‘Ano ang Magagawa Ko?’
1 ‘Ano ang magagawa ko?’ Walang pagsala, ang katanungang ito ang nasa isip ng mga miyembro ng maliit na grupo sa pag-aaral ng Bibliya na inorganisa ni Charles Taze Russell noong mga taon ng 1870. Habang sila’y sumusulong sa kanilang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, ang unang mga estudyanteng iyon sa Bibliya ay maaaring nag-isip kung ano ang kanilang magagawa upang tulungan ang iba na matuto hinggil sa layunin ng Diyos. Ang pagpapaabot sa buong daigdig ng kanilang natatamong kaalaman sa Bibliya ay isang tunay na napakalaking gawain.
2 Naliligayahan tayo na kanilang napagtagumpayan ang hamong iyon. Paano? Ginawa ng bawat indibiduwal ang kaniyang waring di-gaanong mahalagang bahagi, anupat sa ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay kilala na sa buong daigdig—isang organisasyon ng halos anim na milyong mga tagapaghayag ng Kaharian na naglilingkod sa mga 90,000 kongregasyon sa 234 na mga lupain at mga isla ng karagatan!—Isa 60:22.
3 Ipagkaloob ang Inyong Buong Pagtangkilik: Mahalaga para sa bawat isa sa atin na magkaroon ng bahagi sa pagkalaki-laking gawaing inihula ni Jesus na isasagawa sa mga huling araw na ito. (Mar. 13:10) Tunay na ang gawaing ito ay hindi maaaring ipaubaya na lamang sa limitadong bilang ng matatanda; ni ang gawaing pangangaral ay ipabalikat na lamang sa mga payunir. Sa katunayan, bawat nag-alay na Kristiyano ay may gagampanang isang mahalagang bahagi. Tayong lahat ay maaaring makibahagi sa ilang anyo ng gawaing pangangaral. (1 Tim. 1:12) Gaano man kalawak natin ginagawa ito, tayo at ang iba pa ay nakikinabang.—1 Tim. 4:16.
4 Ang bawat isa ay makapagbibigay rin ng buong pagtangkilik sa ating Kristiyanong kapatiran sa iba pang mahahalagang paraan. Matatangkilik natin ang mga pulong ng kongregasyon sa pamamagitan ng palagiang pagdalo at masiglang pakikibahagi. (Awit 122:1, 8, 9) Magagawa natin ang ating bahagi upang maingatang malinis ang kongregasyon sa moral. Makapaglalaan tayo ng pinansiyal na pagtangkilik sa ating pambuong daigdig na gawain, ayon sa ating tinataglay. Maaari tayong makibahagi sa paglilinis ng Kingdom Hall. Maitataguyod ng bawat isa ang marubdob na espiritu ng pag-ibig at pagkakaisa sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagtulong sa mga baguhan, mga kabataan, at gayundin sa mga may edad na.—Col. 3:12, 14.
5 Kaya maaari ninyong itanong, ‘Ano ang magagawa ko?’ Bagaman ang inyong indibiduwal na mga pagsisikap ay waring di-gaanong mahalaga, sa paggawa ng inyong bahagi, kayo ay makatutulong sa pagkakaroon ng isang malakas, aktibo, at malusog na kongregasyon. Sa ganito’y magkakaroon tayong lahat ng mahalagang bahagi sa pagpaparangal sa pangalan ni Jehova!