Isang Kapuri-puring Tunguhin Para sa Bagong Taon ng Paglilingkod
1. Anong tunguhin ang maaari nating pag-isipan para sa bagong taon ng paglilingkod?
1 Kung gusto nating sumulong sa espirituwal, dapat tayong magtakda ng mga tunguhin. Anu-anong personal na tunguhin ang itinakda mo para sa bagong taon ng paglilingkod? Napakahusay na tunguhin ang mag-auxiliary pioneer sa loob ng isang buwan o higit pa. Yamang karaniwan nang nangangailangan ng patiunang pagpaplano ang masayang gawaing ito, ngayon na ang mabuting panahon para magplano. Bakit dapat pag-isipan ang pag-o-auxiliary pioneer bilang tunguhin?
2. Ano ang mga dahilan upang gawing tunguhin ang pag-o-auxiliary pioneer?
2 Mga Dahilan Upang Mag-auxiliary Pioneer: Napalulugdan natin “nang lubus-lubusan” ang ating Ama sa langit sa pamamagitan ng pag-o-auxiliary pioneer na gumugugol ng higit na panahon sa ministeryo. (1 Tes. 4:1) Habang iniisip natin ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin, inuudyukan tayo ng ating puso na sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya. (Awit 34:1, 2) Nakikita at pinahahalagahan ni Jehova ang personal na mga sakripisyo natin upang gumawa ng higit sa ministeryo. (Heb. 6:10) Nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan na malamang pinalulugdan natin si Jehova sa pamamagitan ng ating pagpapagal.—1 Cro. 29:9.
3, 4. Paano tayo makikinabang sa pag-o-auxiliary pioneer?
3 Karaniwan na, kapag madalas mong ginagawa ang isang bagay, nagiging mas madali at mas kasiya-siya ito. Kung higit na panahon ang gugugulin mo sa ministeryo, mas lalakas ang loob mong mangaral sa bahay-bahay. Magiging mas bihasa ka sa pagpapasimula ng pag-uusap at sa paggamit ng Bibliya. Habang mas madalas mong ipinakikipag-usap ang tungkol sa iyong paniniwala sa Diyos, lalo itong lalakas. Marami na hindi nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ang nakapagpasimula nito samantalang nag-o-auxiliary pioneer.
4 Pinasisigla rin tayo ng pag-o-auxiliary pioneer upang sumulong sa ating espirituwalidad. Isang dating regular pioneer na nag-aakalang labis-labis na panahon ang ginugugol niya sa sekular na trabaho ang nagpasiyang mag-auxiliary pioneer sa loob ng isang buwan. Sinabi niya: “Hindi ako makapaniwala na sa loob lamang ng isang buwan na iyon ay napalakas ang aking espirituwalidad! Nagpasiya akong mag-auxiliary pioneer nang tuluy-tuloy, anupat muli akong naging regular pioneer.”
5. Paano natin mapagtatagumpayan ang pagkadama ng kawalang-kakayahan?
5 Pagtagumpayan ang Pag-aatubili: Ang ilan ay maaaring nag-aatubiling mag-auxiliary pioneer dahil iniisip nilang wala silang kakayahang mangaral. Kung ito ang dahilan kung bakit hindi ka makapag-auxiliary pioneer, matutulungan ka ni Jehova gaya ng ginawa niya kay Jeremias. (Jer. 1:6-10) Bagaman ‘mabagal ang bibig at mabagal ang dila’ ni Moises, ginamit siya ni Jehova upang isakatuparan ang Kaniyang kalooban. (Ex. 4:10-12) Kung iniisip mong hindi mo kaya, manalangin ka kay Jehova na bigyan ka ng lakas ng loob.
6. Paano tayo makapag-o-auxiliary pioneer sa kabila ng mahinang kalusugan o abalang iskedyul?
6 Nag-aatubili ka bang mag-auxiliary pioneer dahil sa mahinang kalusugan o sa abalang iskedyul? Kung mahina ang iyong kalusugan, baka maaari kang mag-auxiliary pioneer kung gagawin mo ito ayon sa iyong makakaya. Kung may abala kang iskedyul, maaari mong gawin sa ibang buwan ang ilang di-gaanong mahalagang gawain. Nagawa ng ilan na may buong-panahong trabaho na bilhin ang panahon upang makapag-auxiliary pioneer sa pamamagitan ng pagbabakasyon ng isa o dalawang araw.—Col. 4:5.
7. Bakit kapaki-pakinabang na ipanalangin ang tungkol sa hangaring mag-auxiliary pioneer?
7 Kung Paano Ito Gagawin: Ipanalangin mo ang iyong hangaring mag-auxiliary pioneer. Hilingin kay Jehova na pagpalain ang mga pagsisikap mo na mapalawak ang iyong ministeryo. (Roma 12:11, 12) Matutulungan ka niyang gumawa ng matalinong pagpapasiya kung paano mo aayusin ang iyong iskedyul. (Sant. 1:5) Kung wala kang hangarin, hingin mo kay Jehova sa panalangin na tulungan kang magkaroon ng kaluguran sa pangangaral.—Luc. 10:1, 17.
8. Paano ka maaaring makapag-auxiliary pioneer kung ikakapit mo ang Kawikaan 15:22?
8 Pag-usapan bilang isang pamilya ang tunguhin na mag-auxiliary pioneer. (Kaw. 15:22) Marahil maaaring mag-auxiliary pioneer ang isang miyembro ng pamilya sa tulong ng iba pa sa sambahayan. Ipakipag-usap sa iba pa sa kongregasyon ang hangarin mong magpayunir, lalo na sa mga nasa katulad mong kalagayan. Maaaring higit na magpasigla ito sa iyo na mag-auxiliary pioneer.
9. Anu-anong buwan ang maaari mong piliin upang mag-auxiliary pioneer?
9 Habang nirerepaso mo ang iyong iskedyul para sa ministeryo sa bagong taon ng paglilingkod, kailan ka maaaring mag-auxiliary pioneer? Kung ikaw ay nagtatrabaho nang buong-panahon o nag-aaral, baka gusto mong pag-isipan ang mga buwan na may pista opisyal o may limang Sabado o limang Linggo. Halimbawa, ang Setyembre, Disyembre, Marso, at Agosto ay may limang Sabado at limang Linggo. Ang buwan ng Mayo ay may limang Sabado, at ang Hunyo ay may limang Linggo. Kung mahina ang iyong kalusugan, pag-isipan ang mga buwan na karaniwang may mabuting lagay ng panahon. Maaari mo ring pag-isipang magpayunir sa buwan na nakaiskedyul maglingkod sa inyong kongregasyon ang tagapangasiwa ng sirkito. Sa panahon ng kaniyang dalaw, magkakaroon ka pa ng pribilehiyong dumalo sa unang bahagi ng pulong para sa mga regular pioneer. Yamang ang Memoryal ay papatak sa Marso 22 sa susunod na taon, napakagandang pagkakataon ito upang mag-auxiliary pioneer sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo. Kapag napili mo na ang buwan o mga buwan na gusto mong mag-auxiliary pioneer, isulat mo na ang iyong iskedyul para maabot mo ang kahilingang oras.
10. Ano ang magagawa mo kung hindi ka maaaring mag-auxiliary pioneer?
10 Kahit na inaakala mong hindi ka maaaring mag-auxiliary pioneer sa darating na taon ng paglilingkod, maaari ka pa ring maging masigasig sa ministeryo sa larangan. Patuloy na gawin ang lahat ng iyong magagawa sa ministeryo, na nagtitiwalang nalulugod si Jehova sa buong-kaluluwang pagsisikap mo na gawin ang iyong buong makakaya. (Gal. 6:4) Suportahan at patibaying-loob ang mga maaaring mag-auxiliary pioneer. Marahil puwede mong baguhin ang iyong iskedyul upang makibahagi sa ministeryo ng isa pang araw sa sanlinggo na kasama ng mga payunir.
11. Bakit tayo dapat makadama ng pagkaapurahan ng panahon?
11 Nadarama ng bayan ni Jehova ang pagkaapurahan ng panahon. Kailangang matapos ang gawain—ang pangangaral ng mabuting balita. Nakataya ang buhay ng mga tao, at maikli na ang natitirang panahon. (1 Cor. 7:29-31) Uudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na gawin ang lahat ng ating magagawa sa ministeryo. Sa pamamagitan ng pagsisikap at mabuting pagpaplano, maaari tayong mag-auxiliary pioneer kahit isang buwan lamang sa bagong taon ng paglilingkod—isa ngang kapuri-puring tunguhin!