Paghaharap ng Mabuting Balita—Gamitin ang Aklat na Reasoning sa Lahat ng Bahagi ng Inyong Ministeryo
1 Ginagamit ba ninyo ang aklat na Reasoning sa inyong ministeryo? Makatutulong na basahin ito nang lubusan at maging pamilyar sa lahat ng nilalaman nito. Ang isang kapatid na payunir ay nag-ulat na siya at ang kaniyang asawa ay nag-aaral ng isang bahagi nito araw-araw.
2 Gayumpaman, hindi naman kailangang mabasa muna nang lubusan ang aklat bago gamitin ito sa lahat ng bahagi ng ministeryo.
PAGHARAP SA MGA PAGTUTOL
3 Marahil ay malimit na kayong napapaharap sa ilang mga pagtutol sa inyong pagbabahay-bahay. Maaaring ito ay: “Ako’y hindi interesado,” “Ako’y abala,” o “Mayroon na akong sariling relihiyon.” Siyempre pa, kailangang ihanda ang inyong kaisipan kung papaano ikakapit ang isa o higit pang mga mungkahi sa pahina 15-24 ng aklat na Reasoning sa pagtungo sa susunod na pinto.
4 Sikaping gamitin ang mga salita katulad ng paglitaw nito sa aklat na Reasoning. Ito ay pinag-isipang mabuti at ginamit ng mga may karanasang kapatid nang matagumpay.
MGA PAGDALAW-MULI AT MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
5 Sa inyong unang pagdalaw, maaaring mapansin ninyo na ang maybahay ay interesado sa isang partikular na paksa. Bilang paghahanda sa pagdalaw-muli, hanapin ang paksang ito sa indise ng aklat na Reasoning. Maaaring masumpungan ninyo ang isang mungkahi o karagdagang maka-Kasulatang impormasyon na pakikinabangan ng indibiduwal.
6 Kapag may katanungang bumangon sa isang pag-aaral sa Bibliya at napagpasiyahan ninyo na makabubuting sagutin na iyon bago kayo lumisan, tingnan ang alinman sa indise sa likuran ng aklat na Reasoning o ang listahan ng mga pangunahing paksa sa harapan. Halimbawa, maaaring may nagsabi sa interesadong tao na ang mga Saksi ni Jehova ay isang sekta o kulto. Ang kailangan ninyong impormasyon ay nasa pahina 202. Madali itong makikita sa pamamagitan ng pagtingin sa “Jehovah’s Witnesses” sa ilalim ng “Principal Subjects.” O maaaring tingnan ninyo ang “Cult” o “Sects” sa indise. Maging palagay sa pagbasa ng kasagutan mula mismo sa aklat. Hindi ninyo dapat na ikabahala na kayo’y nakikita ng estudiyante na humahanap ng karagdagang impormasyon sa ganitong paraan.
7 Habang tayo ay nagiging pamilyar sa mainam na instrumentong ito at ginagamit sa larangan, tayo ay higit na magiging matagumpay sa pag-abot sa mga puso niyaong nasa ating teritoryo.