Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Aklat na Creation
1 Sagana ang mga katibayan na umiiral ang isang Maylikha at na siya’y interesado sa kaniyang mga nilalang. (Roma 1:20, 21; Apoc. 4:11) Sa Setyembre may pagkakataon tayong iharap ang katotohanan hinggil sa paglalang samantalang ating iniaalok ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?
2 Karagdagan pa sa ating ministeryo sa bahay-bahay, maaari nating ialok ang aklat na Creation sa gawain sa lansangan at habang nagsasagawa ng impormal na pagpapatotoo. Ito’y isang kaakit-akit na aklat na makatatawag ng pansin sa mga ahente, negosyante, at iba pa na pinakikitunguhan natin. Naririyan din ang ating mga ruta sa magasin, o yaong mga dinadalaw natin nang palagian subali’t wala pa ng aklat na ito. Hindi kaya sila masiyahan sa pagbasa ng mainam na publikasyong ito?
3 Kayong mga kabataan sa kongregasyon ay mayroong sariling teritoryo, at ang teritoryong iyon ay ang paaralan. Nasubukan na ba ninyong magdala ng isang kopya ng aklat na Creation sa paaralan? Ang mga taong mausisa ay maaaring magtanong sa inyo tungkol dito. Kung ilalagay ninyo ang isang kopya sa ibabaw ng inyong mesa o babasahin iyon sa pananghalian, malamang na may magtanong sa inyo kung papaano sila magkakaroon ng isang kopya.
4 Tayong lahat ay maaaring maging gising sa mga pagkakataon na mag-alok ng publikasyong ito sa kabataan na ating masusumpungan sa ministeryo. Kapag may nasumpungan tayong mga magulang sa pintuan, pagkatapos na maisaalang-alang ang Paksang Mapag-uusapan, maaari nating iharap ang aklat at ipaliwanag kung papaano ito makatutulong sa kanilang mga anak. Yamang ang ebolusyon ay kadalasang itinuturo sa paaralan, ang aklat ay makatutulong sa kanilang mga anak na maunawaan kung ano ang sinasabi ng Bibliya at ng tunay na siyensiya hinggil sa ebolusyon.
5 Ang iba ay maaaring hindi naniniwala sa ebolusyon at marahil ay hindi masyadong interesado sa paksang ito. Subali’t sila’y kadalasang nababahala sa pagdurusang nagaganap sa sanlibutan at hinggil sa kanilang kinabukasan. Para sa mga ito, maaari nating itampok ang kabanata 16 o 19.
6 Kung nagbangon ng pag-aalinlangan ang maybahay hinggil sa paniniwala sa Bibliya, maaari ninyong akayin siya sa mga kabanata 17 at 18 sa “Can You Trust the Bible?” at sa “The Bible—Is It Really Inspired by God?”
7 Hangga’t maaari nais nating pahalagahan ng maraming mga tao na si Jehova ang Maylikha. (Gawa 17:24-28) Kaya ipaabot natin sa lahat ang pagkakataon na basahin ang aklat na Creation sa Setyembre.