Ang Lahat ay Dapat ‘Yumakap sa Salita Nang Buong Puso’!
1 Milyun-milyong tao ang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Upang maging kuwalipikado sa buhay na walang hanggan, dapat nilang ‘yakapin ang salita nang buong puso,’ gaya ng ginawa ng 3,000 na nagsisi at nabautismuhan noong araw ng Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:41) Anong pananagutan ang iniaatang nito sa atin ngayon?
2 Dapat nating tulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na magkaroon ng debosyon kay Jehova. (1 Tim. 4:7-10) Hinggil dito, ang insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, parapo 20, ay nagmumungkahi ng ganito: “Sa buong kurso ng pag-aaral, hanapin ang pagkakataon upang mapasulong ang pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova. Ipahayag ang inyong matinding damdamin para sa Diyos. Tulungan ang estudyante na laging isaisip ang pagkakaroon ng isang malapit, personal na kaugnayan kay Jehova.”
3 Ang Hamon na Hinaharap Natin: Karamihan sa mga tao na naimpluwensiyahan ng huwad na relihiyon ay kontento na sa anyo ng pagsamba na nangangailangan lamang ng kaunting panahon at pagsisikap, na hindi humihiling ng anumang tunay na pagbabago sa kanilang paraan ng pamumuhay. (2 Tim. 3:5) Ang hamong napapaharap sa atin ay ang tulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na makitang ang tunay na pagsamba ay nagsasangkot ng higit pa kaysa basta pagiging tagapakinig lamang ng salita ng Diyos. Dapat nilang ikapit sa kanilang buhay kung ano ang kanilang natututuhan. (Sant. 1:22-25) Kung mayroon silang personal na paggawi na hindi kalugud-lugod sa Diyos, kailangan nilang kilalanin ang pananagutang “manumbalik” at gumawa ng tama upang makalugod sa kaniya. (Gawa 3:19) Upang tamuhin ang buhay na walang hanggan, sila’y kailangang ‘magsikap nang buong lakas’ at manindigang matatag sa katotohanan.—Luc. 13:24, 25.
4 Kapag tinatalakay ang iba’t ibang aspekto ng moralidad, tanungin ang inyong estudyante sa Bibliya kung paano niya talagang minamalas ang mga bagay na ito at kung ano ang dapat niyang gawin kapag nakita niya ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang buhay. Akayin ang kaniyang pansin sa organisasyon kung saan niya natututuhan ang katotohanan, at pasiglahin siyang dumalo nang palagian sa mga pulong ng kongregasyon.—Heb. 10:25.
5 Gawin nating tunguhin na abutin ang puso ng estudyante sa pamamagitan ng ating pagtuturo. Magkakaroon tayo ng kagalakan habang pinasisigla natin ang mga baguhan na yakapin ang salita ng Diyos nang buong puso at mabautismuhan!—1 Tes. 2:13.