“Ang Pananampalataya ay Kasunod ng Bagay na Narinig”
1 Kapag tayo’y nakasumpong ng sinuman na “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan,” kailangan nating patibayin ang pananampalataya ng taong iyon sa kaniyang narinig. (Gawa 13:48; Roma 10:17) Upang maisakatuparan iyon, kailangan nating balikan ang mga naisakamay na magasin, na dinadala ang mga pinakabagong isyu at marahil ay nag-aalok ng suskrisyon. Gayunpaman, ang ating tunguhin ay makapagsimula ng isang pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Narito ang ilang mungkahi na maaaring makatulong:
2 Kapag nagsasagawa ng isang pagdalaw-muli kung saan ninyo tinalakay ang artikulong “Purihin ang Haring Walang-Hanggan!,” maaari kayong magpasimula sa ganitong paraan:
◼ “Noong huli tayong mag-usap, ating nirepaso ang ilang patotoo na nagpapatunay na may isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Gayunpaman, ang basta pagkaalam hinggil sa kanilang pag-iral ay hindi sapat. Kailangan nating malaman ang kaniyang pangalan. Alam ba ninyo kung ano iyon? [Hayaang sumagot.] Nais ng Diyos na makilala natin siya sa kaniyang pangalan. [Basahin ang Awit 83:18.] Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin nang higit pa tungkol sa Diyos na Jehova, gaya ng ipinaliliwanag sa aklat na ito.” Ipakita ang larawan, at basahin ang kapsiyon sa pahina 29 ng aklat na Kaalaman. Pagkatapos ninyong talakayin ang unang tatlong parapo sa kabanata 3, nakapagsimula na kayo ng isang pag-aaral!
3 Para doon sa mga kinausap ninyo sa artikulong “Kung Bakit Tumatanggap ng Pagpapala ng Diyos ang Tunay na Pagsamba,” nanaisin ninyong subaybayan ang interes sa pagsasabing:
◼ “Pagkatapos basahin ang artikulo, marahil ay napansin ninyong hindi natin maaaring malasin na magkakapareho ang lahat ng relihiyon. Kapuwa umiiral ang tunay na relihiyon at ang mga huwad na relihiyon. Nagbabangon ito ng makatuwirang tanong, Kaninong pagsamba ang tinatanggap ng Diyos? Ang sagot ay itinatampok sa aklat na ito.” Bumaling sa kabanata 5 sa aklat na Kaalaman at basahin ang parapo 4, lakip na ang Juan 4:23, 24. Pagkatapos ay itanong, “Nais ba ninyong tumanggap ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya?” Kung positibo ang tugon, bumaling sa kabanata 1 at pasimulan ang pag-aaral.
4 Kung nagpakita ng interes sa Abril 22 ng “Gumising!,” sa inyong pagbabalik ay maaari ninyong subukan ang paglapit na ito upang pasimulan ang isang pag-aaral sa aklat na “Kaalaman”:
◼ “Maaalaala ninyo na ating pinag-usapan ang tungkol sa pag-asa na makita ang isang sanlibutang walang digmaan. Mahirap mailarawan ang magiging kalagayan nito. Narito ang idea ng isang pintor tungkol dito. [Ipakita ang larawan sa mga pahina 188-9 sa aklat na Kaalaman.] Di ba’t isang kasiyahang tamasahin ang mga kapaligirang ito? [Bumaling sa mga pahina 4-5, ipakita ang larawan, at basahin ang kahon.] Ang pamagat ng aklat na ito ay katulad sa mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Juan 17:3. [Basahin.] Kung maaari, nais kong ipakita kung papaano gagamitin ang aklat na ito kasama ng inyong Bibliya upang hanapin ang nagbibigay-buhay na kaalamang iyon.” Kung sang-ayon ang maybahay, pasimulan ang pag-aaral sa unang kabanata.
5 Ang ating kagalakan ay magiging malaki kung ating ‘mabubuksan sa iba ang pintuan ng pananampalataya’ na umaakay sa buhay na walang-hanggan.—Gawa 14:27; Juan 17:3.