Itago
Mga Mungkahing Presentasyon sa Paglilingkod sa Larangan
Kung Paano Gagamitin ang Insert na Ito
Karamihan sa sumusunod na mga presentasyon ay lumabas na sa nakalipas na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Subukin ang mas marami hangga’t gusto mo sa iyong gawaing pagpapatotoo, at tingnan kung anong mga resulta ang matatamo mo. Itago ang insert na ito, at sumangguni rito kapag naghahanda para sa ministeryo.
Mapupukaw mo ang interes ng isang tao sa Salita ng Diyos kung deretso ka agad sa punto. Magbangon ng isang espesipikong tanong, pagkatapos ay basahin ang maikling sagot sa Kasulatan. Maaari mong subukin ang mga mungkahing ito:
“Kapag pinag-iisipan mo ang kinabukasan, nakadarama ka ba ng pag-asa o pag-aalinlangan? [Hayaang sumagot.] Inihula ng Bibliya ang magulong mga pangyayari na nakikita natin sa ngayon at ang kahihinatnan ng mga ito.”—2 Tim. 3:1, 2, 5; Kaw. 2:21, 22.
“May malaking pagkabahala sa ngayon tungkol sa pangangalaga sa kalusugan. Alam mo ba na ipinangangako ng Diyos na permanente niyang lulunasan ang lahat ng mga problema sa kalusugan?”—Isa. 33:24; Apoc. 21:3, 4.
“Alam mo ba na inihuhula ng Bibliya na sa bandang huli ay magkakaroon na lamang ng iisang gobyerno na mamamahala sa buong daigdig?”—Dan. 2:44; Mat. 6:9, 10.
“Ano sa palagay mo ang magiging kalagayan kung si Jesu-Kristo ang mamamahala sa lupa?”—Awit 72:7, 8.
“Maraming tao ang dumaranas ng diskriminasyon dahil sa kanilang kasarian, relihiyon, o lahi. Ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyos hinggil sa gayong pagtatangi?”—Gawa 10:34, 35.
“Alam natin na gumawa si Jesu-Kristo ng maraming himala noong kaniyang kaarawan. Kung makahihiling ka sa kaniya na gumawa ng isa pang himala, ano ang hihilingin mo?”—Awit 72:12-14, 16.
“Karamihan sa mga tao ay sawa nang makinig sa mga problema. Ang gusto nilang marinig ay mga solusyon. Ngunit saan tayo makasusumpong ng tunay na mga solusyon sa ating mga problema?”—2 Tim. 3:16, 17.
“Alam mo ba kung anong Kaharian ang ipinagdarasal mo sa Panalangin ng Panginoon (o, Ama Namin)?”—Apoc. 11:15.
Mga Panimula sa Pag-uusap
Ipinakikita ng listahan ng mga tanong sa ibaba, na tinipon mula sa mga paksa sa aklat na Nangangatuwiran, ang numero ng pahina sa aklat kung saan masusumpungan ang bawat tanong:
Bakit tayo tumatanda at namamatay? (rs p. 105; 98 E)
Ano ang kalagayan ng mga patay? (rs p. 107; 100 E)
May matitibay na dahilan ba upang maniwala sa Diyos? (rs p. 126; 145 E)
Talaga bang nababahala ang Diyos sa mga nangyayari sa tao? (rs p. 128; 147 E)
Ang Diyos ba’y isang tunay na persona? (rs p. 128; 147 E)
Lahat ba ng mabubuting tao ay pupunta sa langit? (rs p. 220; 162 E)
Kailangan pa bang pumunta ang tao sa langit upang tamasahin ang isang tunay na maligayang kinabukasan? (rs p. 221; 163 E)
Bakit mahalagang malaman at gamitin ang personal na pangalan ng Diyos? (rs p. 195; 196 E)
Talaga bang si Jesu-Kristo ang Diyos? (rs p. 200; 212 E)
Ano ang isasagawa ng Kaharian ng Diyos? (rs p. 88; 227 E)
Ano ang layunin ng buhay ng tao? (rs p. 70; 243 E)
Ano ang tutulong upang mapabuti ang pag-aasawa? (rs p. 267; 253 E)
Lahat ba ng relihiyon ay sinasang-ayunan ng Diyos? (rs p. 360; 322 E)
Paano malalaman ng isang tao kung aling relihiyon ang tama? (rs p. 365; 328 E)
Gaano kalaki ang impluwensiya ni Satanas sa sanlibutan ngayon? (rs p. 398; 364 E)
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? (rs p. 284; 393 E)
Bakit totoong laganap ang kabalakyutan? (rs p. 83; 427 E)
Sino ang namamahala sa sanlibutang ito—ang Diyos o si Satanas? (rs p. 388; 436 E)
Mga Mungkahi sa Paghaharap ng Brosyur na Hinihiling
“Walang-alinlangang sasang-ayon ka na maraming tao ang naniniwala sa Diyos. Lahat ng naniniwala sa kaniya ay sumasang-ayon na may hinihiling ang Diyos sa atin. Ang hindi mapagkasunduan ng mga tao ay, Ano ba ang hinihiling ng Diyos sa atin?” Pagkatapos ay iharap ang brosyur na Hinihiling, bumaling sa aralin 1, at talakayin ito.
“Dahil sa napakaraming problema sa buhay pampamilya sa ngayon, napag-isipan mo na ba kung ano ang lihim sa pagtatamo ng kaligayahan sa pamilya?” Pagkatapos marinig ang sagot, ipaliwanag na sa Bibliya, isinisiwalat ng Diyos ang tunay na lihim ng kaligayahan sa pamilya. Basahin ang Isaias 48:17. Pagkatapos ay bumaling sa aralin 8 sa brosyur na Hinihiling, at tukuyin ang ilan sa mga binanggit na mga talata sa Bibliya na nagbibigay ng maaasahang patnubay para sa bawat miyembro ng pamilya. Basahin ang talaan ng mga tanong sa pasimula ng aralin. Tanungin kung gusto ng tao na basahin ang mga sagot.
“Ang brosyur na ito ay naglalaman ng komprehensibong kurso sa pag-aaral na sumasaklaw sa saligang mga turo ng Bibliya. Sa bawat pahina, masusumpungan mo ang mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa mga tao sa loob ng maraming siglo. Halimbawa, Ano ba ang layunin ng Diyos para sa lupa?” Bumaling sa aralin 5, at basahin ang mga tanong sa pasimula ng aralin. Tanungin ang may-bahay kung anong tanong ang lubha siyang interesado, at pagkatapos ay basahin ang kaukulang (mga) parapo, at tingnan ang angkop na mga kasulatan. Ipaliwanag na ang kasiya-siyang mga sagot sa iba pang mga tanong ay masusumpungan nang gayon lamang kadali na gaya ng natalakay. Imungkahi na muli kang babalik upang talakayin ang iba pang tanong.
“Ano sa palagay mo ang dahilan ng mararahas na krimen sa gitna ng mga kabataan sa ngayon? Ito kaya ay bunga ng kakulangan sa pagsasanay ng mga magulang? O may iba pang dahilan, gaya ng impluwensiya ng Diyablo?” Hayaang sumagot. Kapag sinabi ng tao na ito ay dahil sa impluwensiya ng Diyablo, basahin ang Apocalipsis 12:9, 12. Banggitin ang papel ng Diyablo sa pagtataguyod ng kaguluhan sa daigdig. Pagkatapos ay buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 4, at tanungin kung naisip na ba niya kung saan nagmula ang Diyablo. Pagkatapos ay basahin at talakayin ang unang dalawang parapo. Kung piliin ng tao ang “kakulangan sa pagsasanay ng mga magulang” bilang dahilan sa karahasan sa gitna ng mga kabataan, basahin ang 2 Timoteo 3:1-3 at banggitin ang mga ugali na maliwanag na nagpapalubha sa problemang ito. Pagkatapos ay buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 8, basahin ang parapo 5, at ipagpatuloy ang pagtalakay.
“Sa palagay mo ba’y makatuwirang asahan na bibigyan tayo ng Maylalang ng kaalamang kailangan natin upang makapagtayo ng isang matagumpay na buhay pampamilya?” Pagkatapos marinig ang sagot, ipakita ang brosyur na Hinihiling. Bumaling sa aralin 8, at ipaliwanag na ito ay naglalaman ng mga simulain mula sa Bibliya para sa bawat miyembro ng pamilya. Alukin na itanghal kung paano ginagamit ang brosyur kasama ng Bibliya upang lubusang makinabang dito.
“Sa lahat ng mga hamon na napapaharap sa atin sa buhay sa makabagong panahon, sa palagay mo kaya’y makatutulong talaga sa atin ang panalangin? [Hayaang sumagot.] Marami ang nagsasabi na ang panalangin ay nagbibigay sa kanila ng panloob na lakas. [Basahin ang Filipos 4:6, 7.] Magkagayunman, maaaring akalain ng isang tao na ang kaniyang mga panalangin ay hindi sinasagot. [Buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 7.] Ipinaliliwanag ng brosyur na ito kung paano tayo lubusang makikinabang sa panalangin.”
“Nakikipag-usap kami sa aming mga kapitbahay hinggil sa kung bakit napakaraming iba’t ibang relihiyon sa daigdig. Pero iisa lamang ang Bibliya. Sa iyong opinyon, bakit umiiral ang kalituhang ito sa mga relihiyon? [Hayaang sumagot. Buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 13, at basahin ang pambungad na mga tanong.] Makatatanggap ka ng kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong na iyan sa pamamagitan ng pagbabasa sa araling ito.”
Pagkatapos maipasakamay ang mga magasing Bantayan at Gumising! sa isang tao, tanungin kung puwede mong basahin sa kaniya ang isang maikling parapo. Kung pumayag siya, buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 5. Banggitin ang mga tanong na nakatala sa pasimula ng aralin, at hilingan siya na makinig para sa sagot sa unang tanong habang binabasa mo ang pambungad na parapo. Matapos basahin ang parapo, ibangon ang tanong at pakinggan ang sagot niya. Ialok ang brosyur, at kung ito ay tinanggap, isaayos na bumalik upang marinig ang mga sagot niya sa susunod na dalawang tanong sa talaan.
Mga Mungkahi sa Paghaharap ng Aklat na Kaalaman
Hawak ang Bibliya, magpasimula sa pagsasabi: “Ibinabahagi namin ang isang kasulatan sa lahat ng tao sa inyong kalye sa araw na ito. Ganito ang sinasabi . . .” Basahin ang Juan 17:3, at pagkatapos ay magtanong: “Napansin mo ba kung ano ang ipinangako kung taglay natin ang tamang uri ng kaalaman? [Hayaang sumagot.] Saan kaya masusumpungan ng isang tao ang gayong kaalaman?” Pagkatapos marinig ang sagot, ipakita ang aklat na Kaalaman, at sabihin: “Ang aklat na ito ay tumutukoy sa kaalaman na umaakay sa buhay na walang hanggan. Ginagawa ito ng aklat sa pamamagitan ng pagsagot sa karaniwang mga tanong ng mga tao tungkol sa Bibliya.” Ipakita ang talaan ng mga nilalaman, at tanungin ang tao kung napag-isipan na ba niya ang tungkol sa alinman sa mga paksang iyon.
“Napag-isipan mo na ba kung talaga ngang nababahala ang Diyos hinggil sa kawalang-katarungan at pagdurusa na nakikita natin sa ating palibot o nararanasan pa nga natin? [Hayaang sumagot.] Tinitiyak sa atin ng Bibliya na minamahal tayo ng Diyos at na tutulungan niya tayo sa mga panahon ng kabagabagan.” Basahin ang mga bahagi ng Awit 72:12-17. Buklatin ang aklat na Kaalaman sa kabanata 8, at tukuyin na ito ay nagbibigay ng nakaaaliw na sagot sa itinatanong ng milyun-milyong tao, Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Kung posible, talakayin ang ilan sa maka-Kasulatang kaisipan na sinasaklaw sa parapo 3 hanggang 5, o gawin ito sa pagdalaw-muli.
“Karamihan sa atin ay nawalan na ng mga minamahal sa kamatayan. Napag-isipan mo na ba kung makikita pa natin silang muli? [Hayaang sumagot.] Pinatunayan ni Jesus na ang ating mga minamahal ay maaaring sagipin sa kamatayan. [Basahin ang Juan 11:11, 25, 44.] Bagaman ito ay naganap maraming siglo na ang nakalipas, ipinakikita nito kung ano ang ipinangako ng Diyos na gagawin niya para sa atin.” Buklatin ang aklat na Kaalaman sa larawan sa pahina 85, at basahin ang kapsiyon. Pagkatapos ay ipakita ang larawan sa pahina 86, at komentuhan ito. Itatag ang pundasyon para sa susunod na pagdalaw sa pamamagitan ng pagtatanong: “Gusto mo bang malaman ang dahilan kung bakit ang mga tao ay tumatanda at namamatay?” Bumalik upang talakayin ang kabanata 6.
“Napag-isipan mo na ba kung bakit minimithi ng mga tao ang mas mahabang buhay?” Pagkatapos marinig ang sagot, buklatin ang aklat na Kaalaman sa kabanata 6, at basahin ang parapo 3. Mangatuwiran salig sa binanggit na mga kasulatan. Sa pagtukoy sa dalawang tanong sa dulo ng parapo, tanungin ang tao kung gusto niyang makita mismo ang sagot. Kung positibo ang tugon, talakayin ang susunod na ilang parapo.
“Tinatanong namin ang mga tao kung naniniwala sila sa . . .” Basahin ang Genesis 1:1, at pagkatapos ay magtanong: “Sumasang-ayon ka ba sa pananalitang iyan?” Kung sang-ayon ang tao, ganito ang sabihin: “Sang-ayon din ako. Gayunman, sa palagay mo, kung ang Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay, siya rin kaya ang may kagagawan sa kabalakyutan?” Matapos pasalamatan ang sagot ng tao, basahin ang Eclesiastes 7:29. Buklatin ang aklat na Kaalaman sa kabanata 8, at basahin ang parapo 2. Kung hindi siya sang-ayon sa Genesis 1:1, himukin siya na suriin ang ebidensiya na umiiral ang Maylalang.—Tingnan ang aklat na Nangangatuwiran, pahina 291-2 (84-6 sa Ingles).
“Sasang-ayon ka ba na dahil sa napakabilis magbago ang mga pamantayang moral sa ngayon, kailangan natin ang isang maasahang gabay sa buhay? [Hayaang sumagot.] Bagaman ito ang pinakamatanda sa mga aklat, ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo para sa makabagong pamumuhay at maligayang buhay pampamilya.” Pagkatapos ay bumaling sa kabanata 2 sa aklat na Kaalaman, at basahin ang parapo 10 at ang unang pangungusap sa parapo 11, lakip na ang 2 Timoteo 3:16, 17.
“Gusto mo bang malaman kung ano ang inilalaan ng kinabukasan para sa atin at para sa lupa? [Hayaang sumagot.] Binubuod ng Bibliya ang kinabukasan sa isang salita—Paraiso! Doon inilagay ng Diyos ang unang taong mag-asawa nang lalangin niya sila. Pansinin ang paglalarawang ito kung ano marahil ang kalagayan noon.” Buklatin ang aklat na Kaalaman sa pahina 8, at basahin ang parapo 9, sa ilalim ng subtitulong “Buhay sa Paraiso.” Pagkatapos ay talakayin ang mga punto sa parapo 10, at basahin ang binanggit na kasulatan, Isaias 55:10, 11. Alukin na ipagpatuloy ang pagtalakay hinggil sa magiging buhay sa isinauling Paraiso, na sinasaklaw ang parapo 11-16.
Kapag dumadalaw-muli sa mga napasakamayan mo ng mga magasing Bantayan at Gumising!, maaari mong sabihin ito:
“Noong huli akong dumalaw, nalugod akong iwanan sa iyo ang isang kopya ng magasing Bantayan. Marahil ay napansin mo na ang buong pamagat ng babasahin ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Sa araw na ito ay gusto kong ipaliwanag kung ano ang Kahariang ito at kung ano ang maaaring maging kahulugan nito para sa iyo at sa iyong pamilya.” Pagkatapos ay buklatin ang brosyur na Hinihiling sa aralin 6, at basahin at talakayin ito hanggang sa ipinahihintulot ng panahon ng taong iyon.
“Dumalaw ako sa iyo kamakailan at nag-iwan ng mga kopya ng magasing Bantayan at Gumising! Nililinang ng mga babasahing ito ang paggalang sa Bibliya at sa moral na patnubay nito. Dahil nadarama kong mahalagang maunawaan ng lahat ang Salita ng Diyos, bumalik ako upang ipakita ang isang bagay na makatutulong sa iyo na gawin iyan.” Ipakita ang brosyur na Hinihiling o ang aklat na Kaalaman, at ialok ang pag-aaral sa Bibliya.
Kapag itinatampok ang anuman sa matatagal nang mga aklat na 192 pahina, maaari mong subukin ang presentasyong ito:
“Lubhang idiniriin ang pangangailangan ukol sa mataas na kalidad ng edukasyon. Sa iyong opinyon, anong uri ng edukasyon ang dapat itaguyod ng isang tao upang matiyak ang pinakamalaking kaligayahan at tagumpay sa buhay? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Kawikaan 9:10, 11.] Ang aklat na ito [sabihin ang pamagat ng aklat na iniaalok mo] ay batay sa Bibliya. Tinutukoy nito ang tanging pinagmumulan ng kaalaman na umaakay sa buhay na walang hanggan.” Ipakita ang isang espesipikong halimbawa sa aklat, at pasiglahin ang tao na basahin iyon.
Iba Pang mga Publikasyon
Ang mga mungkahing presentasyon para sa karagdagang mga aklat at brosyur ay masusumpungan sa Watch Tower Publications Index sa ilalim ng:
Presentations
List by Publication
Ang Tuwirang Paglapit
Upang makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, subuking gamitin ang isa sa mga tuwirang paglapit na ito:
“Alam mo ba na sa loob lamang ng ilang minuto, maaari mong masumpungan ang sagot sa isang mahalagang tanong sa Bibliya? Halimbawa, . . .” Pagkatapos, magbangon ng tanong na makikita sa pasimula ng isa sa mga aralin sa brosyur na Hinihiling at na sa palagay mo ay magiging interesado ang indibiduwal.
“Dumalaw ako upang ipakita sa iyo ang aming walang-bayad na programa ng pag-aaral sa Bibliya. Mga limang minuto lamang ang kailangan upang ipakita sa iyo kung paano. Mayroon ka bang limang minuto?” Kung oo ang tugon, gamitin ang aralin 1 sa brosyur na Hinihiling upang itanghal ang pag-aaral, na binabasa lamang ang isa o dalawang piniling kasulatan. Pagkatapos ay magtanong: “Kailan ka magkakaroon ng mga 15 minuto upang masaklaw natin ang susunod na aralin?”
“Maraming tao ang may Bibliya, ngunit hindi nila natatanto na ito ay naglalaman ng mga sagot sa mahahalagang tanong nating lahat tungkol sa ating kinabukasan. Sa pamamagitan ng pantulong na ito sa pag-aaral [ang brosyur na Hinihiling o ang aklat na Kaalaman] sa loob ng isang oras o higit pa sa bawat linggo, makapagtatamo ka ng saligang kaunawaan sa Bibliya sa loob lamang ng ilang buwan. Nagagalak akong ipakita sa iyo kung paano isinasagawa ang programang ito.”
“Dumadalaw ako upang alukan ka ng walang-bayad na pantahanang kurso sa Bibliya. Kung puwede, nais kong gumamit ng ilang minuto lamang upang ipakita kung paano pinag-uusapan ng mga tao ang Bibliya sa mga 200 lupain sa kanilang tahanan bilang isang pamilya. Maaari nating gamitin ang anuman sa mga paksang ito bilang saligan sa pagtalakay. [Ipakita ang talaan ng mga nilalaman sa aklat na Kaalaman.] Alin sa mga ito ang pantangi nang interesado ka?” Hintayin ang tao na pumili. Bumaling sa kabanata na napili niya, at pasimulan ang pag-aaral sa unang parapo.
“Nagtuturo ako ng mga aralin sa Bibliya nang walang bayad at may bakante pa sa aking iskedyul para sa karagdagang mga estudyante. Ang pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya ang ginagamit namin. [Ipakita ang aklat na Kaalaman.] Ang kurso ay tumatagal lamang ng ilang buwan at nagbibigay ng mga sagot sa mga tanong na gaya ng: Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Bakit tayo tumatanda at namamatay? Ano ang nangyayari sa ating mga namatay na minamahal? At paano tayo mápapalapít sa Diyos? Maaari ko bang itanghal ang isang aralin?”
Kung nakasumpong ka ng isang mabisang presentasyon na nagkaroon ng mabuting resulta sa paglinang ng interes, ipagpatuloy mo ang paggamit nito! Ibagay lamang ito sa alok na literatura para sa kasalukuyang buwan.