“Patuloy Ninyong Gawin Ito Bilang Pag-alaala sa Akin”
Aalalahanin ang Kamatayan ni Jesus sa Abril 2
1. Bakit mahalagang petsa ang Abril 2, 2007?
1 Sa Abril 2, 2007, milyun-milyong tao sa buong daigdig ang magtitipun-tipon upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus bilang hain. Namatay si Jesus dahil ipinagtanggol niya ang soberanya ng kaniyang makalangit na Ama, at pinatunayan niyang hindi totoo ang paratang ni Satanas na Diyablo na naglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos dahil sa makasariling mga motibo. (Job 2:1-5) Ipinaaalaala rin sa atin ng Hapunan ng Panginoon na sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus bilang taong sakdal at walang kasalanan, ‘ibinigay niya ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mat. 20:28) Kaya iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc. 22:19) Nauudyukan ka ba ng pagpapahalaga sa di-matutumbasang kaloob na ito ng Diyos na maghanda ngayon pa lamang para alalahanin ang pinakadakilang kapahayagang ito ng pag-ibig?—Juan 3:16.
2. Paano natin maihahanda ang ating puso sa Memoryal?
2 Ihanda ang Iyong Puso: Kung bubulay-bulayin natin ang nangyari sa bawat araw ng huling yugto ng buhay ni Jesus bilang tao, maihahanda natin ang ating puso para sa pagdiriwang na ito ng Memoryal. (Ezra 7:10) Upang tulungan tayong magawa ito, may iskedyul ng pantanging pagbasa sa Bibliya sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2007 at sa 2007 Calendar. Sa iskedyul na ito ng pagbasa, itinapat sa mga araw ng kalendaryong ginagamit natin ngayon ang mga pangyayaring naganap bago mamatay si Jesus. Ang mga araw at petsa na binabanggit sa mga ulat sa Bibliya ay ayon sa kalendaryo ng mga Judio, na ang araw ay nagsisimula sa paglubog ng araw at nagtatapos sa paglubog ng araw kinabukasan. Ang pagkakaibang ito ay isinaalang-alang at makikita sa iskedyul ng pagbasa sa Bibliya sa Memoryal. Kapag nirepaso natin ang mga pangyayaring iyon at binulay-bulay nang may pananalangin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos, makikinabang tayo nang lubos sa pagdiriwang ng Memoryal.
3. Paano natin matutulungang makinabang sa Memoryal ang mga interesado at ang mga di-aktibo?
3 Anyayahan ang Iba na Dumalo: Ipinatalastas sa insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian noong Pebrero ang espesyal na kampanya para anyayahan ang mga tao sa mahalagang okasyong ito. Naisaayos mo na bang makibahagi nang lubos sa kampanyang ito? May listahan ka na ba ng mga aanyayahan mo, at nasabihan mo na ba sila? Dumating nang maaga sa gabi ng Memoryal para salubungin ang mga inanyayahan mo at ang iba pang interesado. Umupong katabi nila, at tiyaking may Bibliya at aklat-awitan sila. Ipakilala sila sa iba sa kongregasyon. Pagkatapos ng pulong, maging handang sagutin ang kanilang mga tanong. Anyayahan silang dumalo sa pantanging pahayag pangmadla sa Abril 15. Titiyakin lalo na ng mga elder na mabigyan ng paanyaya sa Memoryal at pantanging pahayag ang mga nakaugnay sa kongregasyon subalit naging mga di-aktibo.
4. Paano natin matutulungan ang mga tao upang patuloy na sumulong sa espirituwal pagkatapos ng Memoryal?
4 Tulungang Sumulong ang mga Baguhang Interesado at ang mga Di-aktibo: Maikling ipaliliwanag ng tagapagsalita sa Memoryal ang alok na pag-aaral sa Bibliya at pasisiglahin niya ang mga baguhang interesado na patuloy na matuto tungkol kay Jehova. Maaari mong banggitin ang kaniyang mga komento para alukin ang mga inanyayahan mo na makilala pa nang higit si Jehova. Kung hindi pa sila nag-aaral ng Bibliya, dalawin sila agad pagkatapos ng Memoryal at ipakita kung paano idinaraos ang walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya. Upang sumulong sila sa espirituwal, kailangan din nilang dumalo sa mga pulong sa kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Kaya pasiglahin silang dumalo nang regular. Dadalawin ng mga elder ang mga Kristiyanong di-aktibo na dumalo sa Memoryal at tutulungan silang bulay-bulayin pa ang mga tinalakay sa pahayag. Baka mapasigla ang mga ito na muling maging aktibo sa kongregasyon.
5. Paano tayo makikinabang sa pagdalo sa Memoryal?
5 Ang Memoryal ay isang pagkakataon para seryosong bulay-bulayin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Ang gayong pagbubulay-bulay ay nagpapasidhi ng ating pag-ibig sa kanila at nakaiimpluwensiya sa ating paggawi. (2 Cor. 5:14, 15; 1 Juan 4:11) Ngayon na ang panahon para ihanda ang ating sarili at ang mga interesado sa mahalagang okasyong ito kung kailan ‘inihahayag natin ang kamatayan ng Panginoon.’—1 Cor. 11:26.