Pagtulong sa Iba na Parangalan ang Ating Maylikha
1 Nadarama ba natin ang gaya ng sa mang-aawit nang kaniyang sabihin: “Oh Jehova, . . . nasa iyo ang bukal ng buhay”? (Awit 36:5, 9) Papaano natin tutulungan ang iba na magbigay ng karangalan sa ating Maylikha? Sa pamamagitan ng pag-aalok sa Hunyo ng Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Ang aklat na ito ay naglalaan ng matibay na patotoo sa pag-iral ng Diyos at maliwanag na nagpapakita kung bakit ang ebolusyon ay hindi maaaring maging totoo.
2 Narito ang isang payak, tuwirang presentasyon.
Pagkatapos batiin ang maybahay, ipakita ang larawan sa pahina 6 at magtanong:
◼ “Papaano nagpasimula ang buhay sa lupang ito? Sinasabi ng ilan na ito’y aksidente. Ang Bibliya ay nagbibigay ng lahat ng kredito sa Diyos. Ano sa palagay ninyo? [Hayaang sumagot.] Ang aklat na ito ay nagbibigay ng kasagutan na lubusang kasuwato ng Bibliya at ng mga patotoo ng siyensiya. Nais kong magkaroon kayo nito upang marepaso ninyo ang lahat ng mga katibayan at makapagpasiya kayo sa ganang sarili.”
3 Pagkatapos ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa makasiyentipikong sanlibutang ito, praktikal kayang maniwala sa paglalang, o sa palagay ninyo’y sumipot na lamang tayo nang di sinasadya? [Hayaang sumagot.] Pansinin ang pangangatuwiran ng Bibliya sa bagay na ito. [Basahin ang Hebreo 3:4.] Hindi ba kayo sasang-ayon na bawat gusali ay may nagtayo? Kung gayon, maaari bang ang sansinukob ay umiral sa ganang sarili?” Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 114 ng aklat na Creation, at pagkatapos ay banggitin ang punto sa parapo 2 sa pahina 115. Kung kinuha ng maybahay ang aklat, sabihin sa kaniya na sa susunod ninyong pagdalaw ay tatalakayin ninyo ang katanungang, Ano ang kinabukasan ng tao at ng lupa?
4 O pagkatapos batiin ang maybahay, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ano sa palagay ninyo ang anyo ng ating unang mga ninuno? [Hayaang sumagot.] Kamukha kaya sila ng ‘taong unggoy’ na ito? [Buksan sa pahina 83 ng aklat na Creation.] Pansinin ang sinasabi ng Bibliya sa Gawa 17:26. [Basahin.] Kaya, sa ano salig ang larawang-guhit ng ‘taong unggoy’?” Akayin ang pansin sa kapsiyon sa ilalim ng larawang-guhit sa pahina 89.
5 Ang isa pang paraan ay ang ipakita ang takip ng aklat na “Creation” at sabihin:
◼ “Ngayon ay tinatanong namin ang ating mga kapitbahay, Ang tao ba’y naririto sa pamamagitan ng ebolusyon o sa pamamagitan ng paglalang? Ano sa palagay ninyo? [Hayaang sumagot.] Bagaman marami sa mga taong may mataas na pinag-aralan ang naniniwala sa ebolusyon, pansinin kung ano ang sinabi ng isang dating astronaut. [Ipakita ang p. 122, par. 14.] Kailangan nating personal na suriin ang ebidensiya upang makita kung alin ang dapat nating paniwalaan—ebolusyon o paglalang.”
6 Ninanais ba ninyong tulungan ang iba pa na matutuhan ang katotohanan hinggil sa ating Maylikha at sa kaniyang maibiging layunin? Ang aklat na Creation ay makatutulong sa inyo na gawin iyon. Ito ay nagpaparangal sa ating Dakilang Maylikha sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang kamangha-manghang layunin na pagpalain ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaharian ni Kristo.