Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 11/15 p. 24-27
  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Magbigay-Pansin sa Karunungan”
  • Magsisikap Ka Ba?
  • Hindi Ka Mabibigo
  • Kapag ang “Kaalaman ay Naging Kaiga-igaya”
  • “Upang Iligtas Ka Mula sa Masamang Daan”
  • ‘Ang Matuwid ang Tatahan sa Lupa’
  • Ikiling ang Inyong Puso sa Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Makapaglilinang Ka ba ng Higit Pang Kaunawaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • “Maligaya ang Taong Nakasumpong ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Patuloy na Maghanap Gaya ng Natatagong Kayamanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 11/15 p. 24-27

“Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”

ANONG mga gawain ang kumukuha ng iyong panahon at lakas? Nababahala ka ba sa paggawa ng isang mabuting pangalan para sa iyong sarili? Ibinubuhos mo ba ang buong panahon mo sa pagkakamal ng kayamanan? Kumusta ang pagtataguyod ng karera sa isang larangan o paglilinang ng isang kakayahan sa isa o higit pang sangay ng kaalaman? Mahalaga ba sa iyo ang pagpapaunlad ng mabubuting pakikipag-ugnayan sa iba? Ang pangunahin bang ikinababahala mo ay ang pagpapanatili ng iyong mabuting kalusugan?

Lahat ng mga nabanggit ay waring may halaga sa isang banda. Ngunit ano ang pinakamahalaga? Sumasagot ang Bibliya: “Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan.” (Kawikaan 4:7) Kaya paano natin makakamit ang karunungan at ano ang mga kapakinabangan nito? Ang pangalawang kabanata ng aklat sa Bibliya na Kawikaan ang naglalaan ng mga kasagutan.

“Magbigay-Pansin sa Karunungan”

Sa maibiging paraan ng pananalita ng isang ama, ang marunong na Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagsabi: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo ang aking mga utos sa iyo, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mong hahanapin itong gaya ng pilak, at patuloy mong sasaliksikin itong gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”​—Kawikaan 2:1-5.

Nakikita mo ba kung saan naroroon ang pananagutan sa pagkakamit ng karunungan? Sa mga talatang ito, ang mga pananalitang may diwa na “kung iyong” ay lumilitaw nang tatlong ulit. Maliwanag, nakadepende sa bawat isa sa atin ang pagsasaliksik sa karunungan at sa mga katuwang nito​—ang kaunawaan at pagkaunawa. Subalit una muna, dapat nating ‘tanggapin’ at ‘pakaingatan’ sa ating kaisipan ang mga salita ng karunungan na nakaulat sa Kasulatan. Upang magawa iyon, kailangan nating pag-aralan ang Bibliya.

Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin sa tama ang bigay-Diyos na kaalaman. At tunay na kahanga-hanga ang Bibliya sa pagbibigay ng karunungan! Oo, naglalaman ito ng mga salita ng karunungan, tulad niyaong mga nakaulat sa mga aklat ng Kawikaan at Eclesiastes, at kailangan nating magbigay-pansin sa mga salitang ito. Masusumpungan din natin sa mga pahina ng Bibliya ang maraming halimbawa na nagpapakita sa mga kapakinabangan ng pagkakapit ng makadiyos na mga simulain at sa mga patibong kapag ipinagwalang-bahala ang mga ito. (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Halimbawa, isaalang-alang ang ulat ng sakim na si Gehazi, ang tagapaglingkod ni Eliseo. (2 Hari 5:20-27) Hindi ba’t itinuturo nito sa atin ang karunungan ng pag-iwas sa kasakiman? At kumusta naman ang kalunus-lunos na resulta ng waring di-mapanganib na mga pagdalaw ng anak na babae ni Jacob na si Dina sa “mga anak na babae ng lupain” ng Canaan? (Genesis 34:1-31) Hindi ba’t nauunawaan natin agad ang di-katalinuhan ng pakikisalamuha sa masamang kasama?​—Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33.

Ang pagbibigay-pansin sa karunungan ay nangangahulugan ng pagtatamo ng kaunawaan at pagkaunawa. Ayon sa Webster’s Revised Unabridged Dictionary, ang kaunawaan ay “ang kapangyarihan o pakultad ng isip na kilalanin ang kaibahan ng isang bagay sa isa pa.” Ang makadiyos na kaunawaan ay ang kakayahang kilalanin ang kaibahan ng tama sa mali at pagkatapos ay piliin ang tamang landas. Malibang ‘ikiling natin ang ating puso’ sa kaunawaan o may-kasabikan nating tamuhin ito, paano tayo makapananatili sa “daan na umaakay patungo sa buhay”? (Mateo 7:14; ihambing ang Deuteronomio 30:19, 20.) Ang pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos ay nagdudulot ng kaunawaan.

Paano tayo “tatawag . . . ukol sa pagkaunawa”​—ang kakayahang makita kung paano ang mga salik ng isang paksa ay nauugnay sa isa’t isa at sa kabuuan? Siyempre pa, ang edad at karanasan ay mga salik na tutulong sa atin na malinang ang higit na pagkaunawa​—ngunit hindi laging gayon. (Job 12:12; 32:6-12) “Gumagawi akong may higit na unawa kaysa sa matatandang lalaki,” ang sabi ng salmista, “sapagkat tinupad ko ang iyong mga pag-uutos.” Umawit din siya: “Ang mismong pagbubunyag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag, na nagpapaunawa sa mga walang-karanasan.” (Awit 119:100, 130) Si Jehova “ang Sinauna sa mga Araw,” at mayroon siyang pagkaunawa na walang-takda ang kahigitan kaysa sa taglay ng lahat ng sangkatauhan. (Daniel 7:13) Makapagbibigay ang Diyos ng pagkaunawa sa isa na walang karanasan, na magpapangyari sa isang iyon na makahigit sa gayong katangian maging sa mga mas may edad sa kaniya. Kung gayon, dapat tayong maging masigasig sa pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Sa pambungad na mga talata ng ikalawang kabanata ng Kawikaan, ang inulit na pariralang may diwa na “kung iyong” ay sinundan ng mga pananalitang tulad ng “tatanggapin,” “pakaiingatan,” “tatawagin,” “patuloy na hahanapin,” “patuloy na sasaliksikin.” Bakit ginamit ng manunulat ang mga pananalitang ito na patindi nang patindi? Ang sabi ng isang reperensiya: “Idiniriin [dito] ng taong pantas na kailangan ang pagiging puspusan sa paghahanap ng karunungan.” Oo, dapat na puspusan nating hanapin ang karunungan at ang kaugnay nitong mga katangian​—ang kaunawaan at pagkaunawa.

Magsisikap Ka Ba?

Isang mahalagang salik sa pagtatamo ng karunungan ay ang masigasig na pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, ang pag-aaral na ito ay kailangang higit pa kaysa sa basta pagbabasa lamang upang kumuha ng impormasyon. Ang makabuluhang pagbubulay-bulay sa ating binabasa ay isang mahalagang bahagi ng pag-aaral ng Kasulatan. Kasali sa pagkakamit ng karunungan at kaunawaan ang pagninilay-nilay kung paano natin magagamit ang ating mga natututuhan sa paglutas ng mga suliranin at sa pagpapasiya. Kalakip sa pagtatamo ng pagkaunawa ang pag-iisip kung paanong ang bagong materyal ay nauugnay sa dati na nating alam. Sino ang magkakaila na ang gayong palaisip na paraan ng pag-aaral ng Bibliya ay nangangailangan ng panahon at masugid na pagsisikap? Ang paglalaan ng panahon at lakas ay katulad ng sa paglalaan ng mga ito kapag ‘naghahanap ng pilak at nagsasaliksik ng natatagong kayamanan.’ Iyo bang isasagawa ang nararapat na pagsisikap? Iyo bang ‘bibilhin ang naaangkop na panahon’ upang gawin ang gayon?​—Efeso 5:15, 16.

Isip-isipin kung anong daming kayamanan ang naghihintay sa atin kapag malalim nating huhukayin ang Bibliya taglay ang isang pusong tapat. Aba, masusumpungan natin “ang mismong kaalaman ng Diyos”​—ang tumpak, di-nagbabago, at nakapagbibigay-buhay na kaalaman ng ating Maylalang! (Juan 17:3) “Ang pagkatakot kay Jehova” ay isa ring kayamanang matatamo. Napakahalaga nga ng may-pagpipitagang pagkatakot sa kaniya! Ang pagkatakot na hindi siya paluguran sa wastong antas ay dapat na mamayani sa bawat salik ng ating buhay, anupat nagdudulot ito ng espirituwal na halaga sa lahat ng ating ginagawa.​—Eclesiastes 12:13.

Ang masidhing pagnanasa na saliksikin at hukayin ang espirituwal na mga kayamanan ay dapat na nag-aalab sa ating kalooban. Upang pagaanin ang ating pagsasaliksik, naglaan si Jehova ng mahuhusay na gamit sa paghuhukay​—ang napapanahong mga magasin ng katotohanan Ang Bantayan at Gumising!, gayundin ang iba pang publikasyon na salig sa Bibliya. (Mateo 24:45-47) Upang tayo’y turuan hinggil sa kaniyang Salita at mga daan, naglaan din si Jehova ng Kristiyanong mga pagpupulong. Kailangan tayong dumalo sa mga ito nang regular, magbigay-pansin sa kung ano ang sinasalita roon, gumawa ng puspusang pagsisikap na magtuon ng pansin at pakaingatan ang mahahalagang mga ideya, at mag-isip nang malalim hinggil sa ating kaugnayan kay Jehova.​—Hebreo 10:24, 25.

Hindi Ka Mabibigo

Kadalasan, napatutunayang walang kabuluhan ang paghahanap sa nakabaong mga hiyas, ginto, o pilak. Hindi ganito pagdating sa pagsasaliksik sa espirituwal na mga kayamanan. Bakit hindi? “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan,” ang katiyakan sa atin ni Solomon, “sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”​—Kawikaan 2:6.

Nakilala si Haring Solomon dahil sa kaniyang karunungan. (1 Hari 4:30-32) Isinisiwalat sa Kasulatan na may kaalaman siya tungkol sa iba’t ibang paksa, kasama rito ang tungkol sa mga halaman, mga hayop, kalikasan ng tao, at sa Salita ng Diyos. Bilang isang kabataang hari, dahil sa kaunawaang ipinakita niya sa paglutas ng usapin sa pagitan ng dalawang babae na kapuwa nag-aangking ina ng iisang bata, siya ay naging tanyag sa buong daigdig. (1 Hari 3:16-28) Ano ang pinagmulan ng kaniyang malawak na kaalaman? Nanalangin si Solomon kay Jehova para sa “karunungan at kaalaman” at sa kakayahang “makilala ang kaibahan ng mabuti sa masama.” Ipinagkaloob ni Jehova sa kaniya ang mga ito.​—2 Cronica 1:10-12; 1 Hari 3:9.

Tayo man ay dapat manalangin para sa tulong ni Jehova habang masigasig nating pinag-aaralan ang kaniyang Salita. Nanalangin ang salmista: “Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Sinang-ayunan ni Jehova ang panalanging iyon, yamang ipinasulat niya ito sa Bibliya. Makapagtitiwala tayo na sasagutin ang ating puspusan at madalas na mga panalangin para sa kaniyang tulong sa paghahanap ng espirituwal na mga kayamanan sa Bibliya.​—Lucas 18:1-8.

Pinatingkad ni Solomon: “At para sa mga matuwid ay mag-iimbak siya ng praktikal na karunungan; siya ay kalasag sa mga lumalakad sa katapatan, sa pagmamasid sa mga landas ng kahatulan, at babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat. Kung magkagayon ay mauunawaan mo ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.” (Kawikaan 2:7-9) Anong laking katiyakan nito! Hindi lamang nagbibigay si Jehova ng praktikal na karunungan sa mga taimtim na humahanap nito kundi pinatutunayan din niya ang kaniyang sarili na isang nagsasanggalang na kalasag para sa mga matuwid sapagkat sila ay nagpapamalas ng tunay na karunungan at may-katapatang sumusunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Nawa’y makabilang tayo sa mga tinutulungan ni Jehova na maunawaan “ang buong landasin ng kabutihan.”

Kapag ang “Kaalaman ay Naging Kaiga-igaya”

Ang personal na pag-aaral ng Bibliya​—isang mahalagang kahilingan sa paghahanap ng karunungan​—ay hindi isang nakalulugod na gawain para sa maraming tao. Halimbawa, ang 58-taong-gulang na si Lawrence ay nagsabi: “Nasanay akong gumawa palagi sa pamamagitan ng aking mga kamay. Mahirap para sa akin ang mag-aral.” At ang 24-na-taong-gulang na si Michael, na hindi nasiyahan sa pag-aaral sa paaralan, ay nagsabi: “Kinailangan kong pilitin ang aking sarili na maupo at mag-aral.” Gayunman, ang pagnanais na mag-aral ay maaaring linangin.

Isaalang-alang ang ginawa ni Michael. Isinalaysay niya: “Dinisiplina ko ang aking sarili na mag-aral sa loob ng kalahating oras bawat araw. Di-nagtagal, nakita ko ang epekto sa aking saloobin, sa aking mga komento sa Kristiyanong mga pulong, at sa aking pakikipag-usap sa iba. Ngayon, nasasabik ako sa aking panahon ng pag-aaral, at ayaw kong may anumang makagambala sa panahong iyon.” Oo, ang personal na pag-aaral ay patuluyan na nagiging kasiya-siya kapag ating nakikita ang sarili nating pagsulong. Si Lawrence din ay nagtuon ng kaniyang sarili sa pag-aaral ng Bibliya at, nang maglaon, ay nakapaglingkod bilang isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ang gawing kasiya-siya ang personal na pag-aaral ay nangangailangan ng patuluyang pagsisikap. Gayunman, malaki ang mga pakinabang. “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa,” ang sabi ni Solomon, “ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.”​—Kawikaan 2:10, 11.

“Upang Iligtas Ka Mula sa Masamang Daan”

Sa anong paraan ang karunungan, kaalaman, kakayahang mag-isip, at ang kaunawaan ay napatutunayang isang pananggalang? “Upang iligtas ka [ng mga ito] mula sa masamang daan,” ang sabi ni Solomon, “mula sa taong nagsasalita ng mga pilipit na bagay, mula sa mga lumilihis sa mga landas ng katuwiran upang lumakad sa mga daan ng kadiliman, mula sa mga nagsasaya sa paggawa ng masama, na nagagalak sa mga pilipit na bagay ng kasamaan; yaong ang mga landas ay liko at mga mapanlinlang sa kanilang buong landasin.”​—Kawikaan 2:12-15.

Oo, yaong mga nagpapahalaga sa tunay na karunungan ay umiiwas makisama sa sinumang “nagsasalita ng mga pilipit na bagay,” alalaong baga’y, mga bagay na taliwas sa kung ano ang totoo at tama. Ang kakayahang mag-isip at ang kaunawaan ay naglalaan ng proteksiyon laban sa mga tumatanggi sa katotohanan para lumakad sa mga daan ng kadiliman at laban doon sa mga mapanlinlang at nalulugod sa balakyot na mga gawain.​—Kawikaan 3:32.

Anong laking pasasalamat natin na ang tunay na karunungan at ang kaugnay rito na mga katangian ay nagsasanggalang din sa atin mula sa kasamaan ng imoral na mga lalaki at babae! Idinagdag ni Solomon na nariyan ang mga katangiang ito “upang iligtas ka mula sa di-kilalang babae, mula sa ibang babae na nagpapadulas ng kaniyang mga pananalita, na nag-iiwan sa matalik na kaibigan ng kaniyang kabataan at lumimot sa mismong tipan ng kaniyang Diyos. Sapagkat lumulubog ang kaniyang bahay sa kamatayan at ang kaniyang mga bakas ay pababa roon sa mga inutil sa kamatayan. Walang sinuman sa mga sumisiping sa kaniya ang babalik, ni matatamo man nilang muli ang mga landas ng mga buháy.”​—Kawikaan 2:16-19.

“Ang di-kilalang babae,” ang patutot, ay inilarawan bilang isa na umiwan “sa matalik na kaibigan ng kaniyang kabataan”​—malamang ang kaniyang asawa noong siya ay isang kabataang dalaga.a (Ihambing ang Malakias 2:14.) Nakaligtaan niya ang pagbabawal sa pangangalunya na bahagi ng tipang Kautusan. (Exodo 20:14) Ang kaniyang bakas ay patungo sa kamatayan. Maaaring hindi na ‘matatamo muli’ ng mga nakikisalamuha sa kaniya “ang mga landas ng mga buháy,” yamang sa malao’t madali, aabot sila sa puntong hindi na sila makauurong pa, alalaong baga’y ang kamatayan, na mula rito ay hindi na sila maaaring makabalik. Batid ng isang taong may kaunawaan at kakayahang mag-isip ang mga bitag ng imoralidad, at may-katalinuhan siyang umiiwas na masangkot dito.

‘Ang Matuwid ang Tatahan sa Lupa’

Bilang pagbubuod sa tunguhin ng kaniyang payo hinggil sa karunungan, sinambit ni Solomon: “Ang layunin ay upang makalakad ka sa daan ng mabubuting tao at upang maingatan mo ang mga landas ng mga matuwid.” (Kawikaan 2:20) Tunay na napakabuti ng layunin ng karunungan! Tinutulungan tayo nito na magkaroon ng maligaya at kasiya-siyang buhay na nakatutugon sa pagsang-ayon ng Diyos.

Isaalang-alang din ang dakilang mga pagpapala na nakalaan para sa mga “lumalakad sa daan ng mabubuting tao.” Ipinagpatuloy ni Solomon: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Nawa’y makabilang ka sa mga walang-kapintasan na mananahan magpakailanman sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.​—2 Pedro 3:13.

[Talababa]

a Ang salitang “estranghero” ay kapit sa mga lumihis mula sa kung ano ang naaayon sa Kautusan at sa gayo’y naghiwalay ng kanilang sarili mula kay Jehova. Kaya, ang patutot​—hindi isang banyaga​—ang tinutukoy na “di-kilalang babae.”

[Larawan sa pahina 26]

Nanalangin si Solomon para sa karunungan. Gayundin ang dapat nating gawin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share