Pagpapalaganap sa Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
1 Si Jehova “ang Isa na nagtuturo sa mga tao ng kaalaman.” (Awit 94:10) Ginagamit niya tayo upang palaganapin ang nagbibigay-buhay na kaalaman hinggil sa kaniya para doon sa walang kabatiran kung paano siya paglilingkuran sa kalugud-lugod na paraan. Ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay isang mainam na kasangkapan sa pagtuturo upang tulungan ang tapat-pusong mga tao na magtamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. (1 Tim. 2:3, 4) Ang maliwanag at lohikal na paghaharap ng katotohanan ng aklat na Kaalaman ay makatutulong sa mga tao na maunawaan kung ano ang itinuturo sa kanila ni Jehova. Sa buwang ito ay nanaisin nating makipag-usap sa mga tao sa paraang hihikayat sa kanilang basahin ang aklat. Narito ang ilang mungkahi. Subuking ipahayag ang mga ito sa inyong sariling pananalita at sa natural ninyong paraan ng pakikipag-usap.
2 Yamang ang karamihan sa mga tao ay malamang na namatayan na ng minamahal, maaari ninyong ipasok sa pag-uusap ang pag-asa sa pagkabuhay-muli sa pagsasabi muna ng gaya nito:
◼ “Ang karamihan sa atin ay namatayan na ng minamahal. Naisip na ba ninyo kung makikita nating muli ang mga ito? [Hayaang sumagot.] Ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa tao. Pinatunayan ni Jesus na ang ating mga minamahal ay maaaring sagipin mula sa kamatayan. [Basahin ang Juan 11:11, 25, 44.] Ipinakikita nito kung ano ang ipinangako ng Diyos na gawin para sa atin. [Buksan ang aklat na Kaalaman sa pahina 85 at basahin ang kapsiyon. Pagkatapos ay ipakita ang larawan sa pahina 86 at komentuhan ito.] Kung nais pa ninyong bumasa nang higit pa hinggil sa pag-asang ito ng pagkabuhay-muli, ako’y nalulugod na iwan sa inyo ang aklat na ito.”
3 Pagkatapos ng unang pagtalakay hinggil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, maaari ninyong pasimulan ang susunod na pakikipag-usap sa tao ring iyon sa ganitong paraan:
◼ “Maaari ninyong maalaala ang aking sinabi na ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa tao. Kung iyo’y totoo, bakit tayo tumatanda at namamatay? Ang ilang pagong ay nabubuhay ng mahigit sa 100 taon, at may mga punungkahoy na nabubuhay ng libu-libong taon. Bakit ang tao ay nabubuhay lamang ng 70 o 80 taon? [Hayaang sumagot.] Tayo ay namamatay dahilan sa sumuway sa Diyos ang unang tao.” Basahin ang Roma 5:12. Bumaling sa pahina 53 sa aklat na Kaalaman at basahin ang pamagat ng kabanata. Isaalang-alang ang unang tatlong parapo, na ipinakikita ang mga kasagutan sa inimprentang mga katanungan. Isaayos na bumalik upang talakayin ang natitirang bahagi ng kabanata.
4 Kung kayo’y nakikipag-usap sa isang taong waring relihiyoso, maaari ninyong sabihin:
◼ “Daan-daan ang iba’t ibang relihiyon sa ngayon. Sila’y nagtuturo ng maraming nagkakasalungatang paniniwala. Ang ilang tao ay nagsasabi na ang lahat ng relihiyon ay mabuti at hindi mahalaga kung ano ang ating pinaniniwalaan. Ano ang inyong palagay? [Hayaang sumagot.] Itinuro ni Jesus ang tunay na relihiyon at ipinakita na ang iba pang anyo ng pagsamba ay hindi kanais-nais sa Diyos. [Basahin ang Mateo 7:21-23.] Kung nais nating paluguran ang Diyos, kailangang sambahin natin siya na kasuwato ng kaniyang kalooban.” Buksan ang aklat na Kaalaman sa kabanata 5, basahin ang pamagat at ilang sub-titulo. Ialok ang aklat.
5 Ang mga tao na nalilito dahilan sa karamihan ng relihiyon ay maaaring masiyahan sa sagot sa katanungang ito sa inyong pagdalaw-muli:
◼ “Dahilan sa pag-iral ng maraming iba’t ibang relihiyon sa ngayon, paano nating masasabi kung alin ang tama? Paano ninyo matitiyak kung aling relihiyon ang tumpak? [Hayaang sumagot.] Sinabi sa atin ni Jesus kung paano makikilala ang kaniyang tunay na mga tagasunod.” Basahin ang Juan 13:35. Isaalang-alang ang mga parapo 18 at 19 sa kabanata 5 ng aklat na Kaalaman. Ipakita na sa pamamagitan ng paggamit ng maka-Kasulatang giyang ito, makikilala ng isang tao ang tunay na relihiyon. Ilahad kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig dahilan sa kanilang tunay na pag-ibig at mataas na mga pamantayang moral. Ipaliwanag kung paanong ang isang pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang aklat na Kaalaman, ay maliwanag na magpapakilala sa anyo ng pagsamba na sinasang-ayunan ng Diyos.
6 Kung masumpungan ninyo ang isang magulang, ang paglapit na ito ay maaaring maging mabisa:
◼ “Araw-araw, ating naririnig ang mga ulat hinggil sa magulong paggawi ng mga kabataan na waring walang sinusunod na mga pamantayang moral. Sinisisi ng ilan ang mga paaralan sa hindi pagtuturo sa mga anak kung ano ang tama at mali. Sino sa palagay ninyo ang dapat maglaan ng ganitong pagsasanay? [Hayaang sumagot.] Pakinggan kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa katanungang ito. [Basahin ang Efeso 6:4.] Sinasabi nito na ang pagkikintal ng mga pamantayang moral sa mga anak ay pananagutan ng mga magulang.” Buksan ang aklat na Kaalaman sa pahina 145, basahin ang parapo 16, at komentuhan ang mga larawan sa pahina 147. Ipaliwanag na ang aklat ay dinisenyo upang pag-aralan ng buong pamilya. Ginagamit ang mga parapo 17 at 18 sa pahina 146, ialok na maitanghal kung paano natin idinaraos ang gayong pag-aaral sa mga pamilya.
7 Kung inyong sinimulan ang pag-aaral sa isang nababahalang magulang sa unang pagdalaw, maaari ninyong ipagpatuloy ito sa pagdalaw-muli sa pagsasabing:
◼ “Ang kasalukuyang sanlibutan ay naglalagay ng maraming tukso sa harapan ng mga kabataan. Pinangyayari nito na maging napakahirap sa kanila na matakot sa Diyos habang sila’y lumalaki. Marahil ay natatandaan ninyo na sa ating huling pag-uusap, ating ibinukod ang dalawang simulain. Bilang maka-Diyos na mga magulang, kailangan nating maglagay ng maiinam na halimbawa para sa ating mga anak, at maglaan ng patuloy na mga kapahayagan ng ating pag-ibig sa kanila. May isa pang bagay na sinasabi ng Bibliya na kailangan ng mga anak mula sa kanilang mga magulang.” Basahin ang Kawikaan 1:8. Bumaling sa pahina 148 sa aklat na Kaalaman at ipagpatuloy ang pag-aaral, na sinasaklaw ang mga parapo 19-23. Imungkahi na kayo ay babalik muli upang makipag-aral sa buong pamilya, pasimula sa kabanata 1.