Nakikita Nilang Tayo’y Kakaiba
1 Noong nakaraang taon, mahigit sa 300,000 baguhan ang sumama sa atin sa pamamagitan ng pagpapabautismo. Ano ba ang nakita ng mga taong ito sa mga Saksi ni Jehova na naging dahilan upang naisin nilang maging bahagi ng organisasyon ng Diyos? Bakit ba tayo lumilitaw na kakaiba sa lahat ng iba pang mga relihiyon? Narito ang ilang maliwanag na kasagutan:
—Tayo’y nangungunyapit sa Bibliya sa halip na sa personal na mga opinyon: Ating sinasamba ang Diyos na Jehova “sa espiritu at katotohanan,” kagaya ng sinabi ni Jesu-Kristo na nararapat gawin. Ito’y nangangahulugan ng pagtatakwil sa relihiyosong mga kasinungalingan at pagsunod sa nasusulat na Salita ng Diyos.—Juan 4:23, 24; 2 Tim. 3:15-17.
—Tayo’y nagtutungo sa mga tao sa halip na hintayin silang pumunta sa atin: Ating tinanggap ang komisyon ni Kristo na mangaral at magturo, at ating tinutularan ang kaniyang halimbawa sa paghanap ng tapat-pusong mga tao. Hinahanap natin sila sa kanilang mga tahanan, sa mga lansangan, o saanman sila maaaring masumpungan.—Mat. 9:35; 10:11; 28:19, 20; Gawa 10:42.
—Tayo’y nagtuturo ng Bibliya sa lahat nang walang bayad: Malaya tayong gumagamit ng ating yaman at lakas, at gumugugol ng mahigit sa isang bilyong oras bawat taon sa paglilingkod sa Diyos. Walang pagtatangi tayong nakikipag-aral ng Bibliya sa lahat ng uri ng mga tao.—Mat. 10:8; Gawa 10:34, 35; Apoc. 22:17.
—Tayo’y sanay na sanay sa pagtulong sa mga tao sa espirituwal na paraan: Sa pamamagitan ng ating personal na pag-aaral ng Bibliya at ng pagtuturong inilalaan sa mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon, ating tinatanggap ang napakahalaga at nagpapatuloy na teokratikong edukasyon, na nagpapangyaring maliwanagan natin ang iba sa espirituwal na paraan.—Isa. 54:13; 2 Tim. 2:15; 1 Ped. 3:15.
—Dinidibdib natin ang katotohanan, ikinakapit ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay: Dahilan sa ating pag-ibig sa Diyos, tayo ay gumagawa ng mga pagbabago, iniaayon ang ating buhay na kasuwato ng kaniyang kalooban. Ang ating tulad-Kristong bagong personalidad ay nakaaakit sa iba tungo sa katotohanan.—Col. 3:9, 10; Sant. 1:22, 25; 1 Juan 5:3.
—Sinisikap nating mabuhay at gumawang kasama ng iba sa kapayapaan: Ang paglinang sa makadiyos na mga katangian ay tumutulong sa atin na bantayan ang ating mga pagkilos at pagsasalita. Ating ‘hinahanap ang kapayapaan at itinataguyod ito’ sa lahat ng tao.—1 Ped. 3:10, 11; Efe. 4:1-3.
2 Ang mga halimbawa ng Kristiyanong pamumuhay na nakikita ng mga tao sa organisasyon ni Jehova ay gumaganyak sa marami na tumanggap sa katotohanan. Ang atin nawang personal na halimbawa ay magkaroon ng gayunding epekto sa mga nakakakilala at nagmamasid sa atin.