Ang Kaalaman Mula sa Diyos ay Sumasagot sa Maraming Katanungan
1 Bago kayo sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan, malamang na marami kayong katanungan hinggil sa buhay na hindi ninyo masagot. Anong ligaya ninyo na makatanggap ng salig-sa-Bibliyang mga kasagutan sa mga katanungang iyon! Ngayon ay nakatutulong na kayo sa iba pa na makasumpong ng gayon ding mga kasagutan. (Ihambing ang 2 Timoteo 2:2.) Maibabahagi ninyo sa kanila ang kaalaman ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Subalit paano ninyo matutulungan ang isa na makita ang kahalagahan ng kaalamang ito? Buweno, isipin ang mga katanungang sinagot sa inyo ng katotohanan. Ano ba ang ninanais malaman ng mga naghahanap sa katotohanan? Ang pag-iisip hinggil dito ay makatutulong sa inyo na ialok ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa inyo sa paghahanda para sa pagpapatotoo sa Hunyo.
2 Yamang maraming tao ang nag-iisip kung bakit napakaraming pagdurusa sa sanlibutan, ang ganitong paglapit ay maaaring kumuha ng mabuting pagtugon:
◼ “Kapag may naganap na kalamidad o lumalaganap ang krimen at karahasan, ang mga tao ay kadalasang nagtatanong kung bakit nangyayari ang gayong kakilakilabot na mga bagay. Ano ang isasagot ninyo?” Hayaang magkomento ang tao at pakinggan ang kaniyang tugon. Pagkatapos ay bumaling sa kabanata 8 ng aklat na Kaalaman, at itawag-pansin ang sinasabi sa parapo 2. Ipaliwanag na ang aklat na ito ay naghaharap ng paliwanag ng Bibliya kung bakit nangyayari ang masasamang bagay, at sabihing: “Nais kong iwan sa inyo ang aklat na ito sa maliit na kontribusyon.” Pagkatapos ay isaayos na bumalik upang ipagpatuloy ang inyong pag-uusap.
3 Kapag bumabalik sa napaglagyan ninyo ng aklat na “Kaalaman,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Ako’y interesado sa inyong opinyon kung bakit napakarami ng pagdurusa sa sanlibutan. Sang-ayon ba kayo sa sagot ng Bibliya gaya ng nakabalangkas sa aklat?” Hayaang sumagot. Basahin ang parapo 17 sa pahina 77 ng aklat na Kaalaman, at ialok na basahin ang Roma 9:14 mula sa Bibliya ng maybahay. Pagkatapos ay sabihin: “Ang mabuting balita ay na hindi walang katarungang pinangyayari ng Diyos ang kirot at pagdurusa. Kaniyang ipinangako na bibigyan tayo ng buhay na walang-hanggan sa kapayapaan at kaligayahan. Ang unang kabanata ng aklat na ito ay pinamagatang ‘Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!’ Nais kong ipaliwanag kung paano ito magkakatotoo sa inyo at sa inyong mga minamahal.” Bumaling sa kabanata 1, at itanghal ang ating paraan ng pag-aaral. Saklawin ang dami ng kabanata na angkop sa situwasyon.
4 Maaari ninyong piliin na gamitin ang pambungad na lumilitaw sa pahina 13 sa aklat na “Nangangatuwiran” (p. 14 sa Ingles), sa ilalim ng uluhang “Pagtanda/Kamatayan”:
◼ “Naitanong na ba ninyo: ‘Ang kamatayan ba ang katapusan ng lahat? O mayroon pa bang ibang maaasahan pagkamatay?’ [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay sumasagot sa anumang katanungang mayroon tayo hinggil sa kamatayan. [Basahin ang Eclesiastes 9:5, 10.] Ito’y nagpapakita rin na may tunay na pag-asa para doon sa mga may pananampalataya. [Bumaling sa parapo 13 sa pahina 84 ng aklat na Kaalaman; basahin at ipaliwanag ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Juan 11:25.] Ang buong kabanatang ito ay nakalaan sa pagsagot sa katanungang, Ano ang nangyayari sa ating yumaong mga minamahal sa buhay? Kung nais ninyong basahin ito, maaari kong iwan ang kopyang ito sa inyo sa maliit na kontribusyon.”
5 Kapag gumagawa ng pagdalaw-muli, maaari ninyong ipaalaala sa maybahay ang inyong huling pagdalaw at pagkatapos ay sabihin:
◼ “Nang nakaraan ay pinag-usapan natin kung ano ang nangyayari kapag ang isang tao ay namatay. Maraming tao ang naniniwala na ang anumang buhay pagkamatay ay magiging alinman sa langit o sa impiyerno. Subalit naisip na ba ninyo ang posibilidad na ang patay ay mabubuhay muli sa lupang ito? [Hayaang sumagot.] Ayon sa Bibliya, yaong mga bubuhayin ay mapapabilang sa mga maaamo na magmamana ng lupa. [Basahin ang Awit 37:11, 29, at pagkatapos ay talakayin ang parapo 20 sa pahina 88 ng aklat na Kaalaman.] Ang pag-asang ito ay nagbigay ng kaaliwan sa milyun-milyong mga tao na nabubuhay sa takot sa kamatayan. Ang aklat na ito ay makatutulong sa inyo na maunawaan pang higit ang bagay na ito. Maaari ko bang itanghal kung paano?”
6 Kung nais ninyo ang mas simpleng presentasyon, maaari ninyong subukan ang isang ito:
◼ “Nais kong ipakita sa inyo ang isang ilustrasyon sa aklat na ito, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Hindi ba’t ito’y isang magandang larawan?” Buksan ang aklat upang makita ng maybahay ang mga pahina 4-5. Hayaang tumugon. Pagkatapos ay basahin ang mga salita sa pahina 5. Magtapos sa pagsasabing: “Maaari ninyong kunin ang aklat na ito upang basahin. May maliit na kontribusyon upang kubrehan ang ilang halaga sa paglilimbag.” Alamin kung ano ang kombinyenteng panahon upang bumalik at nang masubaybayan ang anumang ipinakitang interes.
7 Taglay natin ang kaalaman mula sa Diyos na sumasagot sa mahahalagang katanungan hinggil sa buhay. Lubusang maghanda, at pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap na ibahagi ang nagbibigay-buhay na impormasyong ito sa mga naghahanap ng katotohanan.