“Si Jehova ang Aking Katulong”
1 Nang atasan ni Jesus ang kaniyang unang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Narito! Isinusugo ko kayo gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo.” (Mat. 10:16) Ito ba’y naging dahilan upang sila’y matakot at huminto? Hindi. Tinaglay nila ang saloobing kagaya ng ipinahayag ni apostol Pablo sa dakong huli nang sabihin niya sa kapuwa mga Kristiyano: “Tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?’” (Heb. 13:6) Ikinagalak nilang mapabilang na karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa pangalan ni Jesus, at sila’y nagpatuloy nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.—Gawa 5:41, 42.
2 Sa ngayon ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ay matatapos na. Gaya ng inihula ni Jesus, tayo’y nagiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng bansa. (Mat. 24:9) Ang ating gawaing pangangaral ay sinasalansang at kinukutya, at sa ilang bahagi ng daigdig, ito ay ipinagbawal pa nga. Kung tayo’y nagkukulang sa pananampalataya, maaari tayong matakot. Gayunman, ang pagkaalam na si Jehova ang ating Katulong ay nagpapaginhawa sa atin at nagpapalakas sa atin upang magpatuloy.
3 Ang tibay ng loob ay ang katangian ng pagiging malakas, matapang at magiting. Ito’y kabaligtaran ng pagkatakot, pagkaumid at karuwagan. Noon pa’y kailangan na ng mga alagad ni Jesus ang tibay ng loob upang makapagtiis. Ito’y mahalaga upang maiwasan natin ang pagkasira ng loob dahilan sa mga saloobin at mga pagkilos ng isang sanlibutang nakikipag-away sa Diyos. Kay laking pampatibay-loob sa atin na isipin ang napakainam na halimbawa ni Jesus, isang nagtagumpay sa sanlibutan! (Juan 16:33) Tandaan din, ang mga apostol na napaharap sa matitinding mga pagsubok ay may katapangang nagpahayag: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
4 Hindi Tayo ang Uring Umuurong: Dapat nating pagsikapang mapanatili ang positibong saloobin sa ating gawain. (Heb. 10:39) Laging ingatan sa isipan na tayo’y sinugo ni Jehova bilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig at habag sa buong sangkatauhan. Hindi niya kailanman hinihiling sa kaniyang mga lingkod ang anumang bagay na walang mabuting layunin. Lahat ng bagay na iniatas sa atin upang gawin ay para sa ikabubuti sa dakong huli niyaong mga umiibig sa Diyos.—Roma 8:28.
5 Ang optimistikong pangmalas ay makatutulong sa atin na patuloy na hanapin ang mga tulad-tupa sa ating teritoryo. Maaari nating malasin ang kawalang-interes na ipinakikita ng mga tao bilang kapahayagan ng kanilang pagkasiphayo at kawalang-pag-asa. Hayaang ang ating pag-ibig ay magpakilos sa atin upang maging maawain at matiyaga. Sa bawat pagkakataong makapagpasakamay tayo ng literatura o sa ibang paraan ay makapansin ng bahagyang interes, dapat na maging tunguhin natin na gumawa kaagad ng pagdalaw-muli at pumukaw ng higit na interes. Huwag nating pag-alinlanganan kailanman ang ating kakayahang magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya o maging mabisa sa pagdaraos nito. Sa halip, dapat na palagi at may pananalanging hilingin natin ang tulong at patnubay ni Jehova, na nagtitiwalang tayo’y tutulungan niya.
6 Matibay ang ating paniniwala na pangyayarihin ni Jehova na matapos ang gawain. (Ihambing ang Filipos 1:6.) Ang ating lubos na pagtitiwala sa kaniya bilang ating Katulong ay nagpapalakas sa atin, upang ‘hindi tayo manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.’—Gal. 6:9.