Gamiting Mabuti ang Reasoning From the Scriptures
1 “Hinahangad ba ninyo na makapangatuwiran nang higit na mabisa mula sa mga Kasulatan? May mga katanungan ba na napaharap sa inyo sa ministeryo na nahirapan kayong sagutin? Pahahalagahan ba ninyo ang tulong sa bagay na ito?” Kung ang inyong sagot ay oo sa mga katanungang ito na iniharap ng tagapagsalita sa “Mga Nag-iingat ng Katapatan” na Kumbensiyon, nakatitiyak kami na kayo’y nagalak nang ilabas ang bagong aklat na, Reasoning From the Scriptures. Lubusan ba ninyong ginagamit ang mainam na kasangkapang ito upang ‘mangatuwiran, magpaliwanag, at magpatunay’ sa inyong itinuturo?—Gawa 17:2, 3.
KAPAG GUMAGAMIT NG AKLAT NA REASONING
2 Kapag naghahanda sa ministeryo sa bahay-bahay, lalong mabuti kung isaalang-alang ang ilang maiinam na pambungad sa unang seksiyon. Maaari ba ninyong gamitin ang isa sa mga ito o iangkop ang isa sa lokal na kalagayan? Gayundin, samantalang nasa gawain sa bahay-bahay, maaaring masumpungan ninyo na hindi nakakaakit ng interes ang inyong pambungad. O maaaring iisa lamang ang sagot ng ilang maybahay upang hadlangan ang usapan. Ang pagbaling sa seksiyon na nagpapasimula sa pahina 15 ay makatutulong sa inyo na harapin ang pagtutol sa mabisang paraan.
3 Kapag dumadalaw-muli o nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, maaaring may punto na hindi maintindihan ng isang tao. Ang aklat na Reasoning ay naglalaman ng daan-daang espisipikong katanungan at mga ilustrasyon sa pamamagitan ng salita na makatutulong sa inyo na abutin ang puso ng nagtatanong. Halimbawa, pansinin ang ilustrasyon sa pahina 429 na nagpapakita kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang kabalakyutan.
4 Ang aklat na Reasoning ay makatutulong din sa inyo na ipaliwanag ang mga pagbabago na kailangang gawin ng isang estudiyante sa Bibliya upang paluguran si Jehova. Halimbawa, maaaring nagsasama ang dalawa, subali’t hindi kasal. Ang maka-Kasulatang pangangatuwiran sa bagay na ito ay inilaan sa mga pahina 248 at 249. O ang isang estudiyante sa Bibliya ay nahihirapan na tumigil sa paggamit ng tabako o droga. Sa ilalim ng uluhan na “Drugs,” nirerepaso ng ating bagong aklat na ito ang maraming mga katotohanan hinggil sa nakapipinsalang bisyong ito at nagbibigay ng matibay na dahilan mula sa mga Kasulatan kung bakit dapat itong iwasan ng mga Kristiyano.
5 Ang aklat na Reasoning ay makatutulong sa atin na gamitin “ang tabak ng espiritu” sa makapangyariliang paraan upang palayain ang mga bihag ng maka-Babilonyang mga doktrina at mga pangangatuwiran. (Efe. 6:17; 2 Cor. 10:4, 5) Kaya pag-aralan nating lahat kung papaano gagamiting mabisa ang Reasoning From the Scriptures upang maipagtanggol at mapasulong ang mabuting balita.