Kamangha-manghang Bagong Pantulong sa Ating Ministeryo
1 Ang patalastas sa Hunyo 1, 1985 Watchtower hinggil sa “Mga Nag-iingat ng Katapatan” na kumbensiyon ay tiyak na pumukaw sa interes ng marami. Sinabi nito na ang pangwakas na bahagi ng Sabado ay “maglalaan sa inyo ng isang bagay na maganda na hindi lamang magsisilbing isang kayamanan sa inyo kundi dapat na lumikha ng malaking epekto sa ating gawain sa ministeryo sa larangan.” At nang hapong yaon may kasiyahan nating tinanggap ang kamangha-manghang bagong aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Ang ilan ay nagsabi: “Ito’y isang obra-maestra.” Ang iba naman ay nagkomento hinggil sa mainam na paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng mga ilustrasyon at mga larawan na ang karamihan ay de-kolor. Napansin naman ng iba ang malawak na pagsasaliksik na isinagawa na ipinakikita ng mga reperensiya na nasa dakong huli.
2 Walang alinlangan na ang bagong aklat na Creation ay magbubukas ng daan para ang marami ay magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa Diyos at sa kaniyang mga paglalang. Napansin ba ninyo na bagaman ang aklat ay lubusang tumatalakay sa mga katanungang bumangon hinggil sa ebolusyon, higit na maraming sinasabi ito tungkol sa Maylikha na si Jehova? Itinatampok nito ang hinggil sa kaniyang pag-iral, sa kaniyang mga gawa, sa kaniyang mga layunin para sa tao at para sa lupa, lakip na ang tungkol sa kaniyang makahulang salita at sa katuparan nito. Kaya, ang aklat na Creation ay malamang na magkaroon ng malalim na epekto sa buhay ng mga tulad-tupang mga tao na nagkaroon ng pag-aalinlangan hinggil sa pag-iral ng Diyos. Gayundin, tunay na napapanahon ang paglalathala nito ngayon, na parami nang paraming tao sa buong daigdig ang lumalayo sa paniniwala sa isang Maylikha na nagtataglay ng layunin! Tayong lahat ay nananabik sa walong pahayag pangmadia na magbibigay sa atin ng mga tampok na bahagi ng aklat na ito sa pagitan ng Marso 16 at Mayo 4.
3 Ang Watchtower ng Hunyo 1 ay nagsabi rin na sa kumbensiyon ay “tatanggap kayo ng isang magtatagal na pantulong upang makapangatuwiran sa iba mula sa mga Kasulatan.” At ito ang siyang inilaan sa bagong aklat na Reasoning From the Scriptures. Bawa’t pangunahing paksa na maaaring ibangon ng isa sa larangan ay sinasaklaw. Napansin ba ninyo ang nakatutulong na bahagi sa pagtatapos ng karamihang paksa na may pamagat na “If Someone Says—”? Ibinibigay nito ang karaniwang pagtutol sa partikular na paksa at kung papaanong mataktikang haharapin iyon.
4 Inyo bang napansin din ang isang napakahusay na seksiyon sa harapan ng aklat na “Introductions for Use in the Field Ministry”? Ipinakikita nito kung papaano pinasisimulan ng mga may karanasang Saksi sa maraming lupain ang usapan sa pangunahing paksa na nagbibigay ng interes sa mga tao sa teritoryo. Oo, ang Reasoning From the Scriptures ay dapat na maging isang praktikal na tulong sa ating lahat tayo man ay matagal na sa ministeryo sa loob ng maraming taon o baguhan pa lamang. Sa mga buwang darating, marami pa ang masasabi tungkol sa paggamit ng bagong aklat na ito sa Ating Ministeryo sa Kaharian.
5 Tunay na nagpapasalamat tayo kay Jehova para sa nakapagtuturong kumbensiyon na dinaluhan natin kamakailan lamang at para sa napakabuting mga publikasyon na magpapasulong sa ating ministeryo. Walang alinlangan na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang organisasyon upang ‘magbigay sa atin ng pagkain sa wastong panahon’!—Mat. 24:45.