Ang Ating Bahagi sa Pagpapakita ng Teokratikong Pagpapasakop
1 Ang teokratikong pagpapasakop ay isang susing salik sa paglago at espirituwal na pagsulong ng kongregasyon. Idiniin ito ni Pablo sa Hebreo 13:17: “Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo at kayo’y pasakop sa kanila sapagka’t pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa na parang sila ang mangagsusulit.” Kaya ang espirituwal na kalusugan ng kongregasyon sa kabuuan ay salig sa ating pagnanais na makipagtulungan at gumawang malapitan kasama ng mga matatanda bilang pastol ng kawan.
2 Bilang pagdiriin pa, si Pablo ay gumawa ng panawagang ito: “Datapuwa’t ipinamamanhik namin sa inyo mga kapatid na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo at nangamumuno sa inyo sa Panginoon at nangagpapaalaala sa inyo; at inyong lubos na pakamahalin sila sa pag-ibig dahil sa kanilang gawa.” (1 Tes. 5:12, 13) Maipakikita natin ang konsiderasyong ito hindi lamang sa pamamagitan ng pagiging magalang sa mga matatanda kundi higit na mahalaga ay ang paggawa ng lahat ng magagawa natin upang tulungan sila sa kanilang mga gawa.
GAWAIN NG MGA MATATANDA
3 Isaalang-alang ang ilang pananagutan na iniatas sa mga matatanda. Bukod pa sa pagtuturo sa mga pulong, sila ay nangunguna rin naman sa ministeryo sa larangan. (1 Ped. 5:2, 3) Ang pakikipag-ugnayan sa Samahan ay kailangang gawin lakip na ang iba pang mahahalagang bagay. (Ihambing ang Gawa 6:1-6.) Tinutulungan nila ang mga nakakaranas ng mga suliranin, na tinutulungan silang maiwasan ang anuman na magsasapanganib sa kanilang kaugnayan kay Jehova.—Juan 10:11, 15.
DALHIN ANG ATING SARILING PASAN
4 Yamang tayong lahat ay di sakdal, nakasasakit tayo sa isa’t isa kung minsan. Subali’t ang maliliit na personal na mga di pagkakaunawaan ay dapat kaagad malutas nang sarilinan. (Col. 3:12-14; om pp. 139-40) Kung nadama ninyong ang sinuman sa kongregasyon ay nakagawa ng isang maselang na kasalanan laban sa inyo nang personal, huwag maging padalus-dalos sa pagbaling sa mga tagapangasiwa upang hilinging makialam sila. Gaya ng payo ni Jesus, makipag-usap nang sarilinan sa kaniya na inirereklamo ninyo. (Mat. 18:15, 16; om p. 142, par. 2, 3) Kung hindi ninyo malutas ang bagay na iyon at naipagkaloob na iyon sa mga matatanda upang siyasatin at hatulan, ipagpaubaya ninyo ang suliranin sa kanilang kamay, na nagtitiwala kay Jehova na iyon ay malulutas.
5 Tayo ay maaaring maging isang malaking tulong sa mga matatanda sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng Kasulatan na umaakay sa atin na maging mahinhin, malinis at masikap sa pagsasagawa ng ating pampamilyang pananagutan. (om pp. 63-4; Tito 2:2-5) Ang ating pananamit, pag-aayos, at asal ay dapat na magpakita ng karangalan na kaugnay ng pagsamba kay Jehova sa kaniyang bahay. (Ecles. 5:1; 1 Tim. 2:9, 10; Gal. 6:4, 5) Ang ating taimtim na pagsisikap sa mga larangang ito ay tutulong na mapanatili ang isang kanais-nais na espiritu sa kongregasyon.
6 Tayo ay makatutulong din sa pamamagitan ng pakikibahagi nang palagian sa paglilingkod, na nagbibigay ng ulat nang nasa panahon at sa pagganap ng ating mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang pagsasagawa ng ating bahagi sa pag-iingat na malinis ng Kingdom Hall at pagpananatili niyaon sa mabuting kalagayan ay isa pang mainam na paraan upang tulungan ang mga matatanda.—Neh. 10:39.
TULUNGAN ANG IBA
7 Ang pagpapanatili sa kongregasyon na malakas sa espirituwal ay pangunahing ikinababahala ng mga matatanda. (1 Tes. 2:7, 8) Matutulungan natin sila sa pamamagitan ng ‘pagsasalita na nakaaaliw sa napipighating mga kaluluwa at pag-alalay sa mga mahina.’ (1 Tes. 5:14) Ang isang malalim na personal na interes sa ating mga kapatid ay tumutulong upang mapanatiling malakas ang kongregasyon.—Fil. 2:4.
8 Kaya kailangan ang lahat sa kongregasyon upang mapanatili ang ‘paglaki ng katawan at pagpapatibay nito sa pag-ibig.’ (Efe. 4:16; Kaw. 11:14) Ipagkaloob natin sa mga matatanda ang buong pusong pakikipagtulungan at alalay habang pinapastol nila ang kawan ng Diyos.—1 Tim. 5:17.