Auxiliary na Pagpapayunir—Nasubukan na ba Ninyo Ito?
1 Ang kasalukuyang kaayusan sa auxiliary payunir ay nasa kaniyang ika-11 taon na ngayon. Mula nang ito ay pasimulan noong Setyembre, 1976 daan daang libo sa ating mga kapatid ang nagpatala. Libu-libo sa mga ito ang nagsaayos na maglingkod bilang mga auxiliary payunir sa ilang buwan sa bawa’t taon. Ang iba ay nakapaglingkod nang regular bilang mga auxiliary payunir sa mahabang yugto ng panahon. Ang lahat ay nagkaroon ng pagkakataon na makinabang sa espirituwal, mapalapit kay Jehova at maging lalong mabibisang ministro ng mabuting balita.
2 Noong Setyembre, 1976, ang unang buwan sa kaayusang ito, may nagpatalang 744 sa Pilipinas. Ang kasiglahan para sa auxiliary na pagpapayunir ay patuloy na sumulong hanggang maabot ang peak na 19,235 noong Abril, 1986. At may pag-asang malampasan ang 20,000 sa unang pagkakataon sa Abril, 1987.
3 Para sa marami, ang auxiliary na pagpapayunir ay napatunayang isang tuntungang bato para sa mga pribilehiyo gaya ng regular na pagpapayunir at paglilingkod sa Bethel. Subali’t kahit na ang inyong kasalukuyang kalagayan ay hindi nagpapahintulot sa inyo na magkaroon ng iba pang pantanging paglilingkuran, hindi ba kayo nagnanais na makabahagi sa kagalakan na tinatamasa ng marami bilang mga auxiliary payunir, lalo na sa Abril at Mayo?
MARAMI ANG GUMAWA NITO
4 Kayo ba ay isang magulang na may kasamang mga anak sa tahanan? Kailangan ba kayong magtrabaho nang buong panahon upang suportahan ang inyong sarili at ang inyong sambahayan? Kayo ba ay matanda na, o may kapansanan? Huwag kayong magpasiya kaagad na imposible para sa inyo na mag-auxiliary payunir. Kung mayroon kayong malaking pagnanais na magpayunir sa loob ng isa o dalawang buwan sa isang taon, maaaring maging posible ito para sa inyo.
5 Ang kahilingang 60 oras ay maaaring maging parang isang mahirap na hamon, subali’t kung inyong titingnan ito mula sa puntong kailangan lamang ang aberids na 2 oras sa isang araw, at ang natitira sa inyong panahon ay magagamit ninyo sa pagharap sa iba pang mga obligasyon, ang kahilingan sa oras ay hindi naman mahirap. Maaari ba kayong gumamit ng panahon sa paglilingkod sa larangan bawa’t araw sa loob ng isang itinakdang yugto ng panahon?
6 Pakisuyong pansinin kung ano ang ginawa ng ilang mga kongregasyon upang magpasigla sa paglilingkurang auxiliary payunir at ang maligayang resulta ng kanilang pagsisikap. Sa isang kongregasyon halos kalahati ng mga mamamahayag ay nagpatala bilang mga auxiliary payunir. Kasama dito ang tatlong matatanda at tatlong ministeryal na lingkod. Ang isang salik na nakatulong upang magkaroon ng ganitong mainam na pagtugon ay ang pagdiriin hinggil sa paglilingkurang payunir sa mga pulong ng kongregasyon sa loob ng ilang buwan bago ang Abril. Nabatid ng bawa’t isa sa kongregasyon na ang Abril ay isang buwan ng pagpapayunir. May kabuuang 28 ang nagpatala. Mahigit sa kalahati ang mag-asawa. May mag-asawa na mayroong limang anak at ang isa pa ay mayroong anim, subali’t dahilan sa maingat na pagpaplano nagampanan nilang mabuti ang kanilang pampamilyang pananagutan at naabot ang mga kahilingan para sa payunir. Ang pito sa kanila ay may buong panahong trabaho na gumagawa mula sa 40 hanggang 50 oras sa bawa’t linggo. Ang isang kapatid na lalaki na sa pasimula’y atubiling mag-aplay ay nagsabi: “Tunay na ito’y napakadali pala kaysa aking iniisip. Kailangan nga lamang ang isang mabuting eskedyul.”
7 Isang matanda ang sumulat na 29 sa kaniyang kongregasyon ang nag-auxiliary payunir. Nang ipinatalastas ang pangalan ng nagpatala, ito ay nagpasigla sa iba pa na sumama sa ranggo. Kung bibilangin ang 29 na nagpatala, kasama ang isang regular payunir, may 10 kapatid na lalake at 20 kapatid na babae. Sila ay mula sa 18 hanggang 71 taong gulang.
PERSONAL NA MGA KAPAKINABANGAN
8 Halos ang lahat na nag-auxiliary payunir sa unang pagkakataon ay nagsalitang may kasiglahan kung gaano sila personal na nakinabang mula sa mas malaking gawain sa paglilingkod sa larangan. Binanggit ng ilan ang damdamin ng pagiging mas malapit kay Jehova, pagkakaroon ng lalong malaking kagalakan sa paglilingkod, nagkakaroon ng lalong pagtitiwala kapag nasa mga pintuan, at pagkakaroon ng nakapagpapatibay na mga karanasan na hindi sana nila tinamasa.
9 Ang isang kapatid na babae ay nakapag-auxiliary payunir kahit na siya’y mayroong limang anak, nagtatrabaho at may asawang di kapananampalataya. Papaano siya ginantimpalaan? Nakipagtulungan ang kaniyang asawa, at dahilan sa kaniyang mabuting halimbawa, ang asawa niya’y napasiglang magpasimula sa paglilingkod sa larangan nang sumunod na buwan. Isa pang kapatid na babae na pumasok bilang isang auxiliary payunir ay sumulat upang sabihing binawi ng kaniyang amo ang kaniyang salita tungkol sa pagbibigay sa kaniya ng bakasyon. Kaya sinabi niya sa kaniya na titigil na siya sa kaniyang trabaho kung hindi niya makukuha ang bakasyong kailangan niya. Ipinagunita niya sa kaniyang amo na maaari niyang sabihin na siya ay may sakit kagaya ng maaaring gawin ng iba, subali’t hindi niya kailanman gagawin iyon dahilan sa siya’y tapat. Sumang-ayon siyang ibigay sa kaniya ang kinakailangan niyang panahon. Papaano siya nakinabang? Ang ilang araw lamang ng pagiging auxiliary payunir ay nakatulong sa kaniya na mapatibay ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova. Sinabi niya: “Hindi na ako masyadong nababahala sa gagastusin kagaya ng ginagawa ko noong una. Kailangan talaga akong turuan ni Jehova na magtiwala sa kaniya.”
10 Ang isang may kapansanang kapatid ay sumulat sa Samahan tungkol sa tagumpay na tinamo niya at ng kaniyang asawa sa pagiging mga auxiliary payunir. Sinabi niya: “Ako’y may kapansanan at limitado lamang ang oras na magagawa ko bawa’t araw, kaya ang 60 oras sa isang buwan ay tamang tama lamang para sa akin. Kami ay nagpasimula noong Setyembre 1 at nagpaplanong magpatuloy. Tumatanggap kami ng maraming pagpapala, at sa unang pagkakataon mula nang kami ay magpasimulang gumawa kasama ng kongregasyon, nadama namin na may nagagawa kami sa teritoryo.” Ito ay isa lamang halimbawa ng mga komento ng mga nagsaayos ng kanilang eskedyul upang maging auxiliary payunir.
SUSUBUKIN BA NINYO ITO?
11 Kayo ba ay isa sa mga mamamahayag na nagnanais na maging isang payunir subali’t nagpasiyang ang inyong personal na kalagayan ay hindi magpapahintulot sa inyo na magpayunir sa regular na paraan? Kayo ang nasa isipan ng Samahan nang pasimulan ang kaayusan sa pag-aauxiliary payunir. Ang pagpapala ni Jehova at ang inyong maingat na pagpaplano ay kailangan, subali’t makatitiyak kayo na ang espirituwal na pagsulong at ang kagalakan na tatamuhin ninyo ay sulit naman. (Neh. 8:10) Bakit hindi gumawa ng positibong plano ngayon upang makapag-auxiliary payunir sa Abril at Mayo? Para sa marami, ang Mayo ay mahusay na panahon para sa pagpapayunir yamang ito ay may limang Sabado at limang Linggo sa taóng ito. Kaya ang Abril at Mayo ay magiging isang napakabuting buwan para sa inyo na magpayunir.
12 Ingatan sa kaisipan na upang maging matagumpay, kailangan ang maingat na pagpaplano. Maliwanag ito mula sa mga karanasan ng mga nakapag-auxiliary payunir kahit na sila’y may pampamilyang pananagutan, may buong panahong trabaho, at iba pang mga maka-Kasulatang obligasyon. Ang bawa’t isa ay maaaring magtanong sa ganang sarili: ‘Bakit gusto kong magpayunir? Papaano ko maisasakatuparan ang tunguhing ito?’ Ang pag-aani ay hindi pa natatapos, at sa maraming mga lugar ay tunay na “malaki” pa ang aanihin.—Mat. 9:37, 38; Juan 4:35.
13 Ito ay panahon ng lubusang pagpapalawak ng gawain sa bahagi ng lahat ng mga lingkod ng Diyos. Maaari bang maglaan kayo ng isang buwan o higit pa ukol sa mas malawak na gawain sa larangan sa auxiliary payunir na paglilingkuran? (Efe. 5:16) Daan daang libo sa ating mga kapatid ang nakasubok na nito. Maaari ba kayong makabahagi?