Kung Paano Mapasusulong ang Kakayahang Mangatuwiran
1 Ang isang katuturan ng salitang “mangatuwiran” ay “magsalita sa iba upang maimpluwensiyahan ang kaniyang mga pagkilos o mga opinyon.” Upang mapasulong ang pagkamabisa ninyo sa ministeryo, kailangan ninyong linangin ang kakayahang makapangatuwiran sa mga nasusumpungan ninyo. (Gawa 17:2-4) Subalit paano ninyo mapasusulong ang kakayahang ito?
2 Ito’y Nagsisimula sa Pagbubulay-bulay: Kapag nag-aaral ng mga katotohanan ng Bibliya, masusumpungan ninyong makatutulong kung bubulay-bulayin ang materyal. Kung may mga puntong waring medyo masalimuot, maglaan ng panahon para gumawa ng ilang pagsasaliksik at pagbubulay-bulay sa mga kasagutan. Pagsikapang maliwanag na maunawaan hindi lamang ang mga ibinibigay na paliwanag kundi gayundin ang mga maka-Kasulatang dahilan para sa gayong mga paliwanag.
3 Nasasangkot ang Paghahanda Para sa Ministeryo: Isipin kung paano ninyo ipaliliwanag ang katotohanan sa iba’t ibang uri ng tao. Bumuo ng nakapupukaw-kaisipang tanong upang antigin ang interes. Tiyakin kung paano iuugnay ang isang maka-Kasulatang punto at mangatuwiran dito. Asahan ang maaaring ibangong mga pagtutol, at pag-isipan kung paano tatalakayin ang mga iyon. Ipakita mula sa publikasyong iniaalok ang isang tampok na punto na maaaring pinakaangkop.
4 Tularan ang Halimbawa ni Jesus: Si Jesus ay naglaan ng pinakamainam na huwaran ukol sa mabisang pangangatuwiran mula sa Kasulatan. Upang masuri kung paano siya nagturo isaalang-alang ang ulat na masusumpungan sa Lucas 10:25-37. Pansinin ang pamamaraang ito: (1) Akayin ang pansin sa mga Kasulatan kapag sumasagot sa katanungan ng mga tao. (2) Anyayahan silang ipahayag ang kanilang sarili, at papurihan sila kapag sila’y nakagagawa ng maiinam na komento. (3) Tiyaking ang koneksiyon sa pagitan ng mga katanungan at mga Kasulatan ay naitatampok. (4) Gumamit ng ilustrasyon na makasasaling ng puso upang matiyak na ang tunay na diwa ng sagot ay nauunawaan.—Tingnan ang Marso 1, 1986, Bantayan, pahina 27-8, parapo 8-10.
5 Gamitin ang Kasangkapang Ipinagkaloob sa Atin: Ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay inilathala bilang isang aklat para sa ministeryo sa larangan. Ang mga pambungad nito, tugon sa magiging mga pagtutol, at mga punto ng pangangatuwiran ay tumutulong sa atin na mapasulong ang kakayahang mangatuwiran. Ang aklat na Nangangatuwiran ay isang mahalagang kasangkapan na dapat nating laging dalhin sa paglilingkod at huwag mag-atubiling gamitin kapag nakikipag-usap sa Bibliya. Repasuhin ang pahina 7-8 ng aklat upang makita kung paano gagamitin ito sa pinakamalaking bentaha.
6 Ang pagpapasulong sa inyong kakayahang mangatuwiran ay magpapabuti sa inyong kasanayan sa pangangaral at gawaing pagtuturo. Ito’y magdudulot ng mayamang mga pagpapala sa inyo at sa mga nasusumpungan ninyo sa ministeryo.