Aklat na Itinuturo ng Bibliya—Ang Ating Pangunahing Pantulong sa Pag-aaral ng Bibliya
1 Kapana-panabik ngang masaksihan ang paglalabas ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? sa “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon! Ang mga delegado ay natuwang makatanggap ng personal na kopya sa pagtatapos ng programa noong araw ng Sabado. Paano gagamitin ang bagong pantulong na ito sa pagtuturo? Dinisenyo ito upang maging pangunahing pantulong natin sa pag-aaral ng Bibliya. Bagaman sa Marso pa kauna-unahang itatampok bilang alok na literatura ang bagong aklat, pinasisigla ang mga mamamahayag na gamitin ito kaagad sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Kasalukuyang mga Pag-aaral sa Bibliya: Dapat pag-isipang mabuti ng mga mamamahayag na nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Kaalaman o sa brosyur na Hinihiling kung paano at kung kailan sisimulang gamitin ang bagong publikasyon sa pag-aaral. Kung kamakailan pa lamang nasimulan ang pag-aaral, maaari na kayong magsimula sa bagong aklat. Kung marami-rami na kayong napag-aralan sa aklat na Kaalaman, maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabanata ng aklat na Itinuturo ng Bibliya na tumatalakay sa gayunding paksa. Kung matatapos na kayo sa aklat na Kaalaman, maaari ninyong ipasiya na kumpletuhin ang pag-aaral sa publikasyong iyon.
3 Walang-alinlangang lahat tayo ay maraming kakilala na makikinabang sa pag-aaral sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Bakit hindi alukin ang bawat isa sa kanila na mag-aral ng Bibliya gamit ang pantulong na ito sa pag-aaral na naghaharap ng mga katotohanan sa sistematikong paraan? Halimbawa, ang mga nag-aral na ng brosyur na Hinihiling o ng aklat na Kaalaman subalit hindi sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo ay baka nagnanais magpatuloy sa kanilang pag-aaral gamit ang bagong aklat. Maaaring ipasiya ng mga magulang na gamitin ang publikasyon habang ibinabahagi nila sa kanilang mga anak ang tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos.—Col. 1:9, 10.
4 Pag-aaral sa Ikalawang Aklat: May kaayusan ba para mag-aral ng ikalawang aklat ang isang estudyante sa Bibliya kapag natapos na ang pag-aaral sa Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Oo. Kung maliwanag na sumusulong ang isang estudyante, bagaman mabagal, at nagpapahalaga siya sa kaniyang natututuhan, maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya sa aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Nagtitiwala tayo na ang aklat na Itinuturo ng Bibliya ay magiging mabisang pantulong natin sa pagtupad ng ating atas na gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.