May-Kagalakang Kaisa ni Jehova at ng Kaniyang Anak
Ang Pinakamahalagang Pangyayari ng Taon ay Ipagdiriwang sa Marso 28
1 Sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon pagkalubog ng araw sa Marso 28, 2002, ipinakikita natin ang ating may-kagalakang pakikiisa sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Sa lubhang natatanging okasyon na iyan, tatamasahin ng nalabi ng mga pinahirang Kristiyano ang pantanging “pakikibahagi” kasama ng iba pa nilang mga kapuwa tagapagmana ng Kaharian, kasama ang Ama, at ang kaniyang Anak. (1 Juan 1:3; Efe. 1:11, 12) Milyun-milyong “ibang mga tupa” ang magbubulay-bulay sa kanilang kamangha-manghang pribilehiyo na makiisa kay Jehova at sa kaniyang Anak, anupat kaisa nila sa puso at isipan sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos!—Juan 10:16.
2 Magkasamang Gumagawa sa Isang Matalik na Ugnayan: Si Jehova at si Jesus ay may-kagalakang nagkakaisa sa tuwina. Tinatamasa nila ang matalik na pagsasamahan sa loob ng napakatagal nang panahon bago pa nilalang ang tao. (Mik. 5:2) Kaya isang matinding bigkis ng magiliw na pagmamahal ang nabuo sa pagitan nilang dalawa. Bilang personipikasyon ng karunungan, ang panganay na Anak na ito sa kaniyang pag-iral bago naging tao ay makapagsasabi: “Ako ang siyang lubhang kinagigiliwan [ni Jehova] araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” (Kaw. 8:30) Ang paggugol ng di-masukat na haba ng panahon sa matalik na pakikipagsamahan sa Bukal ng pag-ibig ay may matinding epekto sa Anak ng Diyos!—1 Juan 4:8.
3 Taglay sa isipan ang pangangailangang matubos ang sangkatauhan, pinili ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, na may pagkagiliw lalo na sa mga tao, upang maglaan ng haing pantubos, na siyang tanging pag-asa natin. (Kaw. 8:31) Kung paanong si Jehova at ang kaniyang Anak ay nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng iisang layunin, tayo ay nananatiling kaisa nila at sa isa’t isa sa mga bigkis ng matibay na pag-ibig, na may-kagalakang nagsasagawa ng kalooban ng Diyos.
4 Pagpapakita ng Ating Taos-Pusong Pagpapahalaga: Sa pagiging naroroon sa Memoryal at maingat at magalang na pakikinig, ating maipakikita ang ating tunay na pagpapahalaga kapuwa sa pag-ibig ni Jehova at sa hain ng kaniyang Anak para sa atin. Itatampok ang maibiging halimbawa ni Jesus, ang kaniyang katapatan hanggang sa kamatayan sa paglalaan ng pantubos, at ang kaniyang pamamahala bilang Hari ng naitatag na Kaharian ng Diyos, at maging ang mga pagpapala na idudulot ng Kaharian sa sangkatauhan. Ipagugunita rin sa atin ang pangangailangan na ipakita ang ating pananampalataya nang patuluyan, na masigasig na gumagawang kasuwato ng kalooban ni Jehova bilang mga “kamanggagawa sa katotohanan.”—3 Juan 8; Sant. 2:17.
5 Pagtulong sa Iba na Makisama sa Atin: Dapat gumawa ng pantanging pagsisikap ang lupon ng matatanda upang mapasigla ang lahat ng di-aktibong Saksi na nasa teritoryo na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (Mat. 18:12, 13) Gumawa ng isang listahan ng mga dadalawin upang walang sinuman ang makaligtaan at ang lahat ay personal na maanyayahan.
6 May kilala ka bang iba pa na maaaring dumalo sa Memoryal? Gumawa ng unang hakbang upang malinang ang kanilang pagpapahalaga sa okasyong ito. Taos-pusong anyayahan sila, at ipadama sa kanila na sila ay malugod na tinatanggap. Gawin natin ang ating sukdulang makakaya upang maanyayahan ang lahat ng ating mga estudyante sa Bibliya at ang iba pang mga taong interesado, pati na ang mga miyembro ng pamilya at mga kakilala sa pinakamahalagang pangyayaring ito ng taon. Ang mga kapakinabangan ng pantubos ay matatamasa pa rin ng lahat ng natututo “sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.” (Fil. 3:8) Yaong mga nananampalataya sa hain ni Kristo ay maaaring magtamo ng matatag na pag-asa sa buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
7 Huwag mamaliitin kailanman ang epektong maidudulot ng Memoryal sa mga taong taimtim. Dalawang taon na ang nakalilipas sa islang bansa ng Papua New Guinea, 11 taong interesado ang naglakbay sakay ng isang maliit na bangka sa loob ng 17 oras sa napakaalong karagatan upang makadalo. Bakit? Sabi nila: “Nais naming ipagdiwang ang Memoryal ni Kristo kasama ng mga kapuwa sumasamba kay Jehova; kaya sulit naman ang biyahe.” Isipin ang sigasig na ipinamalas ng mga taong interesado na iyon at ang kanilang pagpapahalaga dahil sa kagalakan ng pagiging kaisa ni Jehova, ng kaniyang Anak, at ng kapatirang Kristiyano!
8 Mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa lahat ng taong interesado. Pasiglahin silang regular na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon at ibahagi sa iba ang katotohanang kanilang natututuhan. Tulungan silang ‘lumakad sa liwanag’ at ‘isagawa ang katotohanan’ sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. (1 Juan 1:6, 7) Tulungan sila na malinang ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova at patuloy na lumago sa pagpapahalaga sa pribilehiyo ng nagkakaisang pagsasagawa ng kaniyang kalooban.
9 Tunay ngang isang kamangha-manghang pribilehiyo na may-kagalakang nagkakaisa sa “isang espiritu, na may isang kaluluwa at nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita”! (Fil. 1:27, 28) Asam-asamin nawa natin ang kanais-nais na pagsasamahan natin sa Memoryal sa Marso 28, anupat patuloy na nagpapasalamat kay Jehova at sa kaniyang Anak!—Luc. 22:19.