Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 9/05 p. 3-6
  • Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inirerekomendang mga Publikasyon
  • Kung Paano Maghahanda
  • Ibagay ang Aralin sa Pangangailangan ng Indibiduwal
  • Magturo Mula sa Salita ng Diyos
  • Pagsasalungguhit at Pagnonota
  • Pagsusuri at Pagrerepaso
  • Linangin ang Matibay na Pananampalataya
  • Huwag Lumayo sa Paksang Tinatalakay
  • Gumamit ng Unawa
  • Maging Mahinhin
  • Kung Paano Ipaliliwanag at Pasisimulan ang Pananalangin
  • Kung Ano ang Ipananalangin
  • Mga Pulong ng Kongregasyon
  • Gamitin ang mga Video Upang Linangin ang Kanilang Pagpapahalaga sa Organisasyon
  • Pasiglahin Silang Magpatotoo
  • Sanayin Sila na Ibahagi ang Kanilang Paniniwala
  • Magkasamang Maghanda
  • Magkasamang Mangaral
  • Paghahanda sa Pagdalaw-Muli
  • Masikap na Dalawing Muli ang mga Interesado
  • Pag-aalok ng Pag-aaral sa Bibliya
  • Pagsasanay sa mga Estudyante na Maging mga Guro
  • Tulungan ang mga Bible Study na Sumulong at Magpabautismo—Bahagi 1
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Tulungan ang Bible Study Mo na Mabautismuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Tulungan ang mga Bible Study na Sumulong at Magpabautismo—Bahagi 2
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Maghandang Mabuti Bago Magturo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2005
km 9/05 p. 3-6

Ingatan

Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya

Makikita sa insert na ito ang tinipong susing mga punto mula sa serye ng mga artikulo hinggil sa pagdaraos ng progresibong mga pag-aaral sa Bibliya na lumabas sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Pinasisigla ang lahat na ingatan ang insert na ito at tingnan ito kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Karagdagan pa, ang mga punto sa insert na ito ay maaaring itampok sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, at maaari itong gamitin ng mga tagapangasiwa sa paglilingkod bilang saligan ng kanilang mga pahayag kapag dumadalaw sa mga grupo ng pag-aaral sa aklat.

Bahagi 1: Ano ba ang Isang Pag-aaral sa Bibliya?

Kapag regular at sistematiko kang nakikipag-usap tungkol sa Bibliya, kahit maigsi lamang, na ginagamit ang Bibliya o kasama ng isa sa inirerekomendang publikasyon, ikaw ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Maaaring iulat ang pag-aaral kapag naidaos na ito nang dalawang beses pagkatapos maitanghal ang kaayusan sa pag-aaral at kung may dahilan para maniwalang magpapatuloy ang pag-aaral.—km 7/04 p. 1.

Inirerekomendang mga Publikasyon

◼ Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?

◼ Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan

◼ Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos

◼ Ang brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! ay maaaring gamitin sa pakikipag-aral sa mga taong may limitadong edukasyon at kakayahan sa pagbasa.

Bahagi 2: Paghahanda Upang Magdaos ng Pag-aaral

Kailangang iharap natin ang impormasyon sa paraang nakaaantig sa puso ng estudyante. Nangangailangan ito ng lubusang paghahanda na isinasaalang-alang ang estudyante.—km 8/04 p. 1.

Kung Paano Maghahanda

◼ Suriin ang pamagat, mga subtitulo, at mga visual aid ng kabanata o aralin.

◼ Hanapin ang mga sagot sa nakalimbag na mga tanong, anupat mga susing salita at parirala lamang ang sinasalungguhitan.

◼ Piliin kung aling binanggit na teksto ang babasahin sa panahon ng pag-aaral. Gumawa ng maiikling nota sa gilid ng pahina ng publikasyong pinag-aaralan.

◼ Maghanda ng maikling repaso ng pangunahing mga punto.

Ibagay ang Aralin sa Pangangailangan ng Indibiduwal

◼ Idalangin ang estudyante at ang kaniyang mga pangangailangan.

◼ Pag-isipan nang patiuna ang mga puntong maaaring mahirap maunawaan o tanggapin ng estudyante.

◼ Isaalang-alang: Ano ang kailangan niyang maunawaan o pagsumikapang gawin upang sumulong sa espirituwal? Paano ko maaabot ang kaniyang puso?

◼ Kung kinakailangan, maghanda ng ilustrasyon, paliwanag, o magkakaugnay na mga tanong upang tulungan ang estudyante na maunawaan ang isang punto o kasulatan.

Bahagi 3: Mabisang Paggamit ng mga Kasulatan

Ang layunin natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay ang “gumawa ng mga alagad” sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na maunawaan at tanggapin ang mga turo sa Salita ng Diyos at ikapit ang mga ito sa kanilang buhay. (Mat. 28:19, 20; 1 Tes. 2:13) Kaya ang pag-aaral ay dapat isentro sa Kasulatan.—km 11/04 p. 8.

Magturo Mula sa Salita ng Diyos

◼ Ipakita sa estudyante kung paano hahanapin ang espesipikong mga teksto sa kaniyang sariling kopya ng Bibliya.

◼ Basahin at talakayin ang mga teksto sa Bibliya na nagpapakita ng maka-Kasulatang batayan ng ating mga paniniwala.

◼ Gumamit ng mga tanong. Sa halip na ipaliwanag sa estudyante ang mga teksto sa Bibliya, hayaang siya ang magpaliwanag ng mga ito sa iyo.

◼ Panatilihing simple ang pagpapaliwanag. Huwag sikaping ipaliwanag ang lahat ng aspekto ng bawat kasulatan. Ipaliwanag lamang ang mga bagay na kinakailangan upang maging malinaw ang punto.

◼ Gumawa ng praktikal na pagkakapit. Tulungan ang estudyante na makita kung paano personal na kumakapit sa kaniya ang mga teksto sa Bibliya.

Bahagi 4: Pagsasanay sa mga Estudyante na Maghanda

Ang isang estudyante ay karaniwan nang mabilis na susulong sa espirituwal kung patiuna siyang nagbabasa ng aralin, nagsasalungguhit ng mga sagot, at nag-iisip kung paano ito ipahahayag sa kaniyang sariling pananalita. Kaya, matapos maitatag ang regular na pag-aaral, magkasama ninyong ihanda ang isang aralin upang ipakita sa estudyante kung paano ito gagawin. Para sa karamihan ng mga estudyante, makabubuting magkasamang ihanda ang isang buong kabanata o aralin.—km 12/04 p. 1.

Pagsasalungguhit at Pagnonota

◼ Ipaliwanag kung paano makikita ang tuwirang mga sagot sa nakalimbag na mga tanong.

◼ Ipakita sa estudyante ang iyong kopya ng pinag-aaralang publikasyon na ang may salungguhit ay mga susing salita o parirala lamang.

◼ Ipaunawa mo sa kaniya na ang bawat binanggit na teksto ay may sinusuhayang punto sa parapo, at ipakita sa kaniya kung paano gumawa ng maiikling nota sa gilid ng kaniyang pinag-aaralang publikasyon.

Pagsusuri at Pagrerepaso

◼ Ipakita sa estudyante kung paano susuriin ang pamagat ng kabanata o aralin, mga subtitulo, at mga ilustrasyon bago niya simulan ang kaniyang masusing paghahanda.

◼ Pasiglahin ang estudyante na repasuhin ang pangunahing mga punto sa pagtatapos ng bawat sesyon ng paghahanda.

Bahagi 5: Alamin Kung Gaano Karaming Materyal ang Sasaklawin

Ang dami ng matatalakay na materyal ay nakasalalay sa kakayahan at mga kalagayan kapuwa ng guro at ng estudyante.—km 1/05 p. 1.

Linangin ang Matibay na Pananampalataya

◼ Mas mahalaga na tulungan natin ang estudyante na maunawaang mabuti ang materyal kaysa sa talakayin ang napakaraming materyal sa loob ng maikling panahon.

◼ Gumugol ng kinakailangang panahon upang tulungan ang estudyante na maunawaan at tanggapin ang natututuhan niya.

◼ Maglaan ng sapat na panahon upang maisaalang-alang ang mga susing teksto na nagsisilbing saligan ng ating itinuturo.

Huwag Lumayo sa Paksang Tinatalakay

◼ Kung ang estudyante ay mahilig maglahad ng mahahabang kuwento tungkol sa personal na mga bagay, baka kailangan mong isaayos na pag-usapan na lamang ang mga ito pagkatapos ng pag-aaral.

◼ Huwag magkomento ng napakaraming bagay sa panahon ng pag-aaral. Limitahan ang pagtalakay ng karagdagang mga punto at karanasan upang hindi mahadlangan ang estudyante sa pagkuha ng tumpak na kaalaman sa saligang mga turo ng Bibliya.

Bahagi 6: Kapag Nagtanong ang Estudyante

Minsang maitatag na ang pag-aaral sa Bibliya, karaniwan nang pinakamabuting talakayin nang sistematiko ang mga turo sa Bibliya sa halip na magpabagu-bago ng paksang pinag-uusapan. Makatutulong ito upang makapagtatag ang estudyante ng pundasyon sa tumpak na kaalaman at sumulong siya sa espirituwal.—km 2/05 p. 6.

Gumamit ng Unawa

◼ Ang mga tanong na nauugnay sa materyal na pinag-aaralan ay kadalasan nang maaaring sagutin agad.

◼ Ang mga tanong na walang kaugnayan sa materyal na pinag-aaralan o nangangailangan pa ng pagsasaliksik ay maaaring talakayin sa ibang pagkakataon. Maaaring makatulong kung isusulat ang gayong mga tanong.

◼ Kung nahihirapan ang estudyante na tanggapin ang isang espesipikong turo, suriin ang karagdagang materyal na lubusang tumatalakay sa paksang iyon.

◼ Kung hindi pa rin kumbinsido ang estudyante, talakayin na lamang sa ibang pagkakataon ang paksa at magpatuloy sa pag-aaral.

Maging Mahinhin

◼ Kung hindi mo alam ang sagot sa isang tanong, huwag magbigay ng sariling opinyon.

◼ Pasulong na ituro sa estudyante kung paano magsasaliksik.

Bahagi 7: Pananalangin sa Pag-aaral

Upang sumulong sa espirituwal ang mga estudyante sa Bibliya, kailangan ang pagpapala ni Jehova. Kaya nga angkop na simulan at tapusin ang pag-aaral sa pamamagitan ng panalangin.—km 4/05 p. 8.

Kung Paano Ipaliliwanag at Pasisimulan ang Pananalangin

◼ Sa mga taong relihiyoso, kadalasan nang makapananalangin sa kauna-unahang pag-aaral.

◼ Sa iba naman, kailangan nating gumamit ng unawa kung kailan angkop na ipaliliwanag at pasisimulan ang pananalangin sa pag-aaral.

◼ Maaaring gamitin ang Awit 25:4, 5 at 1 Juan 5:14 upang ipaliwanag kung bakit dapat manalangin.

◼ Maaaring gamitin ang Juan 15:16 upang ipaliwanag na dapat tayong manalangin kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.

Kung Ano ang Ipananalangin

◼ Angkop na papurihan si Jehova bilang ang Pinagmumulan ng tagubilin.

◼ Ipahayag ang taimtim na interes sa estudyante.

◼ Ipahayag ang pagpapahalaga sa organisasyong ginagamit ni Jehova.

◼ Hilingin ang pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap ng estudyante na ikapit ang kaniyang natututuhan.

Bahagi 8: Pag-akay sa mga Estudyante sa Organisasyon

Ang tunguhin natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay hindi lamang magturo ng doktrina kundi tumulong din naman sa mga estudyante na maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Gumugol ng ilang minuto bawat linggo sa panahon ng pag-aaral upang ibahagi ang isang punto hinggil sa organisasyon ni Jehova.—km 5/05 p. 1.

Mga Pulong ng Kongregasyon

◼ Ilarawan ang bawat pulong ng kongregasyon. Sa unang pag-aaral pa lamang, anyayahan na silang dumalo.

◼ Ibahagi ang mahahalagang puntong iniharap sa mga pulong.

◼ Pasidhiin ang pananabik para sa Memoryal, mga asamblea, at sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito.

◼ Gamitin ang mga larawan sa ating mga publikasyon upang tulungan silang gunigunihin ang nagaganap sa mga pulong.

◼ Pasiglahin sila na basahin ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila?

Gamitin ang mga Video Upang Linangin ang Kanilang Pagpapahalaga sa Organisasyon

◼ Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name

◼ Our Whole Association of Brothers

◼ United by Divine Teaching

◼ To the Ends of the Earth

Bahagi 9: Inihahanda ang Estudyante na Magpatotoo Nang Di-pormal

Habang nagsisimulang manampalataya sa kanilang natututuhan ang mga estudyante sa Bibliya, nauudyukan silang sabihin sa iba ang hinggil dito.—km 6/05 p. 1.

Pasiglahin Silang Magpatotoo

◼ Mayroon ba silang mga kaibigan o kapamilya na maaari nilang anyayahang sumali sa pag-aaral?

◼ May mga katrabaho ba, kamag-aral, o iba pa silang kakilala na nagpahayag ng interes?

Sanayin Sila na Ibahagi ang Kanilang Paniniwala

◼ Kapag tinatalakay ang espesipikong mga punto sa pag-aaral, tanungin ang estudyante, “Paano mo gagamitin ang Bibliya upang ipaliwanag ang katotohanang ito sa iyong pamilya?”

◼ Tulungan ang estudyante na maunawaan ang pangangailangang maging magalang at mabait kapag nakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin.

◼ Maaaring gamitin ng mga estudyante ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? upang tulungan ang kaniyang mga kaibigan at kapamilya na maunawaan ang ating mga paniniwala at gawaing salig sa Bibliya.

Bahagi 10: Pagsasanay sa mga Estudyante Para sa Ministeryo sa Bahay-bahay

Kapag natiyak ng matatanda na kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag ang isang estudyante sa Bibliya, maaari na siyang magsimulang makibahagi sa pangmadlang pangangaral kasama ng kongregasyon.—km 7/05 p. 1.

Magkasamang Maghanda

◼ Ipakita sa bagong mamamahayag kung saan siya makasusumpong ng mungkahing mga presentasyon.

◼ Tulungan siyang pumili ng isang simpleng presentasyon na praktikal sa inyong teritoryo.

◼ Pasiglahin siyang itampok ang Bibliya sa kaniyang ministeryo.

◼ Magkasamang mag-ensayo. Ipakita sa kaniya kung paano haharapin sa mataktikang paraan ang karaniwang mga pagtugon sa inyong teritoryo.

Magkasamang Mangaral

◼ Hayaan ang estudyante na magmasid habang inihaharap mo ang presentasyon na inihanda ninyong dalawa.

◼ Isaalang-alang ang personalidad at mga kakayahan ng estudyante. Sa ilang kalagayan, baka mas mabuti kung ang ihaharap lamang ng bagong mamamahayag ay isang bahagi ng presentasyon.

◼ Tulungan ang bagong mamamahayag na magtatag ng regular na iskedyul sa pakikibahagi sa ministeryo.

Bahagi 11: Pagtulong sa mga Estudyante na Dumalaw-Muli

Ang paghahanda para sa pagdalaw-muli ay nagsisimula sa unang pagdalaw. Himukin ang estudyante na magkaroon ng taimtim na interes sa kaniyang mga kausap. Unti-unti siyang sanayin na pasiglahin ang mga may-bahay na ipahayag ang niloloob nila, makinig sa kanilang mga komento, at bigyang-pansin ang mga bagay na ikinababahala nila.—km 8/05 p. 1.

Paghahanda sa Pagdalaw-Muli

◼ Repasuhin ang impormasyon hinggil sa unang pagdalaw, at tulungan ang estudyante na pumili ng paksang makaaakit sa may-bahay.

◼ Magkasamang maghanda ng isang maikling presentasyon na nagtatampok ng isang teksto sa Bibliya pati ng isang parapo sa publikasyong pag-aaralan.

◼ Maghanda ng tanong na maaaring ibangon sa pagtatapos ng pag-uusap.

Masikap na Dalawing Muli ang mga Interesado

◼ Pasiglahin ang estudyante na balikan kaagad ang lahat ng nagpakita ng interes.

◼ Tulungan ang estudyante na makita ang pangangailangang magtiyaga sa pagsisikap na maabot ang mga taong mahirap masumpungan.

◼ Turuan ang estudyante kung paano makikipag-appointment, at tulungan siyang maunawaan ang pangangailangang bumalik gaya ng ipinangako.

Bahagi 12: Pagtulong sa mga Estudyante na Magpasimula at Magdaos ng mga Pag-aaral sa Bibliya

Napakahalagang tularan mo si Jesus sa pamamagitan ng pagpapakita ng wastong halimbawa sa iyong ministeryo. Habang inoobserbahan ng iyong estudyante ang halimbawa mo sa ministeryo, mauunawaan niya na ang tunguhin ng pagdalaw-muli ay makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.—km 9/05 p. 1.

Pag-aalok ng Pag-aaral sa Bibliya

◼ Ipaliwanag sa estudyante na karaniwan nang hindi na kailangang ilarawan nang detalyado ang kaayusan sa pag-aaral.

◼ Kadalasan, ang pinakamabuti ay itanghal ang pag-aaral sa pamamagitan ng isa o marahil ay dalawang parapo mula sa publikasyong pag-aaralan.

◼ Repasuhin at ensayuhin ang isa sa mga mungkahi sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.—km 8/05 p. 4; km 5/02 p. 6.

Pagsasanay sa mga Estudyante na Maging mga Guro

◼ Pasiglahin ang mga estudyante na magpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

◼ Isaayos na samahan ka ng bagong mga mamamahayag sa ibang mga pinagdarausan mo ng pag-aaral sa Bibliya kung saan maaari silang magkaroon ng maliit na bahagi sa pagtuturo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share