Ipahayag Nang Malawakan ang mga Kagalingan ni Jehova
1. Ano ang nag-uudyok sa atin na ipahayag nang malawakan ang mga kagalingan ni Jehova?
1 “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo.” (1 Cro. 29:11) Ano ang epekto sa atin ng ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova? Ito ay nag-uudyok sa atin na ‘ipahayag nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa atin mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Ped. 2:9) Hindi tayo titigil na sabihin sa iba ang tungkol sa ating dakilang Diyos! Sa buwan ng Marso, Abril, at Mayo, mayroon tayong napakagandang pagkakataon na ipahayag ang mga kagalingan ni Jehova.
2. Anong espesyal na kampanya ang gagawin upang ianunsiyo ang Memoryal, at sino ang maaaring makibahagi rito?
2 Makibahagi sa Espesyal na Kampanya na Ianunsiyo ang Memoryal: Sa Lunes, Abril 2, itatampok natin ang mga kagalingan ni Jehova sa pamamagitan ng pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon. Isang espesyal na imbitasyon para sa mahalagang okasyong ito ang ipamamahagi sa buong daigdig mula Marso 17 hanggang Abril 2. Pinasisigla ang lahat na lubusang makibahagi sa kampanyang ito. Magandang pagkakataon ito para sa mga baguhan na maging mga mamamahayag ng mabuting balita kung kuwalipikado na sila. Kung may mga estudyante ka sa Bibliya o mga anak na kuwalipikado na, huwag mag-atubiling lumapit sa mga elder.
3. Ano ang puwede nating sabihin sa pag-anyaya sa mga tao sa Memoryal?
3 Ang kampanyang ito ay magiging katulad ng ginawang kampanya para sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon. Padadalhan ang mga kongregasyon ng sapat na suplay ng imbitasyon upang ang bawat mamamahayag ay makatanggap ng 50 kopya at ang bawat payunir naman ay 150 kopya. Gawing maikli ang iyong presentasyon, na marahil ay sinasabi: “Inaanyayahan po namin kayo sa isang mahalagang okasyon na malapit nang ganapin. Ginagawa po ito taun-taon. Ito po ang inyong imbitasyon. Malulugod kaming makasama kayo. Mababasa po ninyo sa imbitasyon ang mga detalye tungkol sa okasyong ito.” Siyempre, kung may mga tanong ang may-bahay, huwag mag-atubiling sagutin ang mga iyon. Makatutulong ang bahagi ng apendise sa pahina 206 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya tungkol sa Hapunan ng Panginoon. Sa mga dulo ng sanlinggo, iaalok natin ang mga magasin sa buwang iyon kasama ang espesyal na imbitasyon. Itala ang mga nagpakita ng interes, at isaayos na dalawin silang muli.
4. Paano ipamamahagi ang espesyal na imbitasyon para sa Memoryal?
4 Hangga’t maaari, personal na iabot ang espesyal na imbitasyon sa bawat may-bahay. Kaya itala ang mga bahay na walang tao at balikan ang mga ito sa ibang pagkakataon. Ang mga kongregasyon na marami pang suplay ng imbitasyon ay maaaring mag-iwan ng mga imbitasyon sa mga bahay na walang tao sa huling linggo bago ng Memoryal, subalit hindi mas maaga rito. Tiyaking mabibigyan mo rin ng imbitasyon ang iyong mga dinadalaw-muli, estudyante sa Bibliya, kamag-anak, katrabaho, kapitbahay, at iba pang kakilala.
5. Bakit dapat ngayon na tayo gumawa ng mga plano para mag-auxiliary pioneer?
5 Mag-auxiliary Pioneer: Maaari ka bang maglaan ng higit na panahon na ipahayag ang mga kagalingan ni Jehova sa pamamagitan ng pag-o-auxiliary pioneer sa Marso, Abril, at Mayo? Para magawa ito, malamang na kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago sa iyong araw-araw na iskedyul. (Efe. 5:15-17) Makatitiyak ka na ang pagsisikap mong maglaan ng mas maraming panahon sa iyong paglilingkod kay Jehova ay magdudulot sa iyo ng kagalakan at ng kaniyang pagpapala. (Kaw. 10:22) Yamang malapit na ang panahon ng Memoryal, ngayon na ang panahon para gumawa ng mga plano.—Kaw. 21:5.
6. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng isang 90-anyos na sister na nag-auxiliary pioneer noong nakaraang taon?
6 Isang 90-anyos na sister ang nasiyahan sa kaniyang pag-o-auxiliary pioneer noong nakaraang taon. Sinabi niya: “Bagaman gustung-gusto kong maghalaman at magtanim, napag-isip-isip ko na kailangan kong magtakda ng tamang priyoridad. Dahil nais kong unahin ang mga kapakanan ng Kaharian, nagpasiya akong mag-auxiliary pioneer noong Marso.” Pinagpala ba ang kaniyang pagsisikap? Sinabi niya, “Naging mas malapít ako kay Jehova at sa kongregasyon.” Maaari ba nating suriin ang ating mga priyoridad at gumawa ng gayunding mga pagbabago kung kinakailangan?
7. Mahirap bang mag-auxiliary pioneer?
7 Baka iniisip mong mahirap abutin ang 50 oras na kahilingan para sa mga auxiliary pioneer. Pero hindi naman ito ganoon kahirap. Suriin ang iyong araw-araw na gawain at idalangin ito. Pagkatapos, gumawa ng iskedyul ng pinaplano mong paglilingkod at itala ito. Ikaw ang higit na nakaaalam ng iyong kalagayan. Kung mahina ang iyong pangangatawan, marahil ay makagugugol ka ng mga dalawang oras sa ministeryo bawat araw. Kung buong-panahon ka namang nagtatrabaho o pumapasok sa paaralan, maaari kang mag-auxiliary pioneer sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa gabi o sa mga dulo ng sanlinggo.
8. Paano nakapag-auxiliary pioneer ang isang mag-asawa?
8 Marami ang nakapag-auxiliary pioneer bilang pamilya. Noong nakalipas na mga taon, isang mag-asawa ang nag-atubiling mag-auxiliary pioneer dahil iniisip nilang wala sila sa kalagayan na gawin ito. Ano ang ginawa nila? “Nanalangin kami kay Jehova na tulungan kaming maabot ang tunguhin na matagal na naming gustong abutin bilang mag-asawa.” Dahil sa kanilang mabuting pagpaplano, naabot nila ang kanilang tunguhin. Ganito pa ang sabi nila: “Ang saya-saya namin. Marami kaming pagpapala. Mungkahi namin na subukan ninyo ito. Kung nagawa naming magpayunir, malamang na magawa n’yo rin ito.”
9. Ano ang maaari ninyong gawin sa susunod ninyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya bilang paghahanda sa darating na mga buwan ng espesyal na gawain?
9 Bakit hindi pag-usapan sa inyong susunod na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya kung paano ninyo madaragdagan ang inyong oras ng paglilingkod sa darating na mga buwan. Kahit na hindi makapag-auxiliary pioneer ang buong pamilya, baka makapagpapayunir ang isang miyembro ng sambahayan sa pakikipagtulungan ng iba pang mga miyembro. Kung hindi naman, maaaring magtakda ang inyong pamilya ng mga tunguhin na gumugol ng higit na panahon sa ministeryo sa espesyal na mga buwang ito ng gawain.
10. Bakit natin dapat sabihin sa iba ang ating balak na mag-auxiliary pioneer sa panahong ito ng Memoryal?
10 Tulungan ang Isa’t isa: Nakakahawa ang sigla. Kaya sabihin sa iba na balak mong mag-auxiliary pioneer. Maaari mo silang mapasigla na magpayunir din. Bukod diyan, maaaring magbigay ng mga mungkahi ang mga nakapagpayunir na upang matulungan kang isaayos ang iyong mga gawain at iskedyul nang sa gayo’y maabot mo ang iyong tunguhin. (Kaw. 15:22) Kung makapag-o-auxiliary pioneer ka, bakit hindi yayain ang isa pang mamamahayag, na marahil ay kapareho mo ng kalagayan, para makasama mo sa masayang gawaing ito?
11. Paano mapasisigla ng mga elder ang mga mamamahayag na mag-auxiliary pioneer sa darating na mga buwan?
11 Maraming elder ang gumagawa ng kinakailangang pagbabago sa kanilang iskedyul upang makibahagi sa espesyal na pribilehiyong ito ng paglilingkod. (Heb. 13:7) Tunay ngang nakapagpapasigla ito sa kongregasyon! Napasisigla rin ng mga elder ang mga mamamahayag sa kanilang pakikipag-usap sa mga ito. Baka kailangan lamang ng kaunting pampatibay-loob o ilang praktikal na mungkahi para mapakilos ang ilan na mag-auxiliary pioneer. Malamang na magsaayos ang tagapangasiwa sa paglilingkod ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na makibahagi sa panggrupong pagpapatotoo, kahit pagkatapos ng kanilang trabaho o klase. Dapat na regular na ipatalastas ang mga kaayusang ito. Titiyakin din niya na may sapat na teritoryo at literatura ang lahat ng mamamahayag.
12. Ano ang maaari mong gawin kung hindi ka makapag-auxiliary pioneer?
12 Kahit na hindi ka makapag-auxiliary pioneer dahil sa iyong kalagayan, maaari mong pasiglahin ang mga nagpayunir, at maaari mo silang isama sa iyong mga panalangin. (Kaw. 25:11; Col. 4:12) Marahil, puwede mo silang kausapin na magtatakda ka ng isa pang araw sa loob ng sanlinggo para samahan sila sa ministeryo o maaari mong dagdagan ang iyong oras ng paglilingkod.
13. Ano ang tunguhing itinakda para sa Pilipinas, at paano makatutulong ang inyong kongregasyon para maabot ito?
13 Abutin Natin ang Tunguhin na 25,000 Auxiliary Pioneer sa Abril: Ang pinakamataas na bilang ng auxiliary pioneer sa sangay sa Pilipinas ay 22,410, na naabot noong 1997. Kaya ang makatotohanang tunguhin sa darating na Abril ay 25,000 auxiliary pioneer. Maaabot natin ito kung kahit 1 lamang sa bawat 6 na mamamahayag sa bawat kongregasyon ang mag-o-auxiliary pioneer. Siyempre, may mga kongregasyon na mas marami ang mamamahayag na makapag-o-auxiliary pioneer dahil sa kanilang kalagayan. Madaling maaabot ng karamihan sa mga kongregasyon ang gayong tunguhin. Isip-isipin ang kagalakan ng buong kongregasyon at ang magandang epekto nito sa gawaing pangangaral sa inyong teritoryo!
14. Bakit napakagandang buwan ang Abril para mag-auxiliary pioneer?
14 Bakit napakagandang buwan ang Abril para mag-auxiliary pioneer? Yamang gaganapin ang Memoryal sa pasimula ng buwan, magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon na dalawin at balikan ang mga dumalo sa Memoryal. Iaalok natin ang mga magasin, sa layuning makapag-iwan ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa susunod na pagdalaw at makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kaya maraming pagkakataong makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya kung ang isa ay mag-o-auxiliary pioneer sa Abril. Sa bansang ito, mas mahaba ang araw kaysa sa gabi at karaniwan nang maganda ang panahon. Bukod diyan, ang buwan ng Abril ay may limang Linggo at isang sekular na kapistahan, kaya magiging mas madali para sa mga nagtatrabaho at sa mga estudyante na makapagpayunir.
15. Bakit tayo dapat maging apurahan sa pagsasabi sa iba ng tungkol kay Jehova habang lumalapit ang panahong ito ng Memoryal?
15 Sa tuwing lumilipas ang bawat Memoryal, lumalapit tayo nang isang taon sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Nabawasan ang panahon nating sabihin sa iba ang tungkol sa ating dakilang Diyos. (1 Cor. 7:29) Paglipas ng panahong ito ng Memoryal, kasabay nitong lilipas ang mahalagang pagkakataong ibinigay sa atin na purihin ang ating makalangit na Ama. Hindi na ito maibabalik. Kaya maghanda nawa tayo ngayon para gawin ang ating buong makakaya na ipahayag nang malawakan ang mga kagalingan ni Jehova sa Marso, Abril, at Mayo!
[Kahon sa pahina 4]
Kaya ba Nating Abutin ang 25,000 Auxiliary Pioneer sa Abril?
◼ Suriin ang iyong mga priyoridad
◼ Pag-usapan ang inyong mga tunguhin bilang pamilya
◼ Sabihin sa iba ang iyong mga plano