Gamitin Nang Mahusay ang mga Bahagi ng Aklat na Itinuturo ng Bibliya
Habang natututuhan ng estudyante sa Bibliya kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya at ikinakapit ito, siya ay sumusulong at nagiging mabunga sa espirituwal. (Awit 1:1-3) Matutulungan nating sumulong ang ating estudyante kung gagamitin natin ang ilang kapaki-pakinabang na bahagi ng aklat na Itinuturo ng Bibliya.
Pambungad na mga Tanong: Ang bawat kabanata ay nagsisimula sa mga tanong na sinasagot sa aralin. Puwede mong gamitin ang mga ito para manabik ang estudyante sa susunod na pagtalakay. O puwede mo siyang hilingan ng maikling komento sa bawat tanong. Kapag mali ang sagot niya, hindi naman kailangang ituwid siya agad. Makatutulong sa iyo ang mga sagot niya para malaman mo kung anong mga punto ang kailangang bigyang-pansin at idiin.—Kaw. 16:23; 18:13.
Apendise: Kapag naiintindihan naman at tinatanggap ng estudyante ang materyal sa mismong pinag-aaralan ninyo, puwede mong ipa-review na lang sa kaniya ang apendise. Sa susunod na pag-aaral, puwede kang gumugol ng ilang minuto para tiyakin kung naintindihan niya ang materyal. Pero kung sa palagay mo’y makikinabang siya, dapat mong isingit sa pag-aaral ninyo ang pagtalakay ng apendise o ng isang bahagi nito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga parapo at pagbabangon ng mga tanong na inihanda mo.
Kahon Para sa Repaso: Ang kahon para sa repaso sa dulo ng bawat kabanata ay may mga pangungusap na sumasagot sa pambungad na mga tanong. Magagamit mo ang bahaging ito para tiyaking naiintindihan ng estudyante mo ang mga pangunahing punto at na maipaliliwanag niya ito. Basahin nang malakas ang bawat pangungusap pati na ang kaugnay na mga teksto. Pagkatapos, hilingan ang iyong estudyante na gamitin ang (mga) teksto para ipaliwanag kung bakit tama ang pangungusap na iyon.—Gawa 17:2, 3.