Masiyahan sa Ating Pag-aaral sa Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
1 Isang kapana-panabik na bahagi ng “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong mga Kombensiyon ang paglalabas ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Malapit na natin itong gamitin nang regular sa ating ministeryo sa larangan, lalo na kapag nagdaraos tayo ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kaya dapat maging pamilyar na pamilyar tayo sa bagong publikasyong ito. Magagawa natin ito dahil pag-aaralan natin ito sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat simula sa linggo ng Abril 17, 2006.
2 Itatawag-pansin ng tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang pambungad na mga tanong sa bawat kabanata. Saka idaraos ang pag-aaral gamit ang mga tanong sa ibaba ng mga pahina. Babasahin at tatalakayin ang mga susing teksto, at ang kahong “Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya” sa katapusan ng bawat kabanata ay makatutulong sa pagrerepaso sa materyal yamang nasa kahong ito ang maka-Kasulatang mga sagot sa pambungad na mga tanong ng kabanata. Masisiyahan kang magkomento dahil maliwanag, simple, at kawili-wili ang pagtalakay ng aklat sa mga paksa.
3 Ang apendise ng aklat na ito ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa iba’t ibang paksa. Magagamit natin ang materyal na ito kapag kailangan ng mga estudyante sa Bibliya ng higit pang impormasyon sa isang espesipikong paksa. Ang mga bahagi ng apendise ay paminsan-minsang tatalakayin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ang lahat ng materyal sa apendise hinggil sa isang paksa ay babasahin ng tagabasa ng pag-aaral sa aklat, at maaaring hati-hatiin ang pagbasa sa mas mahahabang artikulo. Walang mga tanong sa pag-aaral ang apendise. Subalit maaaring pagkomentuhin ng tagapangasiwa ang mga dumalo sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga tanong na nagtatampok sa pangunahing mga punto.
4 Mabilis na sasaklawin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Hindi naman kailangang gayundin tayo kabilis kapag nagdaraos sa iba ng pag-aaral gamit ang publikasyong ito, lalo na kung kaunti o wala silang alam sa Bibliya. (Gawa 26:28, 29) Sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, kailangang mas masusi nating talakayin ang mga teksto, ipaliwanag ang mga ilustrasyon, at iba pa. Kaya gawin mong tunguhin na dumalo bawat linggo at lubusang makibahagi sa ating pag-aaral sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?