Tularan ang Dakilang Guro Kapag Ginagamit ang Aklat na Itinuturo ng Bibliya
1. Paano nagturo si Jesus?
1 Palaging simple at malinaw magpaliwanag ang Dakilang Guro, si Jesus. Kung minsan, tinatanong muna niya ang kaniyang mga tagapakinig kung ano ang opinyon nila para mag-isip sila. (Mat. 17:24-27) Itinutuon niya ang kanilang pansin sa Salita ng Diyos. (Mat. 26:31; Mar. 7:6) Hindi niya sila binibigyan ng napakaraming impormasyon, palibhasa’y alam niyang patuloy silang kukuha ng kaalaman. (Juan 16:12) Interesado rin si Jesus kung pinaniniwalaan ba at kung nauunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga itinuturo niya sa kanila. (Mat. 13:51) Dinisenyo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para matulungan tayong tularan ang paraan ng pagtuturo ni Jesus.
2. Paano natin maaaring gamitin ang pambungad na mga tanong sa bawat kabanata?
2 Pambungad na mga Tanong: Sa pasimula ng inyong pag-aaral sa kabanata, makabubuting akayin ang pansin ng estudyante sa pambungad na mga tanong sa ilalim ng titulo. Basahin mo ang tanong para mapukaw ang interes ng estudyante. O maaari mo siyang pagkomentuhin nang maikli sa mga tanong. Hindi kailangang talakayin nang detalyado ang kaniyang komento o ituwid ang bawat maling sagot niya. Pasalamatan mo siya sa kaniyang mga sagot at simulan ang pagtalakay sa mga parapo. Malalaman mo sa mga komento niya sa pambungad na mga tanong kung aling bahagi ng kabanata ang kailangan mong higit na ipaliwanag.
3. Paano natin mapananatiling simple ang pag-aaral?
3 Paggamit ng Kasulatan: Dapat nakasentro sa Kasulatan ang pag-aaral. (Heb. 4:12) Gayunman, hindi kailangang basahin ang lahat ng binanggit na teksto. Idiin ang mga maka-Kasulatang saligan ng ating paniniwala. Maaaring hindi na kailangang basahin ang mga tekstong nagbibigay ng karagdagang impormasyon. Yamang inihaharap ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang katotohanan sa simpleng paraan, panatilihin ding simple ang pag-aaral. Magtuon ng pansin sa pangunahing mga punto, at iwasan ang tendensiyang bumanggit ng napakaraming detalye o ng karagdagang materyal na hindi naman kailangan.
4. Paano natin malalaman kung dapat nating talakayin sa panahon ng pag-aaral ang impormasyong nasa apendise?
4 Apendise: May 14 na paksa sa apendise bilang karagdagang materyal. Opsyonal ang pagtalakay sa mga paksang ito sa panahon ng pag-aaral. Para sa ilang paksa, maaari mong pasiglahin ang iyong estudyante na personal na lamang niyang basahin ang apendise, lalo na kung nauunawaan na niya at tinatanggap ang impormasyong tinatalakay sa kabanata. Halimbawa, kung naniniwala na ang estudyante na si Jesus ang Mesiyas, maaaring hindi na kailangang talakayin ang paksang “Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas” kapag pinag-aaralan ninyo ang kabanata 4, “Sino si Jesu-Kristo?” Sa ibang pagkakataon, baka makabubuting talakayin ang apendise o bahagi nito sa panahon ng inyong pag-aaral.
5. Kung ipasiya nating talakayin ang materyal sa apendise, paano natin ito gagawin?
5 Kung ipasiya mong talakayin ang materyal sa apendise, maaari kang patiunang maghanda ng mga tanong at talakayin sa estudyante ang mga parapo gaya ng pagtalakay mo sa mga parapo ng kabanata. O depende sa pangangailangan ng estudyante, maaari mong ipasiya na repasuhin sa kaniya nang ilang minuto ang apendise sa panahon ng inyong pag-aaral. Tutulong ito sa iyo para matiyak kung nauunawaan ba niya ang materyal sa apendise na ipinabasa mo sa kaniya nang personal.
6. Paano maaaring gamitin ang kahon para sa repaso sa pagtatapos ng pag-aaral sa bawat kabanata?
6 Kahon Para sa Repaso: Karaniwan nang mababasa sa kahong nasa dulo ng bawat kabanata ang mga sagot sa pambungad na mga tanong. Maaari mong gamitin ang mga ito para marepaso ang pangunahing mga puntong tinalakay sa kabanata. Nasumpungan ng ilang mamamahayag na nakatutulong sa estudyante kapag binabasa nila ang bawat punto sa kahon at marahil pati na ang mga teksto rito. Pagkatapos ay hinihilingan nila ang estudyante na ipaliwanag sa maikli kung paano sinusuhayan ng teksto ang puntong binabanggit sa kahon. Sa ganitong paraan, nalalaman ng guro kung nauunawaang mabuti ng estudyante ang pangunahing mga punto ng kabanatang pinag-aaralan at kung paano sinusuhayan ng Bibliya ang mga ito. Nalalaman din niya kung sang-ayon ang estudyante sa mga ito. Natutulungan din nito ang estudyante na masanay sa paggamit ng Bibliya sa pagpapaliwanag ng katotohanan sa iba.
7. Paano natin magagamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para tuparin ang ating atas?
7 Ang pinakamabisang paraan para matupad natin ang ating atas na turuan ang mga tao at gumawa ng mga alagad ay tularan ang paraan ng pagtuturo ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Matutulungan tayo ng aklat na Itinuturo ng Bibliya na gawin iyan. Gamitin itong mabuti sa pagtuturo ng katotohanan sa iba sa malinaw, simple, at kapana-panabik na paraan.