Bahagi 6—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Kapag Nagtanong ang Estudyante
1 Minsang maitatag na ang pag-aaral sa Bibliya, karaniwan nang pinakamabuting talakayin nang sistematiko ang mga turo sa Bibliya sa halip na magpabagu-bago ng paksang pinag-uusapan. Makatutulong ito upang makapagtatag ang estudyante ng pundasyon sa tumpak na kaalaman at sumulong siya sa espirituwal. (Col. 1:9, 10) Gayunman, kadalasan nang nagtatanong ang mga estudyante hinggil sa iba’t ibang paksa sa panahon ng pag-aaral. Paano dapat harapin ang mga ito?
2 Gumamit ng Unawa: Ang mga tanong na nauugnay sa materyal na pinag-aaralan ay kadalasan nang maaaring sagutin agad. Kung ang tanong ay tatalakayin sa pinag-aaralang publikasyon sa kalaunan, baka sapat nang banggitin sa kaniya ang bagay na iyon. Gayunman, kung ang tanong ay walang kaugnayan sa materyal na pinag-aaralan o kailangan pa ang pagsasaliksik upang masagot ito nang wasto, baka makabubuting talakayin ito pagkatapos ng pag-aaral o sa ibang pagkakataon. Napansin ng ilang mamamahayag na makabubuting isulat ang tanong upang makita ng estudyante na talagang binibigyang-pansin ang kaniyang tanong at nakatutulong din ito upang huwag kayong lumayo sa paksang tinatalakay sa panahon ng pag-aaral.
3 Maraming turo sa Bibliya ang hindi detalyadong tinatalakay sa ating saligang mga publikasyon na pinag-aaralan. Paano kung nahihirapan ang estudyante na tanggapin ang isang espesipikong turo o mahigpit siyang nanghahawakan sa maling paniniwala? Baka makabubuting suriin ang karagdagang materyal na lubusang tumatalakay sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa paksang iyon. Kung hindi pa rin kumbinsido ang estudyante, talakayin na lamang sa ibang pagkakataon ang paksa at magpatuloy sa regular na pag-aaral. (Juan 16:12) Habang lumalawak ang kaalaman niya sa Bibliya at sumusulong siya sa espirituwal, baka maunawaan din niya ang turong iyon ng Bibliya.
4 Maging Mahinhin: Kung hindi mo tiyak ang sagot sa isang tanong, huwag tangkaing magbigay ng sariling opinyon. (2 Tim. 2:15; 1 Ped. 4:11) Ipaliwanag na magsasaliksik ka at sasagutin iyon sa pagbalik mo. Maaari mo pa ngang gamitin ang pagkakataong iyon upang turuan ang estudyante kung paano magsaliksik. Pasulong na ipakita sa kaniya kung paano gagamitin ang iba’t ibang pantulong sa pagsasaliksik na inilaan ng organisasyon ni Jehova. Sa ganitong paraan, masasagot na niya sa bandang huli ang sarili niyang mga tanong.—Gawa 17:11.