Si Jehova ang Ating Maylikha
1 Milyun-milyong tao ang naniniwala na nilikha ng Diyos ang buhay. Marami rin ang naniniwala sa ebolusyon. Naririyan din ang mga hindi nakatitiyak kung ano ang dapat paniwalaan. Ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay para sa lahat ng gayong mga tao. Ang publikasyong ito ay naghaharap ng lubusang paliwanag salig sa pagsusuri kung papaano nagkaroon dito ng buhay at kung ano ang kahulugan nito para sa ating kinabukasan. Sa Hunyo, ating itatampok ang mainam na aklat na ito.
2 Kinilala kahit na ng mga prominenteng tao sa isang siyentipikong komunidad ang kakaibang lohika ng aklat. Isang siyentipikong mananaliksik sa Netherlands ang sumulat: “Ang aklat na ito ay tunay na nakahihigit sa lahat ng aking inaasahan. Ang makatuwirang pagkakasunud-sunod ng mga kabanata at ang mga ilustrasyon ay angkop sa makasiyentipikong panahon anupat dapat na maging bulag ka upang tutulan ang mga ito.” Nagpahayag ang isang abogado: “Nabasa ko ito ng apat na ulit at patuloy na humahanga sa lalim ng pag-aaral, karunungan, at ebidensiya na ginawa sa paglalathala nito.” Kaya makapagtitiwala tayo na mapahahalagahan ng iba pa ang aklat na ito.
3 Maaari ninyong piliin ang maikling presentasyong gaya nito:
◼ Buksan sa pahina 6, at sabihin: “Maraming tao ang nag-iisip na ang ating magandang lupa at buhay dito ay bunga ng isang aksidente. Ano sa palagay ninyo ang makatuwirang paliwanag kung papaano nangyari ang lahat ng ito? [Hayaang sumagot.] Napakaraming ebidensiya ang nagpapatunay sa ulat ng Bibliya hinggil sa isang Maylikha na hindi lamang napakamakapangyarihan kundi labis na umiibig din sa atin. Siya ang tunay na Diyos, at ang kaniyang pangalan ay Jehova.” Basahin ang Awit 83:18, at ipaliwanag sa maikli kung papaanong layunin niyang baguhin ang buong lupa tungo sa isang paraiso.
4 Kung nais ninyong magtungo kaagad sa punto, maaari ninyong sabihin:
◼ “Napag-isipan na ba ninyo ang katanungang ito?” Ipakita ang pamagat, bumaling sa pahina 7, basahin ang mga tanong sa parapo 2, at ipaliwanag na ang aklat ay nagbibigay ng kasiya-siyang mga sagot mula sa Bibliya.
5 O maaari ninyong subukin ito:
◼ “Napag-isipan na ba ninyo kung bakit ang lupa ay lumitaw? Iginigiit ng marami na ito ay resulta ng dambuhalang kosmikong pagsabog. Ano sa palagay ninyo? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagtuturo na nilalang ng Diyos ang lupa bilang ating walang hanggang tahanan. Ito’y kakaiba sa mga planeta sa ating sistema solar. Ayon sa ating alam, ito lamang sa sansinukob ang tanging nagtataglay ng lahat ng masalimuot na probisyong kailangan upang mapanatili ang buhay.” Bumaling sa parapo 5 sa pahina 130, at ipaliwanag kung bakit ang lupa ay ginawa ng isang Dalubhasang Disenyador.
6 Ang isa pang paglapit ay maaaring gaya nito:
◼ “Ang ilang tao ay nag-aakalang tayo’y nagmula sa ‘taong-unggoy.’ Kanilang inaangkin na ang ating mga ninuno ay kagaya nito. [Ipakita ang larawan sa pahina 89.] Ano sa palagay ninyo?” Hayaang sumagot. Ipakita kung ano ang sinasabi sa parapo 20, at pagkatapos ay basahin ang Gawa 4:24, na nagpapakilala kay Jehova bilang ating Maylikha at Tagapagbigay-Buhay. “Ang aklat na ito ay gumagawa ng pagsusuri sa buong teoriya ng ebolusyon hinggil sa sinasabi ng Bibliya.” Bumaling sa talaan ng mga nilalaman sa pahina 5, at ipakita ang ilang pamagat, gaya niyaong nasa mga kabanata 1, 7, 15, at 19.
7 Ang aklat na ito ay isang pagpapala sa taimtim na mga tao na nailigaw ng mga walang pananampalataya kay Jehova o sa kaniyang Salita. Ang makatotohanang impormasyong taglay ng aklat na Creation ay makatutulong sa gayong mga tao na lumaki ang pagpapahalaga sa ating Maylikha, na maibiging nagmamalasakit sa atin.