Paghaharap ng Mabuting Balita—Na Ginagamit ang Iba’t Ibang Bahagi ng Aktat na Reasoning
1 Mahigit na sa isang taon mula nang ating matanggap ang aklat na Reasoning From the Scriptures sa ating “Nag-iingat ng Katapatan” na Kombensiyon. Higit na pamilyar na ba tayo sa mga tampok na bahagi ng aklat? Dinadala ba natin ito sa paglilingkod sa larangan, ginagamit ito sa lahat ng pagkakataon, at sinasanay ang mga baguhan at walang karanasan sa paggamit nito?
2 Upang sumulong ang ating mabisang paggamit ng mainam na publikasyong ito, kapakipakinabang na repasuhin ang ilang bahagi ng aklat at isaalang-alang kung papaano magagamit ang mga ito. Pakisuyong pansinin ang seksiyong “How to Use Reasoning From the Scriptures” (p. 7). Ang unang tatlong parapo ay naglalaman ng nagpapasiglang materyal na nagpapaalaala sa atin na mangatuwiran sa mga tao na may taimtim na mga katanungan o doon sa mga nagnanais makinig sa naiibang punto-devista. (Gawa 17:2, 3) Ang nalalabing mga parapo sa seksiyong ito ay naglalaman ng nakatutulong na baytang-baytang na balangkas kung papaano gagamitin ang aklat sa malaking kapakinabangan.
PAGHARAP SA MGA PAGTUTOL
3 Halimbawa, kung sabihin ng maybahay, “Ako’y naniniwala na may kabutihan ang lahat ng relihiyon.” Sa halip na gamitin ang punto o kasulatan na malimit ninyong gamitin noong una, nagiging higit na mataktika at higit na mabisa na sabihin sa maybahay na nais ninyong ipakita sa kaniya ang isang kapanapanabik na bagay na taglay ninyo hinggil sa paksang ito. Kunin ang aklat na Reasoning sa inyong bag at buksan ito sa pangunahing paksang “Religion” sa pahina 322. Habang mabilis ninyong tinitingnan ang mga tanong na nakasulat sa malalaking titik, mapapansin ninyo ang katanungan sa pahina 323, “Is it true that there is good in all religions?” na siyang malapit sa sinabi ng maybahay. Maaari kayong bumasa ng ilang komento mula mismo sa aklat.
4 Maaari ding bumaling muna kayo sa katapusan ng paksang “Religion” (p. 330). Doon ay masusumpungan ninyo ang mahalagang bahaging “If Someone Says—.” Ang komento sa pahina 331 na, “All religions are good; you have yours, and I have mine,” ay malapit sa sinabi ng inyong maybahay. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang mga angkop na punto sa ilalim nito.
5 Ang aklat na Reasoning ay tutulong din sa inyo na matutuhan kung papaano pasisimulan ang pag-uusap. Bawa’t linggo bago kayo magtungo sa paglilingkod sa larangan, sikaping repasuhin ang isa o dalawang punto mula sa seksiyong “Introductions for Use in the Field Ministry” (p. 9). Gumamit ng iba’t ibang pambungad na ito sa paglilingkod sa larangan. Ibagay ito alinsunod sa Paksang Mapag-uusapan at sa teritoryong gagawin. Sa maikling yugto ng panahon ay masusumpungan ninyong lalo kayong bihasa at mabisa sa pagpapasimula ng mga pag-uusap.
6 Nabalisa ba kayo nang gumamit ang maybahay ng kasulatan at gumawa ng maling pagkakapit niyaon? Tandaan, ang aklat na Reasoning ay makatutulong sa inyo sa bagay na ito sa pahina 445 na, “Scriptures Often Misapplied.” Doon ay ibinigay ang mga pahina ng reperensiya para sa nagpapaliwanag na komento sa 85 mga kasulatan na karaniwang ikinakapit nang mali.
7 Kapag ang mga tinuturuan natin ay nagharap ng mga katanungan sa Bibliya, matutulungan natin silang hanapin ang kasagutan sa tulong ng aklat na Reasoning. Kaya kung tayo ay makapaglalagay ng kopya sa bawa’t isa, matutulungan natin silang masangkapan upang sagutin ang kanilang sariling katanungan at ang mga maaaring itanong ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak. Pinasasalamatan natin si Jehova sa mainam na kayamanang ito na maaaring magdulot ng matinding epekto sa ating gawain sa ministeryo sa larangan. Gamitin nawa natin ito nang lubusan sa ikapupuri ng kaniyang maluwalhating pangalan.—Awit 66:2, 8.