Pagpapatibay ng Pananampalataya sa Maylikha ng Sangkatauhan
1 Maraming mga tao ang maling naimpluwensiyahang maniwala sa ebolusyon sa halip na sa paglalang bilang pinagmulan ng buhay. Sinusuri ng aklat na Creation ang magkabilang panig ng isyu at nagbibigay ng puspusang patotoo bilang alalay sa Bibliya. Papaano natin matutulungan ang taimtim na mga tao na nagpakita ng pagnanais na makinig? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagdalaw muli. Kapag tayo ay bumabalik, mabuting sa tuwi-tuwi na’y magkaroon sa isip ng tiyak na sasabihin upang magpatibay ng pananampalataya kay Jehova bilang ating Maylikha.
2 Kung ang tao ay nagpakita ng paniniwala sa Bibliya, ang ganitong paglapit ay maaaring maging mabisa para pasimulan ang inyong pag-uusap:
◼ “Ang Isaias 45:18 ay gumawa ng matinding pahayag hinggil sa pinagmulan ng sansinukob; nais kong malaman kung ano ang palagay ninyo hinggil dito. [Basahin at hayaang magkomento.] Dito si Jehova ay tinatawag na Maylikha ng mga langit at lupa. Ano naman ang tungkol sa buhay sa lupang ito? Ang Isaias 42:5 ay nagbibigay din sa kaniya ng kredito para dito. [Basahin.] Kung ang sinasabi ng Bibliya ay totoo, ang ebolusyon kung gayon ay huwad. Sa palagay ba ninyo’y mapagtitiwalaan ninyo ang Bibliya?” Bumaling sa kabanata 17 ng aklat na Creation, at ipakita ang higit pang dahilan ng paniniwala kay Jehova bilang ang Maylikha.
3 Maaari ninyong pasimulan ang pag-uusap gaya nito:
◼ “Sa huli kong pagdalaw, ang katanungang naibangon ay, Ano ang kinabukasan ng tao at ng lupa? Pansinin kung papaanong ang aklat na iniwan ko sa inyo ay sumasagot sa katanungang iyan.” Bumaling sa mga pahina 234-5 ng aklat na Creation at pasiglahin siya na basahin ang mga parapo 6 at 7. Kung nagpakita ng karagdagang interes, maaari ninyong itanong: “Anong mga pagbabago sa palagay ninyo ang magaganap sa lupa?” Kung angkop, ang puntong ito ay maaaring talakayin sa panahong iyon o sa inyong susunod na pagdalaw sa pamamagitan ng pagtungo sa iba pang parapo sa kabanata ring iyon ng aklat na Creation.
4 Ang isa pang paraan para mapasimulan ninyo ang pagdalaw muli ay sa pamamagitan ng pagsasabing:
◼ “Ang sangkatauhan ay nagdusa ng maraming kirot at kalungkutan dahilan sa kasamaan at kabalakyutan. Si Jehova, ang Maylikha ng lupang ito, ay nangako na ito’y magwawakas. [Bumaling sa pahina 196, at basahin ang Kawikaan 2:21, 22.] Yaong mga kumikilala sa kaniya bilang kanilang Maylikha at gumagawa ng kaniyang kalooban ay maaaring tumingin sa hinaharap sa kamangha-manghang mga pagpapala.” Kung angkop sa panahong iyon, magpatuloy sa pagtalakay sa Apocalipsis 21:4, 5 sa mga pahina 197-8.
5 Ang makaranasang mga mamamahayag ay nakababatid na mabuting mag-eskedyul ng tiyak na panahon para sa mga pagdalaw muli. Ang pagkakaroon ng tiyak na kaayusan sa gawaing ito ay tutulong sa atin na masubaybayan karakaraka ang interes. Tiyakin ang pinakamabuting panahon para sa inyo at para sa teritoryo. Sa pamamagitan ng palagiang pakikibahagi sa gawaing ito, kayo’y makakasumpong ng kagalakan sa pagtupad sa komisyong “gumawa ng mga alagad.”—Mat. 28:19, 20.