Manalig kay Jehova Upang Palaguin ang mga Bagay
1 “Naranasan ko sa unang pagkakataon ang pambihirang kagalakan na tumulong sa pagtatatag ng isang bagong kongregasyon. Ito’y nangailangan ng mahigit sa dalawang taon ng masikap na paggawa, palagiang pananalangin at pananalig kay Jehova na ‘nagpapalago ng mga bagay.’ ” Ganito ang isinulat ng isang taimtim na payunir na natuto sa pangangailangang manalig kay Jehova ukol sa paglago. (1 Cor. 3:5-9) Sa paghahanap natin sa mga taong nakahilig sa espirituwal, kailangan din natin ang tulong ng Diyos upang magbunga ang ating ministeryo.—Kaw. 3:5, 6.
2 Ang Paglago ay Nangangailangan ng Paglinang: Ang binhi ng katotohanan ay kailangang linangin upang ito ay lumago. Ang pagdalaw muli sa loob ng isa o dalawang araw mula sa unang pagdalaw ay kadalasang nagbubunga ng mabubuting resulta. Maging masigla at palakaibigan. Gawing palagay ang ibang tao. Huwag solohin ang pagsasalita. Hayaang makilala niya kayo, at ipakita na kayo’y interesado sa kaniya bilang isang tao.
3 Sa Agosto, ipagpapatuloy nating ialok ang iba’t ibang brosyur sa mga taong masusumpungan natin. Gayunpaman, kailangan din nating subaybayan ang nasumpungang interes at ang naisakamay na mga babasahin. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagdalaw-muli at pag-aalok ng mga pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 28:19, 20) Dahilan dito, ang brosyur na Hinihiling ay maaaring gamitin sa pagsisimula ng mga pag-aaral. Kaypala’y masusumpungan ninyong nakatutulong ang sumusunod na apat na mungkahi.
4 Kung nakipag-usap kayo sa isa na nababahala sa lumulubhang kalagayan sa daigdig, maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-uusap sa pagsasabing:
◼ “Ako’y naniniwala na nababahala kayong tulad ko sa pagguho ng moral sa lipunan ng tao. Naririnig natin ang nakababalisang ulat ng karahasan sa tahanan, na nagbubunga ng pang-aabuso sa mga bata, sa mga magulang at mga kabiyak. At waring maraming tao ang handang magsinungaling o magnakaw upang mabigyang kasiyahan lamang ang kanilang sariling pagnanasa. Sa palagay ba ninyo’y mahalaga sa Diyos kung paano ginagamit ng tao ang kanilang buhay? [Hayaang sumagot.] Ang Diyos ay nagtatag ng ilang pamantayan sa pamumuhay ng tao, at ang mga ito ay tunay na hindi nakabibigat sa atin.” Basahin ang 1 Juan 5:3. Pagkatapos ay iharap ang brosyur na Hinihiling, at buksan ito sa aralin 10. Basahin ang unang parapo. Ipakita ang mga parirala at mga salitang nakasulat nang pahilig sa pasimula ng parapo 2-6, at tanungin ang maybahay kung aling gawain sa palagay niya ang mas nakasasama sa lipunan. Basahin ang kaugnay na parapo at tingnan ang isa o dalawang kasulatan habang ipinahihintulot ng pagkakataon. Magtapos sa pagbasa ng parapo 7, at pagkatapos ay gumawa ng mga kaayusan upang bumalik ukol sa karagdagan pang pagtalakay.
5 Para doon sa nakausap ninyo na nababahala hinggil sa kanilang pamilya, maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Sa palagay ba ninyo’y makatuwirang asahan na magbibigay sa atin ang Maylikha ng tulong na kailangan natin upang makapagtayo ng isang matagumpay na buhay pampamilya?” Hayaang sumagot. Iharap ang brosyur na Hinihiling, bumaling sa aralin 8, at ipaliwanag na ito’y naglalaman ng mga simulain mula sa Bibliya para sa bawat miyembro ng pamilya. Ialok na maitanghal kung paano gagamitin ang brosyur kasama ng Bibliya upang makuha ang pinakamalaking kapakinabangan mula roon. Sundin ang mga tagubilin na masusumpungan sa pahina 2 ng brosyur. Gumawa ng kaayusan upang bumalik at ipagpatuloy ang pag-aaral sa aralin, o kung natapos na ninyo iyon, pag-aralan ang iba pang aralin na pipiliin ng maybahay sa brosyur.
6 Narito ang isang tuwirang paglapit na maaari ninyong gamitin sa pag-aalok ng ating programa sa pag-aaral ng Bibliya. Ipakita ang brosyur na “Hinihiling” at sabihin:
◼ “Ang brosyur na ito ay naglalaman ng kumpletong kurso sa pag-aaral, na sinasaklaw ang saligang mga turo ng Bibliya. Sa bawat pahina, masusumpungan ninyo ang mga kasagutan sa mga katanungan na nagiging palaisipan sa mga tao sa maraming siglo. Halimbawa, Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?” Bumaling sa aralin 5, at basahin ang mga katanungan sa pagpapasimula ng aralin. Tanungin ang maybahay kung alin sa mga ito ang higit na pumukaw ng kaniyang interes, at pagkatapos ay basahin ang akmang (mga) parapo, na tinitingnan ang angkop na mga kasulatan. Ipaliwanag na ang kasiya-siyang mga sagot sa iba pang mga katanungan ay maaaring masumpungan na kasindali ng katatapos lamang na katanungan. Imungkahi na kayo’y muling babalik upang talakayin ang isa pang tanong at sagot.
7 O baka nanaisin ninyong subukan ang isang simpleng paglapit sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa pagsasabing:
◼ “Alam ba ninyo na sa paggamit ng ilang minuto lamang, maaari ninyong masumpungan ang kasagutan sa isang mahalagang katanungan sa Bibliya? Halimbawa, . . . ” Pagkatapos ay bumanggit ng isang katanungan na lumilitaw sa pasimula ng isa sa mga aralin sa brosyur, isa na sa palagay ninyo’y tatawag ng pansin ng indibiduwal. Para magkaroon ng ilang ideya sa mga katanungan na maaari ninyong gamitin, tingnan ang parapo 15 at 16 sa Marso 1997 ng insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian, na pinamagatang: “Mag-ipon ng Katapangan Upang Gumawa ng mga Pagdalaw-muli.”
8 Ang may kagalakang pagtanggap sa hamon ng paggawa ng mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay bahagi ng pagiging “mga kamanggagawa” ng Diyos. (1 Cor. 3:9) Habang tayo’y nagpapagal sa paglinang sa ating nasumpungang interes at pagkatapos ay nananalig kay Jehova na palalaguin ang mga bagay, ating mararanasan ang tunay na kasiyahan na hindi mailuluwal ng iba pang gawain.