Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagdalaw-muli sa mga Suskritor
1 Ang Pebrero ang siyang ikalawang buwan ng ating kasalukuyang kampanya ngayon sa suskripsiyon ng Bantayan. Walang pagsalang maraming mga indibiduwal ang naging bagong mga suskritor noong Enero, at makabubuti na ating alamin kung maaaring maitatag ang isang pag-aaral ng Bibliya. Papaano natin gagawin ito?
2 Ang karamihan sa mga bagong suskritor na ito ay hindi pa tatanggap ng kanilang mga magasin sa koreo, kaya maaaring tayo ay dumalaw-muli taglay ang pinakabagong isyu. Pagkatapos ng ilan sa ganitong pagdalaw, nagaganap ang pagkakaibigan. Ang isang mabuting pag-uusap ay kadalasang mapasisimulan sa pamamagitan ng isa o dalawang artikulo na pupukaw ng interes ng bagong suskritor. Ang pinaka-susi nito ay ang alaming mabuti ang magasin at gumawa ng isang palakaibigang pagdalaw. Hayaang makita ng suskritor na kayo ay interesado sa kaniya at ang taglay ninyong impormasyon ay mahalaga sa kaniyang kapakanan at kaligayahan.
3 Tandaan, ang ating tunguhin ay ang makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa suskritor. Ang pagkakaroon nila ng impormasyon ay hindi sapat. Taglay ng bating ang aklat ni Isaias datapuwa’t kailangan pa rin niya si Felipe upang ipaliwanag iyon. (Gawa 8:27-36) Gumamit si Felipe ng tuwirang paglapit at isang mabungang pag-aaral ng Bibliya ang karakarakang naidaos. Bakit hindi subukan ang gayon sa mga suskritor? Magtagumpay man o hindi ang unang pagsisikap na ito, tuwirang sabihin na kayo ay magbabalik at makikipag-aral sa indibiduwal. Narito ang isang paraan upang gawin ito:
4 Bilang mga suskritor, nalalaman natin humigit-kumulang kung kailan ang mga isyu ay natatanggap sa pamamagitan ng koreo. Kaya makadadalaw tayo pagkaraan ng ilang araw at ipakita sa kanila ang ilang kapanapanabik na artikulo sa pinakabagong mga isyu. Kung minsan makabubuting umupo kasama ng suskritor at basahing magkasama ang ilang parapo hangga’t maaari. Ang gayong palakaibigang pag-uusap ay maaaring umakay tungo sa pagkakaroon ng isang pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa takdang panahon. Sa gayong pagdalaw, babatiin ang maybahay sa paraang masigla at pagkatapos ay sabihin ang ganito: “Marahil ay natanggap na ninyo ang inyong kopya [petsa ng isyu] ng Bantayan sa koreo, kung papaanong natanggap ko na ang para sa akin, anupa‘t naalaala ko kayo nang basahin ko ang artikulong ito. [Ipakita ang pamagat.] Kung naririyan ang inyong kopya, nais kong ipakita sa inyo ang punto na talagang nagustuhan ko.” Ang gayong pagdalaw, bagaman maikli lamang, ay maaaring pahabain at dagdagan pa ang pag-uusap habang gumaganda ang pagkakaibigan. Sa dakong huli aasam-asamin ng maybahay ang linggu-linggong pagtalakay sa Bibliya sa tulong ninyo. Sa angkop na panahon ay maaaring mapasimulan ang isang pag-aaral sa aklat na Mabuhay Magpakailanman.
5 Inaasahan namin na magtatagumpay kayo sa pagkuha ng suskripsiyon at sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga indibiduwal na nagpakita ng interes sa Salita ng Diyos. Tandaan, nais nating matulungan sila na maging mga tunay na alagad ni Jesu-Kristo. (Mat. 28:19, 20) Maging palakaibigan sa inyong mga pagdalaw; ipakita sa mga tao na kayo ay talagang interesado sa kanila at sa kanilang sambahayan. Tulungang makita nila kung papaanong ang mga magasing Bantayan na tinatanggap nila ay magbibigay sa kanila ng karagdagang kaalaman tungkol sa Diyos, na umaakay patungo sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.