Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Lubusang Paggamit ng Aklat na Nangangatuwiran
1 “Sana’y taglay ko ang aking aklat na Nangangatuwiran!” Ito ba’y pumasok na sa inyong kaisipan habang nagsisikap na sagutin ang isang katanungan sa Kasulatan na napaharap sa inyo sa ministeryo sa larangan o habang nagpapatotoo nang impormal sa trabaho o paaralan? Ang mga pamilyar sa aklat na Nangangatuwiran at laging nagdadala nito ay nakakasumpong na maaasahan nila ito ukol sa tulong sa tamang panahon. Kumusta naman kayo?
2 Mula nang ang aklat na Nangangatuwiran ay ilabas noong 1985, halos bawa’t isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay naglalaman ng napakainam na mga mungkahi kung papaano gagamitin ito. Nagkaroon ng mga pagtatanghal na nagpapakita kung papaano ito gagamitin ng mga magulang upang tulungan ang kanilang pamilya na maghanda para sa paglilingkuran, isang matanda na tumutulong sa isang kabataan na naaakit ng sanlibutan, at ang malalakas na mamamahayag na tumutulong sa mga nangangailangan ng pampatibay-loob. Ang iba pang mga artikulo ay nagbigay ng mga praktikal na mungkahi kung papaano gagamitin iyon sa bawa’t bahagi ng ating ministeryo.
LUBUSAN BA NATING GINAGAMIT ITO?
3 Upang mabisang magamit ang aklat na Nangangatuwiran, kailangan muna tayong maging pamilyar sa nilalaman nito. Pagkatapos ay kailangang gumawa tayo ng pagsisikap upang gamitin ang mga mungkahi nito. Nasubukan na ba ninyong ikapit ang mga mungkahing pambungad para sa kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan? Kung gagamitin ninyo ang ikalawang mungkahi sa ilalim ng “Kaharian” sa pahina 11 (p. 12 sa Ingles) at gagawa ng maikling pagtukoy sa Apocalipsis 21:3-5, angkop na maihaharap ninyo ang nasa ating Paksa, “Sino ang Ating Sasambahin?”
4 Sa pamamagitan ng paggamit sa materyal mula sa seksiyong “Mga Pagtutol,” ating mapagtatagumpayan ang pagtutol sa umpisa pa lamang. Halimbawa, kapag ang isang tao ay nagsabi “Hindi ako interesado,” maaari ninyong gamitin ang ikaapat na mungkahi sa pahina 16, tukuyin ang Apocalipsis 14:7, at pagkatapos ay ipakita na ang kasulatang ito ang gumising sa inyo sa pangangailangang kilalanin at sambahin ang tunay na Diyos. Subukin ninyo ito. Nagtagumpay ang iba sa pamamagitan ng paggamit ng mga pananalitang kagaya nito.
5 Tunay, maraming pagpapala ang natatamo sa paggamit ng aklat na Nangangatuwiran. Kung tayo ay maglalaan ng panahon upang paghandaan ang mga bagong paraan ng paglapit at mga pambungad na makatatawag ng pansin sa ating partikular na tagapakinig, lalo tayong magiging masigla sa paglabas sa larangan, kahit na sa teritoryo na madalas nagagawa. Bakit hindi gumamit ng kinakailangang panahon upang repasuhin ang ilan sa nakaraang mga artikulo na nagbibigay ng mga mungkahi kung papaano gagamiting mabisa ang aklat na Nangangatuwiran?—km 4/87 p. 4; km 1/88 p. 4.
6 Pagpalain nawa ni Jehova nang lubusan ang inyong mga pagsisikap habang sinisikap ninyong mabuksan para sa iba “ang mga makapangyarihang gawa ng Diyos”! (Gawa 2:11) Kung gayon ay maaari silang makisali sa pagsasabi kay Jehova, kagaya ng ginawa ng mang-aawit na si David: “Pagka mahalaga rin ang iyong mga pag-iisip sa akin!”—Awit 139:17.