Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Unawa
1 “Ang isang taong may unawa ay may espiritung malamig.” (Kaw. 17:27) Ang karunungan ng mga salitang ito ay kadalasang napatutunayan sa ating ministeryo. Halimbawa, maaari tayong magtungo sa isang bahay na may karatulang, “Walang Nagtitindang Pinahihintulutan.” O, tayo ay hinihilingang lisanin ang isang apartment na doo’y nangangaral tayo o hindi tayo papasukin sa isang gusali. Ano ang maaari nating gawin sa ganitong mga kalagayan?
2 “Walang Nagtitinda.” Ang pag-aalok natin ng mga babasahin na may abuloy ay hindi pagtitinda. Gayumpaman ang ilan ay tututol dito at magsasabi na tayo ay nagtitinda. Kung gayon, maaari nating ipaliwanag na ang ating gawain ay hindi komersiyal, na ito ay isang gawaing pag-eebanghelyo, at na tayo ay mga ministro. Dapat nating gawin ito na ‘laging may biyaya, na may lasang asin.’ (Col. 4:6) Kung iginigiit nilang tayo ay hindi tinatanggap, kung gayon tayo ay dapat na tahimik na umalis at marahil ay sumubok muli sa ibang araw.
3 “Hiniling na lisanin ang gusali.” Kung hinilingang lisanin ang isang gusali na doon tayo’y nangangaral, maaaring mataktika ninyong ipaliwanag na ang ating gawain ay relihiyoso at isang paglilingkod sa madia. Kung pagkatapos na malumanay na makipag-usap sa tao, kayo ay pinag-utusang lumisan, kailangang gawin ninyo iyon. Hindi katalinuhan na igiit ang karapatan ng isa at lumikha ng di kinakailangang kaguluhan. Kung angkop, kayo ay maaaring bumalik sa ibang pagkakataon, marahil ay dalawin lamang ang isa o dalawang tahanan sa pagkakataong iyon. Pagkatapos ay bumalik muli upang dalawin ang ilan pa. Sa ganitong paraan ang lahat ay makakatanggap ng patotoo sa wakas.
4 “Ayaw papasukin sa isang gusali.” Ang unawa ay nananawagan sa mga salita ng Kawikaan 15:1: “Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot, nguni’t ang mabigat na salita ay humihila ng galit.” Kaya makabubuting hindi igiit ang sariling karapatan. Gayumpaman, kung minsan posibleng gumawa ng pakikipagtipan upang makita ang nangangasiwa sa gusali at maipaliwanag ang ating gawain. Maaaring siya ay magbigay ng pahintulot na mangaral sa mga tao doon. Gayundin, maaaring makapasok sa gusali sa legal na pamamaraan na hindi napapansin ng mga tumututol. Sabihin pa ito ay kailangang gawing maingat, at marahil ay pinakamabuting magpatotoo sa isa o dalawang pamilya lamang sa pagkakataong iyon. Sa lahat ng pagkakataon ang dignidad ng ating gawain ay dapat na mapanatili upang magawa natin ang “lahat ng mga bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Cor. 10:31.
5 “Ang mabuting balita ay kailangang maipangaral.” (Mar. 13:10) Habang tayo ay lumalapit sa katapusan ng sistemang ito, inaasahan na si Satanas ay magpapatuloy na gawing mahirap para sa atin na abutin ang mga tulad-tupang mga tao. Gamitin nawa natin ang unawa habang tayo ay nangangaral upang maabot ang marami hangga’t magagawa natin taglay ang pag-asa mula sa Salita ng Diyos.