Maging “Masigasig sa Maiinam na Gawa” sa Abril!
1 Sa Abril, tunguhin natin na makibahagi sa ministeryo ang lahat ng mamamahayag. Tunay na makapagpapasigla kung ang lahat ng mamamahayag sa bansang ito ay makikibahagi sa pangangaral bago matapos ang Abril. Dahil sariwa pa sa isipan ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, tiyak na gusto nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng “hain ng papuri” sa ministeryo sa larangan.—Heb. 13:15.
2 Sa natitirang bahagi ng Abril, dapat gumawa ng pagsisikap upang malaman ang mga pangangailangan ng bawat miyembro ng kongregasyon para ang lahat ay masigasig na makabahagi bago matapos ang buwan. (Roma 15:1) Dapat na lubusang nalalaman ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ang mga kalagayan ng mga nasa kanilang grupo at magbigay ng praktikal na tulong kung kinakailangan. May nangangailangan ba ng transportasyon? Sino ang makapaglalaan nito? Mahiyain ba ang ilan? Maaari bang gumawang kasama nila ang mas makaranasang mga mamamahayag? Kumusta naman ang mga maysakit o may kapansanan? Maaari kaya silang makibahagi sa pagpapatotoo sa telepono, sa pamamagitan ng liham, o sa iba pang mabungang gawain?
3 Ang ilang naging di-aktibo ay maaaring mapasigla kapag narinig nila ang pahayag sa Memoryal sa Abril 12. Kaya makabubuting gumawa ng pantanging pagsisikap na lapitan ang sinumang di-aktibo na dumalo sa Memoryal at tanungin kung maaari ba silang dalawin at pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos ng Memoryal, marahil ay mapakikilos sila na muling maging aktibo at makibahagi sa ministeryo.
4 Sanayin ang mga Kabataan na Makibahagi: Maraming anak ng mga Saksi ni Jehova ang sumasama sa kanilang mga magulang sa bahay-bahay sa loob ng maraming taon, bagaman hindi pa sila di-bautisadong mga mamamahayag. Ngayon na ba ang panahon upang magsimula sila? Napakikilos ba sila mula sa puso at handa nang makibahagi sa pagbabahay-bahay? Masusumpungan ng mga ulo ng pamilya na nakatutulong na repasuhin ang mga parapo 1 at 2 sa pahina 82 ng aklat na Organisado upang matiyak kung kuwalipikado na ba ang kanilang mga anak na maging mga mamamahayag at pagkatapos ay sundin ang pamamaraang nakabalangkas doon.
5 Ginagawa ng mga Kuwalipikadong Estudyante sa Bibliya ang Gawaing Ginawa ni Jesus: Hindi lamang mga doktrina ang itinuro ni Jesus. Sinamahan niya ang kaniyang mga estudyante sa ministeryo at tinuruan sila kung paano mangaral. (Luc. 8:1; 10:1-11) Ano ang kalagayan sa ngayon? Mahigit sa sandaang libong pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa Pilipinas. Walang alinlangan, kung patitibayin ang kanilang loob, marami sa mga estudyanteng ito ang susulong at magiging kuwalipikadong maglingkod bilang di-bautisadong mga mamamahayag sa Abril.
6 Kung nagdaraos ka ng pag-aaral sa Bibliya, isaalang-alang ang mga tanong na ito: Sumusulong ba ang estudyante alinsunod sa kaniyang edad at kakayahan? Sinimulan na ba niyang ibahagi sa iba sa di-pormal na paraan ang kaniyang pananampalataya? Ibinibihis na ba niya ang “bagong personalidad”? (Col. 3:10) Naaabot ba niya ang mga kahilingan para sa di-bautisadong mga mamamahayag, na nakabalangkas sa pahina 79-81 ng aklat na Organisado? Kung inaakala mong kuwalipikado na siya, bakit hindi talakayin ang bagay na ito sa kaniya? Ang ilang estudyante ay nangangailangan ng higit pa kaysa sa pag-anyaya lamang sa kanila na makibahagi sa gawain. Sabihin pa, kung gusto na ng estudyante na maglingkod sa larangan, karaniwan nang kinakailangang isaayos muna ng punong tagapangasiwa na kausapin siya ng dalawang elder. Sa kabilang dako naman, maaaring may nakahahadlang sa estudyante. Marahil maaari kang samahan ng isa sa mga elder sa pag-aaral sa Bibliya at alamin kung ano ang nadarama ng estudyante hinggil sa katotohanan. Pagkatapos marinig ang estudyante, maaaring magbigay ng praktikal na mga mungkahi at maka-Kasulatang tulong ang elder.
7 ‘Bilhin ang Panahon’ Upang Mag-auxiliary Pioneer: Taun-taon sa panahon ng Memoryal, ipinakikita ng libu-libo ang kanilang pagpapahalaga sa pantubos sa pamamagitan ng ‘pagbili’ ng panahon upang mag-auxiliary pioneer. (Efe. 5:15-17) Bagaman kailangan ang ilang pagsasakripisyo, marami naman ang mga gantimpala. Sinasamantala ng maraming kabataan ang bakasyon sa eskuwela upang mag-auxiliary pioneer. Lubusan namang ginagamit ng mga adultong nagtatrabaho ang mga gabi at dulo ng sanlinggo sa gawain ding ito. Yamang may limang Sabado at limang Linggo sa Abril ng taóng ito, tiyak na marami ang makagagawa nito. Kung hindi ka makapagpayunir sa Abril, bakit hindi pag-isipan kung magagawa mo ito sa Mayo upang mabalikan ang mga nagpakita ng interes na nasumpungan noong Abril?
8 Makapag-auxiliary pioneer ka man o hindi, humanap ng mga paraan upang dagdagan ang iyong paglilingkod sa larangan sa Abril. Magtakda ng personal na tunguhin, isa na mangangailangan ng pagsisikap subalit kayang abutin. Pagpapalain ni Jehova ang pagnanais mong ‘gumugol at lubusang magpagugol’ sa paglilingkod sa kaniya, ayon sa iyong personal ng mga kalagayan.—2 Cor. 12:15.
9 Mga Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan: Dapat isaayos ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan hangga’t maaari araw-araw sa Abril. Dapat ding magsaayos ng pagpapatotoo sa gabi. Karamihan sa mga mamamahayag ay maglilingkod sa larangan sa mga dulo ng sanlinggo, kaya ang mga kongregasyon ay dapat mag-iskedyul ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan kung Sabado, kapuwa sa umaga at sa hapon.
10 Mga Elder—Kailangan ang Mahusay na Pagpaplano: Kung posible, makabubuti kung magagawa ang lahat ng teritoryo ng kongregasyon sa mga buwan ng Abril at Mayo. Dapat bigyan ng pantanging pansin ang paggawa sa anumang lugar ng negosyo na nakaatas sa kongregasyon. Ang mga gagawa rito ay dapat na maghandang mabuti at manamit nang maayos. Gawing simple ang presentasyon. Kapag lumalapit sa isang negosyante, maaari mong sabihin na karaniwang hindi mo natatagpuan ang mga negosyante sa bahay, kaya ikaw ay dumadalaw sa kaniyang lugar ng negosyo upang iharap ang isang artikulo na tiyak na magugustuhan niya. Pagkatapos ay maaari mong ibahagi sa maikli ang isang espesipikong punto sa magasin. Dapat ding wastong isaayos ang pagpapatotoo sa lansangan sa teritoryo ng kongregasyon gamit ang mga magasin. Maaaring may iba pang lugar sa inyong teritoryo na magagawa sa Abril, gaya ng mga paliparan, ospital, paradahan, parke, at tirahan para sa mga may-edad na. Dapat tiyakin ng lupon ng matatanda kung anong mga kaayusan ang naaangkop para sa pagpapatotoo sa mga lugar na ito sa teritoryo ng inyong kongregasyon.
11 Si Jehova ay isang manggagawang hindi napapagod. (Juan 5:17) Nilalang niya ang langit at ang lupa gayundin ang mga halaman at mga hayop; pero patuloy siyang gumawa hanggang sa lalangin niya ang kaniyang obramaestra dito sa lupa—ang tao. Ang katotohanan na tayo ay may buhay ay resulta ng pagnanais ng Diyos na gumawa. Bilang ‘mga tagatulad sa Diyos,’ dapat tayong udyukan ng ating pag-ibig sa kaniya na maging “masigasig sa maiinam na gawa.” (Efe. 5:1; Tito 2:14) Yamang karapat-dapat kay Jehova ang pinakamabuti at ang pagiging mabunga sa ministeryo ay katangian ng isa na masigasig, dapat nating gawin ang pinakamainam sa ministeryo. Sabihin pa, pinahahalagahan ni Jehova ang anumang sakripisyong ginagawa natin para sa kaniya, at ang ating gawain ay hindi kailanman sa walang kabuluhan. (1 Cor. 15:58) Kaya taglay ang pusong mapagpasalamat, maging masigasig tayo sa gawain sa Abril, anupat nagtitiwalang sasang-ayunan at pagpapalain tayo ni Jehova at bibigyan tayo ng tagumpay!