, at maibigin. Natutuhan ko rin ang tungkol sa kalagayan ng mga patay at na hindi nakatadhana ang pagdurusa ko.

Higit sa lahat, nalaman ko na magiging masaya lang ang buhay ko kung mayroon akong malapít na kaugnayan sa Diyos. Dahil sa mga katotohanan sa Bibliya, napatibay ako, nagkaroon ng kalayaan, at gumaan ang pakiramdam ko. Sa wakas, may layunin na ang buhay ko!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share