Kung Paano Gagawa ng mga Alagad Taglay ang Aklat na Kaalaman
1 Ang isang kanais-nais na tunguhin para sa lahat ng Kristiyano ay ang ituro ang katotohanan sa iba at gawing mga alagad yaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.” (Gawa 13:48; Mat. 28:19, 20) Inilagay ng organisasyon ni Jehova sa ating mga kamay ang isang kamangha-manghang kasangkapan upang maisakatuparan ito—ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang pamagat nito ay nagtatampok sa kahalagahan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, sapagkat ang walang-hanggang buhay ay depende sa pagkuha ng kaalaman kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Juan 17:3.
2 Ang aklat na Kaalaman ang siyang pangunahing publikasyon ngayon ng Samahan para gamitin sa pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa paggamit nito, maituturo natin ang katotohanan nang simple, maliwanag, at maikli. Ito’y tutulong upang maabot ang puso niyaong mga tinuturuan. (Luc. 24:32) Sabihin pa, may pangangailangan para sa konduktor sa pag-aaral na gamitin ang mabibisang paraan ng pagtuturo. Ang insert na ito ay inihanda sa ganitong layunin. Ito’y naglalaan ng mga mungkahi, at binabalangkas nito ang mga paraan ng pagtuturo na napatunayang mabisa sa maraming taon. Taglay ang unawa, at ayon sa mga kalagayan ng indibiduwal, maaari ninyong maikapit nang progresibo ang ilan o lahat ng iniharap dito. Ingatan ang insert na ito, at sumangguni dito nang madalas. Maaaring ito’y makatulong sa inyo na maging higit na mabisa sa paggawa ng mga alagad, na ginagamit ang aklat na Kaalaman.
3 Magdaos ng Isang Progresibong Pag-aaral sa Bibliya: Magkaroon ng tunay na personal na interes sa estudyante bilang isang potensiyal na Kristiyanong alagad at espirituwal na kapatid na lalaki o babae. Maging magiliw, palakaibigan, at masigla. Sa pagiging isang mabuting tagapakinig, makikilala ninyo ang tao—ang kaniyang pinagdaanan at kalagayan sa buhay—na magbibigay sa inyo ng unawa kung paano siya tutulungan sa espirituwal sa pinakamabuting paraan. Maging handang ibigay ang sarili sa kapakanan ng estudyante.—1 Tes. 2:8.
4 Minsang naitatag ang isang pag-aaral, mas mabuting pag-aralan ang mga kabanata sa aklat na Kaalaman ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Ito’y magpapahintulot sa estudyante na magkaroon ng pasulong na kaunawaan sa katotohanan, yamang binubuo ng aklat ang mga paksa sa Bibliya sa pinakalohikal na pagkakasunud-sunod. Panatilihing simple at kapana-panabik ang pag-aaral upang ito’y maging masigla at progresibo. (Roma 12:11) Batay sa mga kalagayan at kakayahan ng estudyante, maaaring posible para sa inyo na masaklaw ang karamihan ng mga kabanata sa isang sesyon sa loob ng isang oras o higit pa, nang hindi nagmamadali sa pag-aaral. Ang mga estudyante ay makagagawa ng mas mabuting pagsulong kapag kapuwa ang guro at estudyante ay tumutupad sa kanilang kasunduan para sa pag-aaral bawat linggo. Anupat para sa karamihang mga tao, magiging posible na matapos ang 19 na kabanata ng aklat sa loob ng mga anim na buwan o humigit-kumulang.
5 Iharap ang bawat sesyon sa pamamagitan ng maikling pananalita na pupukaw ng interes sa materyal. Mapapansin ninyo na ang pamagat ng bawat kabanata ang siyang tema nito, na kailangang idiin. Ibinubukod ng bawat sub-titulo ang isang pangunahing punto, na tinutulungan kayong makapanatiling nakapako sa tema ng kabanata. Pag-ingatang huwag masyadong magsalita. Sa halip, sikaping akaying magpahayag ang estudyante. Ang paghaharap ng umaakay na katanungan sa estudyante, salig sa nalalaman na niya, ay tutulong sa kaniya na mangatuwiran at sumapit sa wastong mga konklusyon. (Mat. 17:24-26; Luc. 10:25-37; tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 51, parapo 10.) Manatiling mabuti sa inimprentang impormasyon sa aklat na Kaalaman. Ang pagpapasok ng karagdagang detalye ay maaaring makasira o makapagpalabo sa mga pangunahing punto at magpahaba ng pag-aaral. (Juan 16:12) Kung ang isang katanungan ay bumangon at walang kinalaman sa paksang pinag-aaralan, sa maraming kaso ito ay maaari ninyong sagutin sa katapusan ng sesyon. Ito’y magpapangyaring masaklaw ninyo ang leksiyon sa linggong iyon nang hindi malilihis. Ipaliwanag sa estudyante na sa dakong huli ay masasagot ang karamihan sa kaniyang personal na mga katanungan sa pagpapatuloy ng pag-aaral.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 94, parapo 14.
6 Kung matigas ang paniniwala ng estudyante sa Trinidad, kawalang-kamatayan ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, o iba pang gayong maling mga doktrina, at hindi siya nasisiyahan sa iniharap sa aklat na Kaalaman, maaaring bigyan ninyo siya ng aklat na Nangangatuwiran o iba pang publikasyon na tumatalakay sa paksa. Sabihin sa kaniya na tatalakayin ninyo ito sa kaniya pagkatapos na mapag-isipan niya ang kaniyang nabasa.
7 Ang pagpapasimula at pagtatapos ng pag-aaral sa panalangin ukol sa patnubay at pagpapala ni Jehova ay nagbibigay-dangal sa okasyon, naglalagay sa isa sa isang may pagpipitagang kalagayan ng isipan, at umaakay ng pansin kay Jehova bilang tunay na Guro. (Juan 6:45) Kung ang estudyante ay gumagamit ng tabako, maaaring kailangan ninyong hilingin sa kaniya sa dakong huli na itigil iyon sa panahon ng pag-aaral.—Gawa 24:16; Sant. 4:3.
8 Magturo Nang Mabisa na Ginagamit ang mga Kasulatan, mga Ilustrasyon, at mga Tanong sa Repaso: Gaano mang karaming ulit niyang napag-aralan ang materyal noong una, ang isang bihasang guro ay magrerepaso sa bawat leksiyon na taglay ang partikular na estudyante sa isipan. Ito’y tutulong upang malaman antimano ang ilan sa mga maibabangong tanong ng estudyante. Upang mabisang makapagturo, unawaing mabuti ang mga pangunahing punto sa kabanata. Tingnan ang mga kasulatan upang makita kung paano kumakapit ang mga ito sa materyal, at pagpasiyahan kung alin ang dapat basahin sa pag-aaral. Pag-isipan kung paano kayo makapagtuturo na ginagamit ang mga ilustrasyon at ang mga tanong sa repaso sa katapusan ng kabanata.
9 Sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga kasulatan, matutulungan ninyo ang estudyante na mapahalagahan na talagang siya’y nag-aaral ng Bibliya. (Gawa 17:11) Sa paggamit sa kahong “Maging Pamilyar sa Iyong Bibliya,” sa pahina 14 ng aklat na Kaalaman, ituro sa kaniya kung paano hahanapin ang mga kasulatan. Ipakita sa kaniya kung paano makikilala ang siniping mga talata sa leksiyon. Habang ipinahihintulot ng oras, hanapin at basahin ang binanggit na mga kasulatan na hindi sinipi. Pagkomentuhin ang estudyante kung paano sinusuhayan o ipinaliliwanag ng mga ito ang sinabi sa parapo. Idiin ang susing mga bahagi sa teksto upang mapahalagahan niya ang mga dahilan para sa mga pangunahing punto sa leksiyon. (Neh. 8:8) Sa pangkalahatan, hindi na kailangang magdagdag ng teksto na hihigit pa roon sa nasa aklat. Magkomento na mahalagang alamin ang mga pangalan at pagkakasunud-sunod ng mga aklat ng Bibliya. Makatutulong sa estudyante na basahin ang pahina 27-30 ng Hunyo 15, 1991 ng Bantayan. Kapag angkop, magpasigla sa paggamit ng New World Translation. Maaari ninyong progresibong itanghal kung paano gagamitin ang iba’t ibang bahagi nito, gaya ng mga reperensiya sa gilid at ang indise ng mga salita sa Bibliya.
10 Ang Araling 34 ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagpapaliwanag na ang mga ilustrasyon ay nagpapakilos sa pag-iisip ng isa at nagpapadali sa pag-intindi ng mga bagong idea. Pinagsasama nito ang pagbighani sa kaisipan at pag-akit sa damdamin, upang ang mensahe ay maitawid taglay ang puwersa na hindi mangyayari sa pamamagitan lamang ng simpleng paglalahad ng katotohanan. (Mat. 13:34) Ang aklat na Kaalaman ay nagtataglay ng maraming simple subalit makapangyarihang ilustrasyon. Halimbawa, ang isang ilustrasyong ginamit sa kabanata 17 ay lumilikha ng pagpapahalaga sa kung paanong si Jehova sa espirituwal na diwa ay nagbibigay ng pagkain, pananamit, at tirahan sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. Ang magagandang larawan ng aklat na Kaalaman ay maaaring gamiting mabisa upang umakit ng damdamin. Sa ilalim ng sub-titulong “Ang Nakagagalak na Pagkabuhay-Muli,” sa pahina 185, ang epekto ng parapo 18 ay mapagtitibay kung hahayaang tingnang-muli ng estudyante ang larawan sa pahina 86. Ito’y maaaring magpakilos sa kaniya na isipin na ang pagkabuhay-muli ay talagang mangyayari sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
11 Ang mga estudyante ng Bibliya ay kailangang gumawa ng espirituwal na pagsulong sa bawat leksiyon. Dahilan dito, huwag kaliligtaang itanong ang mga katanungan sa repaso sa kahong “Subukin ang Iyong Kaalaman” na lumilitaw sa katapusan ng bawat kabanata. Pakinggan ang higit pa kaysa sa tamang sagot lamang sa bagay na pinag-aaralan. Ang ilan sa mga katanungang ito ay dinisenyo upang palitawin ang personal na tugon mula sa puso. Halimbawa, tingnan ang pahina 31, kung saan ay tinatanong ang estudyante: “Anu-anong katangian ng Diyos na Jehova ang lalo nang nakaaakit sa iyo?”—2 Cor. 13:5.
12 Sanayin ang mga Estudyante na Maghanda sa Pag-aaral: Ang isang estudyante na bumabasa nang patiuna, minamarkahan ang mga sagot, at nag-iisip kung paano ipahahayag ang mga iyon sa sariling pananalita ay mas mabilis na susulong sa espirituwal. Sa pamamagitan ng inyong halimbawa at pampatibay-loob, siya’y masasanay ninyo na maghanda para sa pag-aaral. Ipakita sa kaniya ang inyong aklat, na doo’y pinatingkad ninyo o sinalungguhitan ang mga susing salita o mga parirala. Ipaliwanag kung paano masusumpungan ang tuwirang sagot sa inimprentang mga katanungan. Ang paghahanda ng isang kabanata nang magkasama ay maaaring makatulong sa estudyante. Pasiglahin siya na magkomento sa sariling pananalita. Sa ganito lamang magiging maliwanag kung naiintindihan niya ang materyal. Kung kaniyang binabasa ang kaniyang sagot mula sa aklat, maaari ninyong antigin ang kaniyang isip sa pamamagitan ng pagtatanong sa kaniya kung paano niya ipaliliwanag ang punto sa iba sa sariling pananalita.
13 Pasiglahin ang estudyante na tingnan ang di sinisiping mga kasulatan bilang bahagi ng kaniyang lingguhang paghahanda, yamang maaaring kulang ang panahon upang basahin ang lahat ng ito sa pag-aaral. Papurihan siya sa ginagawang pagsisikap sa kaniyang mga leksiyon. (2 Ped. 1:5; tingnan ang Agosto 15, 1993 ng Bantayan, pahina 13-14, para sa karagdagang mungkahi kung ano ang magagawa kapuwa ng guro at estudyante upang pasulungin ang pagkatuto sa isang pag-aaral sa Bibliya.) Sa ganitong paraan, ang estudyante ay nasasanay na maghanda at magkomento sa mga pulong ng kongregasyon. Siya ay matututong magkaroon ng isang mabuting personal na kaugalian sa pag-aaral na magsasangkap sa kaniya upang magpatuloy na gumawa ng pagsulong sa katotohanan pagkatapos na makumpleto ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Kaalaman.—1 Tim. 4:15; 1 Ped. 2:2.
14 Akayin ang mga Estudyante sa Organisasyon ni Jehova: Pananagutan ng gumagawa ng alagad na akayin ang interes ng estudyante sa organisasyon ni Jehova. Ang estudyante ay mas mabilis na susulong sa espirituwal na pagkamaygulang kung kaniyang kinikilala ang organisasyon at nababatid ang pangangailangang maging bahagi nito. Nais nating makasumpong siya ng kasiyahan sa pakikisama sa bayan ng Diyos at maging sabik na makasama natin sa Kingdom Hall, kung saan siya ay makatatanggap ng espirituwal at emosyonal na suporta na iniaalok ng Kristiyanong kongregasyon.—1 Tim. 3:15.
15 Ang brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig ay ginawa upang lubos na makilala ng mga indibiduwal ang tanging nakikitang organisasyon na ginagamit ni Jehova sa ngayon upang ganapin ang kaniyang kalooban. Minsang naitatag ang pag-aaral, bakit hindi bigyan ang estudyante ng isang kopya? Mula sa mismong pasimula, patuloy na anyayahan ang estudyante sa mga pulong. Ipaliwanag kung paano idinaraos ang mga ito. Maaari ninyong sabihin sa kaniya ang pamagat ng dumarating na pahayag pangmadla o ipakita sa kaniya ang artikulo na tatalakayin sa Pag-aaral ng Bantayan. Marahil ay isasama ninyo siya upang makita ang Kingdom Hall kapag walang pulong na idinaraos upang mabawasan ang anumang pangambang taglay niya hinggil sa pagpunta sa bagong lugar sa unang pagkakataon. Maaaring makapag-alok kayo ng sasakyan patungo sa mga pulong. Kapag siya’y dumalo, tiyaking madama niyang siya’y malugod na tinatanggap at komportable. (Mat. 7:12) Ipakilala siya sa ibang Saksi, lakip na sa matatanda. Sana ay pasimulan niyang malasin ang kongregasyon bilang kaniyang espirituwal na pamilya. (Mat. 12:49, 50; Mar. 10:29, 30) Maaari kayong magtakda ng isang tunguhin para sa kaniya, gaya ng pagdalo sa isang pulong bawat linggo, at pasulong na dinaragdagan ang tunguhin.—Heb. 10:24, 25.
16 Habang ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay nagpapatuloy sa aklat na Kaalaman, idiin ang mga bahagi na nagtatampok sa pangangailangan para sa regular na pakikisama sa mga pulong ng kongregasyon. Pansinin lalo na ang pahina 52, 115, 137-9, 159, lakip na ang kabanata 17. Ipahayag ang inyong sariling matinding damdamin ng pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova. (Mat. 24:45-47) Magsalita ng positibo hinggil sa lokal na kongregasyon at hinggil sa inyong natututuhan sa mga pulong. (Awit 84:10; 133:1-3) Makabubuti kung ang estudyante ay manonood ng mga video ng Samahan, pasimula sa Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Ukol sa karagdagang idea kung paano aakayin ang interes sa organisasyon, tingnan ang Nobyembre 1, 1984 ng Bantayan, pahina 14-18, at ang Abril 1993 na insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
17 Pasiglahin ang mga Estudyante na Magpatotoo sa Iba: Ang ating tunguhin sa pakikipag-aral sa mga tao ay upang gumawa ng mga alagad na magpapatotoo para kay Jehova. (Isa. 43:10-12) Ito’y nangangahulugan na dapat pasiglahin ng guro ang estudyante na magsalita sa iba hinggil sa kaniyang natututuhan mula sa Bibliya. Ito’y maaaring gawin sa pagtatanong lamang ng: “Paano mo ipaliliwanag ang katotohanang ito sa iyong pamilya?” o “Anong kasulatan ang gagamitin mo upang patunayan ito sa isang kaibigan?” Idiin ang mga susing dako sa aklat na Kaalaman kung saan pinasisigla ang pagpapatotoo, tulad ng pahina 22, 93-5, 105-6, lakip na ang kabanata 18. Ang estudyante ay maaaring bigyan ng ilang tract upang gamitin sa impormal na pagpapatotoo sa iba. Imungkahing kaniyang anyayahan ang mga miyembro ng kaniyang pamilya na sumama sa kaniyang pag-aaral. Mayroon ba siyang mga kaibigan na nais ding mag-aral? Hilingin sa kaniya na ipakilala kayo doon sa mga interesado.
18 Sa pagdalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at sa Pulong Ukol sa Paglilingkod, ang malapit nang maging alagad ay makatatanggap ng karagdagang pagsasanay at pampasigla na tutulong sa kaniya na maging isang mamamahayag ng mabuting balita. Kapag ipinahayag niya ang interes na magpatala sa paaralan o sa pagiging isang di-bautisadong mamamahayag, ang mga simulaing nasa pahina 98 at 99 sa aklat na Ating Ministeryo ay kakapit. Kung ang isang aspekto ng kaniyang buhay ay humahadlang sa kaniya para maging kuwalipikado, maaaring magsaliksik kayo sa mga publikasyon ng Samahan ukol sa makatutulong na materyal na may kaugnayan sa bagay na ito at ibahagi iyon sa kaniya. Halimbawa, ang isang estudyante ay maaaring nahihirapang mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa tabako o iba pang droga. Ang aklat na Nangangatuwiran ay nagpapakita ng matibay na maka-Kasulatang dahilan kung bakit dapat na iwasan ng mga Kristiyano ang gayong nakapipinsalang bisyo, at sa pahina 112 ay binabalangkas nito ang paraan na napatunayang matagumpay sa pagtulong sa iba na makaalpas dito. Manalanging kasama niya hinggil sa bagay na ito, na tinuturuan siyang manalig kay Jehova para sa tulong.—Sant. 4:8.
19 Ang paraang susundin upang matiyak kung ang isa ay kuwalipikadong makibahagi sa pangmadlang ministeryo ay binalangkas sa Enero 15, 1996 ng Bantayan, pahina 16, parapo 6. Kapag ang estudyante ay kuwalipikado, makatutulong na magdaos ng isang sesyon sa pagsasanay upang ihanda siya sa unang araw niya sa paglilingkod sa larangan. Sa positibong paraan, talakayin ang reaksiyon at pagtutol ng mga tao na karaniwan sa inyong teritoryo. Simulan muna siya sa gawain sa bahay-bahay hangga’t maaari, at pasulong na sanayin siya sa iba pang bahagi ng ministeryo. Kung iingatan ninyong maikli at simple ang inyong presentasyon, magiging madali para sa kaniya ang tumulad. Maging nakapagpapatibay at nakapagpapasigla, na nagpapamalas ng kagalakan sa gawain, anupat kaniyang nakukuha ang inyong espiritu at naipamamalas iyon. (Gawa 18:25) Ang dapat na tunguhin ng isang bagong alagad ay ang maging isang regular, masigasig na mamamahayag ng mabuting balita. Marahil ay matutulungan ninyo siyang gumawa ng isang praktikal na iskedyul sa paglilingkod. Upang siya’y sumulong sa kaniyang kakayahang magpatotoo sa iba, maaaring imungkahi ninyo na basahin niya ang isyu ng Bantayan ng Agosto 15, 1984, pahina 15-25; Hulyo 15, 1988, pahina 9-20; Enero 15, 1991, pahina 15-20; at Enero 1, 1994, pahina 20-5.
20 Ganyakin ang mga Estudyante Tungo sa Pag-aalay at Bautismo: Malamang na maging posible para sa isang tapat-pusong estudyante na matuto nang sapat sa pag-aaral ng aklat na Kaalaman upang gumawa ng pag-aalay sa Diyos at maging kuwalipikado sa bautismo. (Ihambing ang Gawa 8:27-39; 16:25-34.) Gayunpaman, bago ganyakin ang isang tao na gumawa ng pag-aalay, kailangan niyang magkaroon ng debosyon kay Jehova. (Awit 73:25-28) Sa buong kurso ng pag-aaral, hanapin ang pagkakataon upang mapasulong ang pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova. Ipahayag ang inyong matinding damdamin para sa Diyos. Tulungan ang estudyante na laging isaisip ang pagkakaroon ng isang masigla, personal na kaugnayan kay Jehova. Kung talagang nakikilala niya at iniibig ang Diyos, kung gayon ay maglilingkod siya sa Kaniya nang tapat, sapagkat ang maka-Diyos na debosyon ay may kaugnayan sa ating damdamin hinggil kay Jehova bilang isang persona.—1 Tim. 4:7, 8; tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 76, parapo 11.
21 Pagsikapang abutin ang puso ng estudyante. (Awit 119:11; Gawa 16:14; Roma 10:10) Kailangan niyang makita kung paano nakaaapekto sa kaniya nang personal ang katotohanan at magpasiya kung ano ang dapat niyang gawin sa kaniyang natutuhan. (Roma 12:2) Talaga bang pinaniniwalaan niya ang katotohanan na iniharap sa kaniya linggu-linggo? (1 Tes. 2:13) Sa layuning ito, maaarok ninyo ang estudyante sa pamamagitan ng pagtatanong ng nagbibigay-unawang punto-de-vistang mga katanungan gaya ng: Ano ang nadarama ninyo hinggil dito? Paano ninyo maikakapit ito sa inyong buhay? Sa pamamagitan ng kaniyang mga komento ay mauunawaan ninyo kung saan higit na kailangan ang tulong upang maabot ang kaniyang puso. (Luc. 8:15; tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 52, parapo 11.) Ang kapsiyon sa mga larawan sa pahina 172 at 174 ng aklat na Kaalaman ay nagtatanong: “Nakapag-alay ka na ba sa Diyos sa panalangin?” at “Ano ang nakapipigil sa iyo upang mabautismuhan?” Ang mga ito ay maaaring mag-udyok na mabuti sa estudyante upang kumilos.
22 Ang pamamaraang susundin kapag ang isang di-bautisadong mamamahayag ay nagnanais na magpabautismo ay nakabalangkas sa Enero 15, 1996 ng Bantayan, pahina 17, parapo 9. Ang aklat na Kaalaman ay isinulat taglay ang tunguhing masangkapan ang tao upang masagot ang “Mga Tanong Para sa mga Nagnanais Pabautismo,” na masusumpungan sa apendise ng aklat na Ating Ministeryo, na rerepasuhin ng matatanda sa kaniya. Kung inyong idiniin ang mga sagot sa nakaimprentang mga katanungan sa aklat na Kaalaman, dapat na nasangkapang mabuti ang estudyante para sa mga sesyon ng katanungan na pangangasiwaan ng matatanda bilang paghahanda sa kaniyang bautismo.
23 Tulungan Yaong mga Nakatapos ng Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya: Dapat na asahan na sa panahong natapos ng isang tao ang pag-aaral sa aklat na Kaalaman, ang kaniyang taimtim at matinding interes na paglingkuran ang Diyos ay magiging maliwanag. (Mat. 13:23) Kaya ang pangwakas na sub-titulo ng aklat ay nagtatanong, “Ano ang Gagawin Mo?” Ang pangwakas na mga parapo ay nananawagan sa estudyante na magtuon sa kaugnayan na dapat niyang tamuhin sa Diyos, sa pangangailangang ikapit ang kaalaman na kaniyang natutuhan, at ang pangangailangang kumilos agad upang itanghal ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Walang probisyon para sa pag-aaral ng karagdagang mga publikasyon sa mga nakatapos sa aklat na Kaalaman. May-kabaitan at malinaw na ipaliwanag sa estudyanteng hindi nakatugon sa kaalaman ng Diyos kung ano ang nararapat niyang gawin upang sumulong sa espirituwal. Maaaring makipag-ugnayan kayo sa kaniya sa pana-panahon, na iniiwang bukas ang daan para sa kaniya na kumuha ng mga hakbanging aakay sa buhay na walang-hanggan.—Ecles. 12:13.
24 Ang isang bagong alagad na yumayakap sa katotohanan at nababautismuhan ay malaki pa ang kailangang gawin para sumulong sa kaniyang kaalaman at kaunawaan upang maging lubos na matatag sa pananampalataya. (Col. 2:6, 7) Sa halip na ipagpatuloy ang kaniyang pantahanang pag-aaral sa Bibliya pagkatapos ninyong makumpleto ang aklat na Kaalaman, maaari kayong maging laging handa upang maglaan ng anumang personal na tulong na kakailanganin niya upang gumulang sa espirituwal. (Gal. 6:10; Heb. 6:1) Sa kaniyang bahagi, makukumpleto niya ang kaniyang kaunawaan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw, personal na pag-aaral ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon ng tapat na alipin, paghahanda at pagdalo sa mga pulong, at pakikipag-usap ng katotohanan sa kapuwa mga mananampalataya. (Mat. 24:45-47; Awit 1:2; Gawa 2:41, 42; Col. 1:9, 10) Ang kaniyang pagbabasa ng aklat na Ating Ministeryo at pagkakapit ng nilalaman nito ay gaganap ng isang mahalagang papel sa kaniyang pagiging organisado sa paraang teokratiko upang ganapin nang lubusan ang kaniyang ministeryo.—2 Tim. 2:2; 4:5.
25 Pasulungin ang Sining ng Pagtuturo: Tayo ay inatasang ‘gumawa ng mga alagad . . . , turuan sila.’ (Mat. 28:19, 20) Yamang ang sining ng pagtuturo ay hindi maihihiwalay sa paggawa ng mga alagad, nanaisin nating magsumikap na sumulong bilang mga guro. (1 Tim. 4:16; 2 Tim. 4:2) Para sa karagdagang mungkahi kung paano mapasusulong ang sining ng pagtuturo, nanaisin ninyong basahin ang: “Pasulungin ang Sining ng Pagtuturo” at “Patagusin sa Puso ng Tagapakinig” sa Giya sa Paaralan, araling 10 at 15; “Teacher, Teaching” sa Insight, Tomo 2; at sa mga artikulo ng Bantayan na “Sa Pagtatayo Gamitin ang mga Materyales na Panlaban-sa-Apoy” at “Sa Pagtuturo Mo, Paabutin Mo sa Puso,” ng Pebrero 1, 1985; “Ikaw ba’y Mabisang Nangangatuwiran Buhat sa Kasulatan?” ng Marso 1, 1986; at “Kung Papaano Makasusumpong ng Kagalakan sa Paggawa ng Alagad,” ng Pebrero 15, 1996.
26 Habang kayo’y nagsisikap na gumawa ng mga alagad, na ginagamit ang aklat na Kaalaman, laging manalangin na si Jehova, ang isa “na nagpapalago dito,” ay magpapala sa inyong mga pagsisikap na abutin ang mga puso ng tao taglay ang mabuting balita na Kaharian. (1 Cor. 3:5-7) Maranasan nawa ninyo ang kagalakan ng pagtuturo sa iba na makaunawa, magpahalaga, at kumilos salig sa kaalaman na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan!