Tanong
◼ Papaanong ang kagalakan ay maipahahayag ng mga dumadalo sa mga bautismo?
Ang bautismo ay isang maligayang okasyon. Ikinasisiya nating makita na hayagang itinatanghal ng mga baguhan ang kanilang pananampalataya. (Awit 40:8) Sinabi ni Jesus na ito’y isang sanhi ng malaking kagalakan sa mga langit. (Luc. 15:10) Ang mga miyembro ng pamilya at mga mamamahayag na nakipag-aral sa mga nagpapabautismo ay lalo nang naliligayahang makita ang mga baguhang ito na kumukuha ng mahalagang hakbanging ito. Subalit papaano wastong maipahahayag ang gayong kagalakan?
Ang bautismo ni Jesus ang siyang halimbawa para sa mga bautismo ng Kristiyano sa ngayon. Siya’y nananalangin samantalang binabautismuhan. (Luc. 3:21, 22) Kaniyang nababatid na ang bautismo ay isang panahon ng pagbubulaybulay at malalim na pag-iisip. Kinilala rin ng kaniyang mga alagad ang kahalagahan ng bautismo. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., may 3,000 ang nabautismuhan. Ano ang naging pagkilos ng mga alagad na nakasaksi sa pangyayaring ito? “Sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol . . . at sa mga pananalangin.” (Gawa 2:41, 42) Inisip ng mga alagad ang mga espirituwal na bagay.
Ang mga Kristiyanong asamblea sa makabagong panahon ay tinatampukan ng mga bautismo. Walang alinlangang wastong ipahayag ang ating kagalakan sa pamamagitan ng pagpalakpak kapag nakikita natin na kumukuha ng paninindigan para kay Jehova ang mga indibiduwal. Sa kabilang panig, ang pagpapakita ng walang puknat na pagbubunyi, pagwawagayway ng kamay, at pagsigaw ng mga pangalan ay hindi wasto. Ang gayong paggawi ay tanda ng kawalang pagpapahalaga sa kabanalan ng kapahayagang ito ng pananampalataya. Ni hindi ito angkop na panahon sa pagbibigay ng mga bulaklak at iba pang regalo sa mga nabautismuhan habang sila’y umaahon sa tubig. Ang bautismo ay tanda ng pagpapasimula ng Kristiyanong karera tungo sa kaligtasan. Maipakikita natin ang ating kagalakan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga bagong nabautismuhan na kanilang mapahalagahan ang malapit na kaugnayan kay Jehova na binubuksan sa kanila ng bautismo.
Ang lugar ng bautismo ay hindi isang wastong dako para sa paglalaro, paglangoy, o iba pang gawain na makasisira sa kataimtiman ng okasyon. Ang ating kagalakan ay dapat ipahayag sa isang marangal na paraan. Ang ating mahusay na kilos at pagiging seryoso ay magdaragdag sa kagalakan ng lahat na mga naroroon.