Panumbalikin ang mga Tao Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag
1 Ang espirituwal na kadiliman ay tumatakip sa lupa. (Isa. 60:2) Ang mga tao ay pinananatili ni Satanas, “ang diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay,” sa espirituwal na kadiliman, at ito’y nagbubunga ng mababang kalagayan ng moral.—2 Cor. 4:4.
2 Ngayong naliwanagan na tayo ng katotohanan, nahahabag ba tayo sa mga tao kagaya ng nadama ni Jesus? (Mat. 9:36) Kung gayon, mapahahalagahan natin ang atas na ibinigay niya kay Pablo na ‘buksan ang mga mata ng mga tao at sila’y papanumbalikin mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos.’—Gawa 26:16-18.
LIWANAGAN ANG MGA ISIPAN AT PUSO
3 Yamang binubulag ni Satanas ang mga puso at pag-iisip ng mga tao, ano ang maaari nating gawin upang tulungan sila? Kailangan nating abutin ang kanilang isip at puso sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Si Pablo ay nanalangin na maliwanagan ang mga mata ng puso ng mga taga-Efeso. (Efe. 1:17, 18) Wala nang hihigit pa sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa pag-abot sa puso. (Heb. 4:12) Ang pagkaalam nito ay dapat na magpasigla sa atin na pasulungin ang kakayahan sa paggamit ng Bibliya kapag nakikipag-usap sa iba.
4 Hinggil dito makabubuting isaalang-alang ang mga sumusunod: Kayo ba’y naghahandang mabuti para sa paglilingkod sa larangan? Mayroon ba kayong sesyon ng pagsasanay upang maghanda ng mga pambungad na aantig ng interes ng mga maybahay? Natutuhan ba ninyo at ginagamit ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan? Nangangatuwiran ba kayo taglay ang panghihikayat hinggil sa Kasulatan sa mga pintuan?—Gawa 17:2.
ANG AKLAT NA PAGHAHANAP SA DIYOS AY ISANG PANTULONG
5 Ang bagong aklat, Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos ay isang malaking tulong upang maliwanagan ang mga tao sa espirituwal. Ito’y may 16 na kabanata at mahigit sa 200 ritrato at mga ilustrasyon, na nagpapakita sa kasaysayan ng paghahanap sa Diyos. Atin itong iaalok sa buwang ito sa paglilingkod sa larangan.
6 Sa pamamagitan ng paggamit sa Paksang Mapag-uusapan na “Ngayon na ang Panahon Upang Hanapin ang Diyos,” maaari nating antigin ang interes ng mga tao sa pagbaling sa limang ibinangong mga tanong sa parapo 28 ng unang kabanata. Ipakita sa kanila na sinasagot ng aklat ang mga ito at marami pang mga katanungan hinggil sa tamang daan sa paghanap sa Diyos. Nanaisin din ninyong bumaling sa pahina 377 ng aklat at ipakita ang sampung punto upang makilala ang tunay na relihiyon.
7 Habang iniaalok natin ang aklat na Paghahanap sa Diyos, kailangan nating hanapin ang mga pagkakataon upang mapanumbalik ang mga tao mula sa kadiliman tungo sa liwanag. Ang pakikipag-usap sa mga tao hinggil sa Bibliya sa bahay-bahay ay makatutulong sa atin upang maisagawa ito. Kapag ating napansin na sila’y interesado sa isang partikular na punto o kabanata sa aklat, maaari nating maisaayos ang pagdalaw-muli upang higit pang pag-usapan iyon. Gumamit ng unawa upang makilala kung sino ang mahilig lamang sa pakikipag-usap hinggil sa malalalim na paksa at yaong mga tunay na nagnanais makaalam hinggil sa Diyos at sa wastong daan upang sambahin siya.
8 Sa Hunyo, masigasig nawa nating palaganapin ang katotohanan na magpapalaya sa mga tao (Juan 8:32), na ginagamit ang aklat na Paghahanap sa Diyos bilang isang kasangkapan upang sila’y makapanumbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag.