Panatilihin ang Isang Positibong Saloobin
1 Kay ligaya natin kapag nababasa ang tungkol sa kamangha-manghang pagsulong na nagaganap sa maraming lupain! Gayunpaman, nababatid natin na sa ilang lugar ang mga mamamahayag ng Kaharian ay napapaharap sa kawalang interes o kahit sa pagsalangsang sa ating gawaing pangangaral. Papaano natin mapananatili ang isang positibong saloobin kapag ganito ang nangyayari sa ating teritoryo? Papaano natin mahahadlangan ang negatibong saloobin na mag-aalis sa ating kagalakan o magpapatamlay sa ating sigasig sa paggawa ng mga alagad?
2 Ang isang positibong saloobin ay tutulong sa atin na mapanatili ang ating pagiging timbang. Kahit na sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, hindi natin dapat pahintulutang mangibabaw ang negatibong pangmalas. Si Jesus ay nagbigay ng sakdal na halimbawa para sa atin. Iilan lamang tao ang tumanggap sa kaniya. Marami ang natisod sa kaniyang aral. Nagpakana ang mga relihiyosong pinuno na siya’y patayin. Siya’y niluraan, nilibak, hinampas, at pinatay sa dakong huli. Gayunman, siya’y nakasumpong ng kagakalan sa kaniyang gawain. Bakit? Kinilala niya ang kahalagahan ng pagsasagawa sa kalooban ng Diyos, at hindi siya sumuko.—Juan 4:34; 13:17; Heb. 12:2.
3 Panatilihin ang Wastong Pangmalas sa Ating Ministeryo: Upang magawa ito, dapat nating tandaan na taglay natin ang mensahe na ipinagwawalang bahala o sinasalangsang ng karamihang tao. (Mat. 13:14, 15) Bagaman ang mga apostol ay opisyal na pinag-utusang huminto sa pagtuturo sa pangalan ni Jesus, sila’y nagpatuloy sa pangangaral, at ang ani ay patuloy na sumagana. (Gawa 5:28, 29; 6:7) Patiuna nating nababatid na, sa ilang teritoryo, iilang tao ang makikinig. (Mat. 7:14) Kaya, may dahilan tayo upang magalak kahit isa man lamang tao sa ating teritoryo ang nakikinig sa ating mensahe. Tandaan din, na kahit na yaong mga salangsang ay dapat na mabigyan ng pagkakataong makinig. (Ezek. 33:8) Ang ilang sumasalangsang ay nagbago sa bandang huli at naging mga mananamba kay Jehova. Kapag minamalas nang wasto, ang ating ministeryo ay magdudulot sa atin ng malaking kasiyahan, kahit na iilan lamang ang nakikinig. Ang atin mismong pagkanaroroon sa mga pintuan taglay ang pabalita ng Kaharian ng Diyos ay isang patotoo.—Ezek. 2:4, 5.
4 Taglay natin ang mabuting dahilan upang magkaroon ng isang positibong pangmalas. Ang tagumpay ng ating pambuong daigdig na gawain at ang kalapitan ng malaking kapighatian ay dapat na magpasigla sa atin upang gawin ang ating buong makakaya. (2 Ped. 3:11, 14) Nanaisin din nating maging positibo ang mga baguhan sa paggamit ng kanilang natutuhan. Kung ang ilan sa ating mga estudyante sa Bibliya ay sumulong na hanggang sa punto ng pagiging di bautisadong mga mamamahayag, ang Agosto ay maaaring mabuting panahon upang sila’y magpasimula.
5 Naglilingkod man bilang mga mamamahayag o bilang mga payunir, makabubuting ingatan sa isipan na ang hinihiling sa atin ni Jehova ay hindi nagpapabigat. (1 Juan 5:3) Siya’y nangakong tutulungan tayo. (Heb. 13:5b, 6) Sa kabila ng kawalang interes ng publiko, dapat tayong maging positibo at magpatuloy sa pangangaral dahilan sa ito ang kalooban ng Diyos na ating gawin.—1 Tim. 2:3, 4.