Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/1 p. 19-21
  • Makapaglilinang Ka ba ng Higit Pang Kaunawaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makapaglilinang Ka ba ng Higit Pang Kaunawaan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkulang ng Kaunawaan ang Israel
  • Pagtatamo ng Espirituwal na Kaunawaan
  • Kaunawaan at Malalim na Unawa
  • Ikiling ang Inyong Puso sa Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Mangyaring Ingatan Kayo ng Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Kaunawaan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/1 p. 19-21

Makapaglilinang Ka ba ng Higit Pang Kaunawaan?

ANG kaunawaan ay “ang kapangyarihan o kakayahan ng isip na makita ang kaibahan ng isang bagay buhat sa iba.” Ito ay maaari ring maging “matalas na pagpapasiya” o ang “kakayahan na maunawaan ang pagkakaiba ng mga bagay o mga idea.” Gayon ang sabi ng Webster’s Universal Dictionary. Maliwanag, ang kaunawaan ay isang kanais-nais na katangian. Ang halaga nito ay nakikita sa mga salita ni Solomon: “Kapag pumasok ang karunungan sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging kalugud-lugod sa mismong kaluluwa mo, . . . ang kaunawaan mismo ang mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka sa masamang daan.”​—Kawikaan 2:10-12.

Oo, ang kaunawaan ay tutulong sa atin na tanggihan ang “masamang daan,” na siya namang kaydami ngayon. At nagdudulot ito ng marami pang kapakinabangan. Halimbawa, madalas marinig ng mga magulang ang kanilang mga anak na nagsasabi, ‘Talagang hindi mo naiintindihan!’ Sa kaunti pang pagsusuri, alam ng nakauunawang mga magulang kung papaano pupukawin ang kanilang mga anak upang maibulalas ang damdamin at mga suliraning bumabagabag sa kanila. (Kawikaan 20:5) Ang isang nakauunawang asawang lalaki ay makikinig sa kaniyang kabiyak at aarukin ang kaniyang iniisip at nadarama sa halip na basta na lamang huhusga. Gayundin ang gagawin ng asawang babae sa kaniyang kabiyak. Sa gayon, “sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng kaunawaan ito ay mapatutunayang matibay ang pagkatatag.”​—Kawikaan 24:3.

Ang kaunawaan ay tumutulong sa isang tao upang matagumpay na harapin ang mga situwasyon. Ganito ang sabi ng Kawikaan 17:27: “Ang isa na nagpipigil sa kaniyang pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang isang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.” Ang taong nakauunawa ay hindi mainitin ang ulo, na kumikilos nang hindi muna nag-iisip. Maingat niyang minumuni-muni ang posibleng kahihinatnan bago magpasiya. (Lucas 14:28, 29) Nagtatamasa rin siya ng mas mapayapang kaugnayan sa iba dahil inaakay siya ng isang “bibig ng pag-iingat” upang mahinahong piliin ang kaniyang mga salita. (Kawikaan 10:19; 12:8) Ngunit higit sa lahat, mapagpakumbabang kinikilala ng isang taong nakauunawa ang kaniyang sariling mga limitasyon at siya’y umaasa sa Diyos sa halip na sa mga tao ukol sa patnubay. Ito’y nakalulugod kay Jehova at isa pang dahilan upang linangin ang kaunawaan.​—Kawikaan 2:1-9; Santiago 4:6.

Nagkulang ng Kaunawaan ang Israel

Ang panganib sa hindi paggamit ng kaunawaan ay makikita sa isang pangyayari sa maagang kasaysayan ng Israel. Sa paggunita sa panahong iyon, ganito ang sabi ng kinasihang salmista: “Kung para sa ating mga ninuno sa Ehipto, sila’y hindi nagpakita ng malalim na unawa sa iyong kamangha-manghang mga gawa. Hindi nila inalaala ang kasaganaan ng iyong dakilang maibiging-kabaitan, kundi sila’y gumawi nang rebelyoso sa dagat, sa Dagat na Pula.”​—Awit 106:7.

Nang akayin ni Moises ang Israel sa paglabas sa Ehipto, naipakita na ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang pasiya na palayain ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagpaparanas ng sampung salot sa pandaigdig na kapangyarihang iyon. Matapos payaunin ni Faraon ang mga Israelita, inakay sila ni Moises patungo sa pampang ng Dagat na Pula. Subalit tinugis sila ng mga hukbo ng Ehipto. Waring nasukol na ang mga Israelita at panandalian lamang ang kanilang katatanggap na kalayaan. Kaya ganito ang sabi ng ulat sa Bibliya: “Ang mga anak ni Israel ay lubhang natakot at nagsimulang humiyaw kay Jehova.” At sila’y bumaling kay Moises, anupat nagsabi: “Ano itong ginawa mo sa amin na inilabas mo kami sa Ehipto? . . . Sapagkat mas mabuti pa sa amin na maglingkod sa mga Ehipsiyo kaysa mamatay kami sa ilang.”​—Exodo 14:10-12.

Waring mauunawaan naman ang kanilang pagkatakot hanggang sa magunita natin na nasaksihan na nila ang sampung natatanging pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova. Tuwirang alam nila ang ipaaalaala sa kanila ni Moises makalipas ang mga 40 taon: “Inilabas tayo ni Jehova sa Ehipto sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig at ng matinding kakilabutan at ng mga tanda at mga himala.” (Deuteronomio 26:8) Kaya naman, gaya ng isinulat ng salmista, nang labanan ng mga Israelita ang pangunguna ni Moises, “sila’y hindi nagpakita ng malalim na unawa.” Gayunpaman, palibhasa’y tapat sa kaniyang pangako, nilupig ni Jehova ang mga puwersa ng Ehipto sa isang nakasisindak na paraan.​—Exodo 14:19-31.

Ang ating pananampalataya ay mayayanig sa nahahawig na paraan kung haharapin natin ang mga pagsubok taglay ang pag-aalinlangan o pag-aatubili. Ang kaunawaan ay tutulong sa atin na palaging magkaroon ng tamang pangmalas sa mga bagay-bagay, anupat hindi kinalilimutan kung gaano kadakila si Jehova kaysa kaninuman na maaaring sumasalansang sa atin. Tutulong din sa atin ang kaunawaan na alalahanin kung ano ang mga nagawa na ni Jehova para sa atin. Tutulong ito sa atin na tandaan ang bagay na siya ang Isa na “nagbabantay sa lahat niyaong umiibig sa kaniya.”​—Awit 145:18-20.

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaunawaan

Ang kaunawaan ay hindi kusang natatamo dahil lamang sa nagkakaedad na ang isa. Ito ay kailangang linangin. Ganito ang sabi ng pantas na si Haring Solomon, na nakilala sa buong daigdig dahil sa kaniyang kaunawaan: “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagtataglay nito bilang pakinabang ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at ang pagtataglay nito bilang ani kaysa sa ginto mismo.” (Kawikaan 3:13, 14) Saan nakuha ni Solomon ang kaniyang kaunawaan? Buhat kay Jehova. Nang tanungin ni Jehova si Solomon kung anong pagpapala ang ibig niya, sumagot si Solomon: “Bigyan mo ang iyong lingkod ng masunuring puso upang hatulan ang iyong bayan, upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.” (1 Hari 3:9) Oo, si Solomon ay umasa kay Jehova bilang kaniyang katulong. Hiniling niya ang kaunawaan, at ibinigay iyon ni Jehova sa kaniya sa isang di-karaniwang antas. Ang resulta? “Ang karunungan ni Solomon ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng mga taga-Oriente at kaysa sa lahat ng karunungan ng Ehipto.”​—1 Hari 4:30.

Ipinakikita sa atin ng karanasan ni Solomon kung saan tayo babaling sa paghahanap ng kaunawaan. Tulad ni Solomon, dapat tayong umasa kay Jehova. Papaano? Buweno, inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, na nagbibigay sa atin ng malalim na unawa sa kaniyang pag-iisip. Kapag binabasa natin ang Bibliya, nagdudukal tayo sa isang mahalagang tibagan ng kaalaman na maglalaan ng mga tipak ng bato para sa espirituwal na kaunawaan. Ang impormasyon na natatamo natin buhat sa ating pagbabasa ng Bibliya ay dapat na bulay-bulayin. Kung magkagayon, magagamit ito sa paggawa ng tamang mga pasiya. Sa katagalan, ang ating kakayahang umunawa ay susulong hanggang sa tayo’y maging “lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa,” na nagagawang “makilala [o, makita] kapuwa ang tama at ang mali.”​—1 Corinto 14:20; Hebreo 5:14; ihambing ang 1 Corinto 2:10.

Kapansin-pansin, maaari pa rin tayong makinabang mula sa kaunawaan na ipinagkaloob ni Jehova kay Solomon. Papaano? Naging bihasa si Solomon sa pagpapahayag ng karunungan sa anyo ng mga kawikaan, na, sa katunayan, ay mga balangkas ng kinasihan-ng-Diyos na karunungan. Marami sa mga kasabihang ito ang iningatan sa aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan. Natutulungan tayo ng pag-aaral sa aklat na iyan upang makinabang buhat sa kaunawaan ni Solomon at gayundin upang mapaunlad natin mismo ang kaunawaan.

Upang tulungan tayo sa ating pag-aaral ng Bibliya, magagamit natin ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, tulad ng mga magasing Bantayan at Gumising! Sa loob ng mahigit na 116 na taon, Ang Bantayan ay naghahayag ng Kaharian ni Jehova sa tapat-pusong mga tao. Ang magasing Gumising! at ang mga hinalinhan nito ay nagkokomento sa mga kalagayan sa daigdig sapol noong 1919. Sinusuri ng dalawang magasing ito ang mga katotohanan sa Bibliya at naglalaan ng pasulong na espirituwal na kaliwanagan na tumutulong sa atin na makilala ang mga pagkakamali, maging ang mga ito man ay itinuro ng Sangkakristiyanuhan o nasumpungan sa ating sariling paraan ng pag-iisip.​—Kawikaan 4:18.

Ang isa pang tulong sa pagpapaunlad ng kaunawaan ay ang tamang pakikipagsamahan. Ganito ang sabi ng isa sa mga kawikaan ni Haring Solomon: “Siya na lumalakad kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siya na nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Nakalulungkot na hindi inalaala ng anak ni Haring Solomon na si Rehoboam ang kawikaang ito sa isang mahalagang yugto ng kaniyang buhay. Pagkamatay ng kaniyang ama, naparoon sa kaniya ang sampung tribo ng Israel sa hilaga upang hilingin na kaniyang pagaanin ang kanilang mga pasanin. Una, sumangguni si Rehoboam sa nakatatandang mga lalaki, at ang mga ito ay nagpakita ng kaunawaan nang himukin nila siya na makinig sa kaniyang mga nasasakupan. Pagkatapos, naparoon siya sa mga kabataang lalaki. Ang mga ito ay nagpakita ng kawalang-karanasan at kawalang-unawa, anupat hinimok si Rehoboam na pagbantaan ang mga Israelita. Nakinig si Rehoboam sa mga kabataang lalaki. Ang resulta? Nagrebelde ang Israel, at nawala kay Rehoboam ang malaking bahagi ng kaniyang kaharian.​—1 Hari 12:1-17.

Ang isang mahalagang bahagi sa pagpapaunlad ng kaunawaan ay ang paghingi ng tulong ng banal na espiritu. Sa pagrerepaso sa pakikitungo ni Jehova sa Israel pagkatapos na sila’y palayain buhat sa Ehipto, ganito ang sabi ng manunulat ng Bibliya na si Nehemias: “Ibinigay mo ang iyong mabuting espiritu upang sila’y gawing masiyasip.” (Nehemias 9:20) Makatutulong din sa atin ang espiritu ni Jehova upang tayo’y gawing masiyasip. Habang nananalangin ka ukol sa espiritu ni Jehova upang magbigay sa iyo ng kaunawaan, manalangin taglay ang pagtitiwala sapagkat si Jehova ay “bukas-palad na nagbibigay sa lahat at hindi nandudusta.”​—Santiago 1:5; Mateo 7:7-11; 21:22.

Kaunawaan at Malalim na Unawa

Si apostol Pablo ay nagpakita ng kaunawaan nang ipangaral niya ang katotohanan sa mga tao ng mga bansa. Halimbawa, nang minsa’y nasa Atenas, siya ay “nagdaraan at maingat na pinagmamasdan” ang mga bagay na kanilang pinag-uukulan ng pagsamba. Si Pablo ay napalilibutan ng mga idolo, at ang kaniyang espiritu sa loob niya ay nainis. Ngayon ay kailangan niyang magpasiya. Magpapatuloy ba siya sa isang ligtas na landasin at mananahimik na lamang? O nararapat kaya siyang magsalita nang tuwiran tungkol sa palasak na idolatriya na ikinaiinis niya, bagaman ang paggawa nito ay maaaring maging mapanganib?

Kumilos si Pablo nang may kaunawaan. Nasulyapan niya ang isang altar na may nakasulat: “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” Sa mataktikang paraan, kinilala ni Pablo ang kanilang debosyon sa mga idolo at pagkatapos ay ginamit ang altar na iyon bilang daan upang iharap ang paksa tungkol sa “Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay rito.” Oo, si Jehova ang Diyos na hindi nila nakikilala! Sa gayo’y isinaalang-alang ni Pablo ang kanilang damdamin hinggil sa bagay na iyon at nakapagbigay siya ng isang kahanga-hangang patotoo. Ano naman ang resulta? Maraming tao ang yumakap sa katotohanan, kasali “si Dionisio, isang hukom ng hukuman ng Areopago, at isang babae na pinanganlang Damaris, at mga iba pa bukod sa kanila.” (Gawa 17:16-34) Ano ngang inam na halimbawa si Pablo may kinalaman sa kaunawaan!

Tiyak, ang kaunawaan ay hindi dumarating kaagad o nang kusa. Subalit taglay ang pagtitiis, pananalangin, taimtim na pagsisikap, matalinong pakikipagsamahan, pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay nito, at pag-asa sa banal na espiritu ni Jehova, makapaglilinang ka rin naman nito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share