Nasasangkapan Upang Mangatuwiran sa Paggamit ng Maka-Diyos na Kaalaman
1 Ang apostol Pablo ay nasangkapan upang mangatuwiran sa paggamit ng maka-diyos na kaalaman. Ang Gawa 17:17 ay nagsasabi na “sa sinagoga ay nakipagmatuwiran siya sa mga Hudiyo . . . at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.” Sa mga taga-Corinto ay sumulat siya na ang kanilang mga espirituwal na sandata ay ginawang “makapangyarihan ng Diyos,” upang ‘gumiba ng mga maling haka, at ng bawa’t bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos.’—2 Cor. 10:4, 5.
2 Tulad ni Pablo, tayo rin ay nasasangkapan ng makapangyarihang impormasyon, na nagpapangyaring tayo ay makapangatuwiran sa iba’t ibang mga tao sa ating ministeryo. Inanyayahan sila ni Pablo na mangatuwiran anupa’t magagawa rin natin ang gayon.
SA PAGGAMIT NG AKLAT NA REASONING
3 Ang ating aklat na Reasoning ay tumutulong sa atin na magkaroon ng pagtitiwala sa pakikipag-usap sa mga tao. Ito ay nagtataglay ng mga katotohanan na makatutulong sa mga tao na marating ang wastong konklusyon at matinong pagpapasiya. Kaya may tibay ng loob na makapagsasalita tayo sa mga indibiduwal anoman ang kanilang edukasyon. Halimbawa, kung ang isang pinagtatalunang paksa ay bumangon gaya ng apoy ng impiyerno o neutralidad, maaari nating sabihin lamang na: “May nabasa ako kamakailan tungkol sa paksang iyon, at nais kong ibahagi ito sa inyo.” Pagkatapos ay maipagpapatuloy natin ang pag-uusap salig sa aklat na Reasoning. Sa pamamagitan ng aklat na Reasoning magiging palagay tayo sa pakikipag-usap anoman ang paksang ibangon ng isang tao. Ang laging pagdadala natin ng aklat na Reasoning sa paglilingkod sa larangan ay tutulong sa atin na “masangkapan ukol sa mabubuting gawa.”—2 Tim. 3:17.
KAHALAGAHAN NG PAKIKIPAG-USAP
4 Higit pa ang kailangan natin kaysa pangangaral lamang sa mga tao; kailangan nating makipagkatuwiranan sa kanila. Upang magawa ito nang mabisa, kailangan nating gawing palagay ang maybahay upang sila’y makinig sa ating pabalita. Ang ating kakayahang makipag-usap sa natural na paraan ay magpapangyaring maging matagumpay ang ating ministeryo.
5 Kinilala ni Jesus ang malubhang pangangailangang espirituwal ng mga tao. Kailangan din tayong mapakilos sa gayong paraan. Dahilan sa paghanap ng materyal na mga bagay at hindi pagbibigay pansin sa mga espirituwal na kapakanan, napariwara ang kaisipan ng mga tao. (1 Tim. 6:9) Makapagbibigay tayo ng kinakailangang tulong sa pamamagitan ng paggamit ng aklat na Reasoning, na tutulong sa atin na makipag-usap hinggil sa maraming paksa sa buhay, gaya ng pag-aasawa at mga suliraning pampamilya, aborsiyon at droga. Halimbawa, isang kapatid na babae ang gumamit ng aklat na Reasoning sa isang pagdalaw-muli upang pag-usapan ang tungkol sa pag-aasawa, yamang ang dinadalaw niyang ito ay nagsasama nang hindi kasal. Sa sumunod niyang pagdalaw ay napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ang dalawang ito ay nagsabi sa kaniya na gumawa na sila ng plano upang gawing legal ang kanilang pag-aasawa.
6 Tayo ay interesado na abutin ang mga puso ng tao. Ang ating aklat na Reasoning ay tutulong sa atin na iharap ang pabalita sa nakakaakit na paraan, na umaakit sa tapat-pusong mga tao sa katotohanan.