Buong-Daigdig na Paggunita sa Kamatayan ni Kristo
1 Si Jehova ay saganang nagbigay sa atin ng maraming kaloob. Ang kabuuan ng kaniyang kabutihan at maibiging-kabaitan ay malinaw na inilarawan bilang ang “kaniyang di-mailarawang walang bayad na kaloob.” Oo, ang “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” ay lubhang kamangha-mangha anupat nahihigitan nito ang ating kakayahang maglarawan.—2 Cor. 9:14, 15.
2 Ang Kaniyang Pinakadakilang Kaloob: Si Jesu-Kristo, bilang ang Manunubos ng sangkatauhan, ang siyang pinakadakilang kaloob sa lahat. Sa pagpapahayag ng kaniyang dakilang pag-ibig sa daigdig ng sangkatauhan, ibinigay ni Jehova ang kaniyang minamahal at bugtong na Anak. (Juan 3:16) Ang gayong di-sana-nararapat na pagpapala mula sa Diyos ay nararapat gunitain ng buong daigdig. Kailan at paano? Sa gabi ng Huwebes, Abril 1, 1999, gugunitain ng mga Kristiyano sa buong daigdig ang Hapunan ng Panginoon, anupat ipagdiriwang ang Memoryal ng pinakadakila sa lahat ng hain.—1 Cor. 11:20, 23-26.
3 Si Kristo ay namatay alang-alang sa atin “samantalang tayo ay mga makasalanan pa,” at maipakikita natin ang ating personal na utang na loob sa pamamagitan ng pagdiriwang sa Memoryal ng kaniyang kamatayan at pag-aanyaya sa iba na dumalong kasama natin sa pinakamahalaga-sa-lahat na okasyong iyon.—Roma 5:8.
4 Ang Pinakamahalagang Okasyon: Pangunahing itinatampok sa pagdiriwang ng kamatayan ni Kristo ang sakdal na pagtataguyod niya sa soberanya ng Diyos. Ipinaaalaala rin sa atin nito na maaari tayong magtamasa ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova sa pamamagitan ng pananampalataya sa hain ni Jesus, sa gayo’y natitiyak ang pagkaligtas. (Gawa 4:12) Tunay na ito ang pinakamahalagang okasyon sa taóng ito!
5 Naipamamalas ang pag-ibig sa ating kapuwa sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kanila na ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon kasama natin. Ang mga kapakinabangan ng pantubos ay maaari pa ring matamasa ng milyun-milyon na nakaaalam sa nakahihigit na halaga nito. (Fil. 3:8) Maaaring matamo niyaong nananampalataya sa hain ni Kristo ang matibay na pag-asang buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
6 Ang panahon ng Memoryal ay naglalaan sa atin ng natatanging pagkakataon upang ipamalas ang ating pagpapahalaga sa nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ito ay isang mainam na panahon upang buong-sigasig na makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Dakilang mga pagpapala ang naghihintay sa lahat ng magmumuni-muni nang may pananalangin sa di-mailarawang walang-bayad na kaloob ni Jehova at magsasaayos na makadalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa taóng ito!