Tamuhin ang mga Kapakinabangan sa Aklat na Nangangatuwiran
1 Anong laking gawain ang iniatas ni Jehova sa kaniyang naaalay na bayan upang isagawa sa mga huling araw na ito! (Mat. 24:14; 28:19, 20) Kay laking pasasalamat natin sa tulong ng anghel sa paghahayag ng mabuting balita!—Apoc. 14:6, 7.
2 Nangangailangan ng tunay na pagsisikap upang abutin ang mga puso ng tao sa “bawa’t bansa, angkan at wika.” Subali’t sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon, si Jehova ay naglaan ng kinakailangang tulong upang maisagawa ito. Ang isa sa gayong paglalaan ay ang aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na naglalaman ng saganang impormasyon sa 76 na mga paksa na maaaring gamitin sa pakikipag-usap sa mga tao sa lahat ng uri ng pamumuhay.
3 Walang alinlangang ang pagsasaalang-alang ng publikasyong ito sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagbibigay sa inyo ng kapakinabangan sa espirituwal. Subali’t sinisikap ba ninyong gamitin ang impormasyong ito sa inyong ministeryo? Pinasusulong ba ninyo ang inyong kakayahang mangatuwiran sa mga tao? Iniulat na ang maraming mga mamamahayag ay hindi gumagamit ng aklat na Nangangatuwiran, at ang ilan ay hindi nagdadala nito sa ministeryo. Bakit gayon? Marahil ito’y dahilan sa hindi sila pamilyar sa kahalagahan ng aklat. Karamihan sa mga gumamit ng aklat na Nangangatuwiran ay nakasumpong na ito ay sumasagot sa maraming mga katanungang inihaharap ng mga tao.
4 Ang isa sa mga bahagi nito ay ang indise na nagpapasimula sa pahina 439. Hindi nito itinatala ang lahat ng bahagi ng bawa’t paksa, subali’t nagbibigay ito ng maraming reperensiya na masusumpungan ninyong kapakipakinabang sa pagharap sa iba’t ibang kalagayan.
5 Halimbawa, maaaring makasumpong tayo ng mga taong nagsisikap siraan ang Bibliya. Maaaring sila’y magsabi, “Saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa?” Bagaman hindi ninyo ito masusumpungan sa ilalim ng “Pangunahing mga Paksa” sa dakong unahan ng aklat, kung ang titingnan ninyo’y sa ilalim ng “Cain” sa indise, masusumpungan ninyo ang kasagutan sa mga pahina 215-16 (301-2 sa Ingles). O maaaring may magsabing ang Diyos ng pag-ibig ay hindi pupuksa sa balakyot. Kung titingnan ninyo ang indise sa ilalim ng “Pag-ibig”, ituturo sa inyo ang pahina 45 (48 sa Ingles), na doo’y masusumpungan ninyo ang paraan upang mangatuwiran sa taong iyon.
6 Ang isa pang nakatutulong na bahagi ay masusumpungan sa pahina 445, “Mga Tekstong Kadalasa’y Mali ang Pagkakapit.” Maaaring sikapin ng isang maybahay na gamitin ang isang teksto ng Bibliya upang alalayan ang isang maling paniniwala. Maaaring banggitin niya ang 1 Tesalonica 4:13-18 upang alalayan ang kaniyang paniniwala na ang ilan ay tutungo sa langit nang hindi na kailangan pang mamatay sa lupa. Ang reperensiya ay ibinigay sa pahina 349 (312 sa Ingles) para sa pagtalakay sa mga talatang ito. Kung may mangatuwirang ang lupa ay masusunog na ginagamit ang 2 Pedro 3:7, ang nagbibigay liwanag na impormasyon ay masusumpungan sa mga pahina 227 at 387 (113 at 436 sa Ingles). Kaya kung kayo’y hinilingang magpaliwanag ng isang teksto, tingnan kung ito ay nakatala sa bahaging ito ng aklat.
7 Ang bata at matanda ay maaaring makinabang mula sa publikasyong ito. Maging pamilyar sa 41 mga pambungad nito sa mga pahina 9-15 at sa 47 mga sagot sa mga pagtutol na nasa mga pahina 15-24, at sikaping gamitin ang mga ito sa ministeryo. Oo, patuloy nating gamitin ang isa sa ating pinakamahalagang kasangkapan, ang aklat na Nangangatuwiran.