Tanong
◼ Angkop ba na magsaayos ng tinatawag na mga “sponsor” o mga “honorary guest” sa mga kasalang Kristiyano?
Ang ideya ng pagkakaroon ng mga “sponsor” ay galing sa relihiyosong kaugalian na pagkakaroon ng mga “ninong” o “ninang,” na nagsisilbing mga “sponsor” sa binyag ng isang sanggol. Sa Pilipinas, ang ideyang ito ay ikinapit din sa mga kasalan, at ayon sa makasanlibutang kaugalian, ang mga “sponsor” ay nagiging legal na mga saksi rin. Gayunman, ang bayan ni Jehova ay hindi ginagabayan ng makasanlibutang kaugalian, kaya mayroon lamang tayong dalawang legal na mga saksi sa ating mga kasalan. Niliwanag ito sa “Tanong” sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Disyembre 1992.
Sa maraming kasalang Kristiyano, ang kaugalian na pagkakaroon ng tinatawag na mga “sponsor” o mga “honorary guest” ay sinusunod pa rin. Sa bagay na ito, ang nabanggit na “Tanong” noong 1992 ay nagtatanong: “Tayo ba kaypala’y sumusunod sa makasanlibutang kostumbre? Tayo ba ay nasa panganib na gumawa ng pagpaparangya sa harapan ng iba?” Kung pinakikitunguhan natin ang ilang panauhin bilang “special” o “honorary,” o tinatawag ang ilan na “primary” o “secondary” na mga sponsor, hindi kaya tayo nagtataguyod ng “pagtatangi-tangi” sa gitna natin?—1 Juan 2:15, 16; Sant. 2:1-4.
Sa ilang kalagayan, ang tinatawag na mga “sponsor” ay inaasahang magbibigay ng materyal na tulong sa ikakasal. Bagaman ang pagbibigay ay isang personal na bagay, tiyak na hindi na ito dapat ipaalam sa publiko. Tandaan ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:3, 4: “Kapag nagbibigay ng mga kaloob ng awa, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanan, upang ang iyong mga kaloob ng awa ay maging lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.”
Tungkol sa dami ng abay sa kasal, ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Abril 15, 1997, pahina 26: “Ang mga abay sa kasal (mga kaibigan ng kasintahang lalaki at mga babaing kasama ng kasintahang babae) ay hindi naman kailangang maging marami. Sila rin naman ay hindi magnanais na makatawag ng labis na pansin sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang damit at pagkilos.” May kinalaman sa pagpili kung sino ang makakasama sa abay sa kasal, ganito ang sinabi ng The Watchtower ng Abril 15, 1984, pahina 15, parapo 18: “Sa halip na piliin ang mga taong prominente o yaong makapagbibigay ng mamahaling regalo, pinipili ng maraming kakasaling Kristiyano (at mga tagapagsalita sa kasal) na isama sa abay sa kasal yaong malalapít lamang sa kanila sa paglilingkod kay Jehova.”
Ganito ang binabanggit sa Abril 15, 1997 ng Bantayan, sa pahina 24: “Isang magandang pagkakataon ang Kristiyanong kasalan upang ipakita na tayo ay ‘hindi bahagi ng sanlibutan.’” Kung gayon, liwanagin nawa nating lahat, kapuwa sa nailimbag na imbitasyon at sa kasalan mismo, na tayo ay naiiba sa sanlibutan dahil sa panghahawakang mahigpit sa mga simulaing binabalangkas sa Salita ng Diyos.