Mabibisang Panimulang Pagdalaw
1 Ang magbukas ng usapan sa ministeryo ay maaaring magsilbing isang hamon yamang ang mga tao ay lubhang okupado sa kanilang sariling gawain o may sariling palagay hinggil sa relihiyon. Ano ang maaari nating taglayin sa isipan na makatutulong sa atin sa paggawa ng mabisang pagdalaw sa unang pagkakataon?
2 Kapag iniaalok ang isyu ng Mayo 1 na may artikulong “Ang Taon na Yumanig sa Daigdig,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Maraming tao ang nag-iisip kung bakit ang mga kalagayan ngayon ay mas malubha kaysa noong kaarawan ng kanilang lolo. Sinasagot ito ng Bibliya dito sa Apocalipsis 12:12. [Basahin at magkomento.] Ipinakikita ng mga patotoo na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw mula pa noong 1914. Nais ba ninyong basahin ang ilan sa mga patotoong ito sa isyung ito ng Ang Bantayan?”
3 Maaari ninyong iharap ang Mayo 15, 1992 ng “Bantayan” sa pamamagitan ng pagtatampok sa hula ng Bibliya, sa pagsasabing:
◼ “Kadalasang nais ng mga tao na malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap, hindi ba? Subalit alam ba ninyo na ang Bibliya lamang ang nagbibigay ng tumpak na mga hula na laging natutupad? Kunin halimbawa ang isang ito na nakikita nating natutupad sa Lucas 21:10, 11. [Basahin at magkomento.] Sa magasing ito may listahan ng mga hula sa Bibliya na nagkaroon ng katuparan.” Ipakita ang tsart sa “Natupad na mga Hula ng Bibliya.”
4 Ang ilang mamamahayag ay gumagamit ng tracts upang pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw.
Kapag nag-aalok ng tract na “Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Kami ay mga boluntaryo dito sa inyong komunidad. Narito ang tract na nagpapakilala sa uri ng aming gawain. Sa palagay kaya ninyo’y magiging ganito ang ating daigdig?” Pagkatapos marinig ang sagot, maaari ninyong talakayin sa kaniya ang unang ilang mga parapo, na itinatampok ang Mateo 6:9, 10 at Awit 37:29.
5 Isiping mabuti kung papaano ninyo ipakikilala ang inyong sarili. Ang napakainam na mga mungkahi ay iniharap sa aklat na Nangangatuwiran sa mga pahina 9-15. Ang mabisang paggamit ng mga pambungad na ito ay makatutulong upang maging mabisa ang inyong mga unang pagdalaw.