Tularan si Jehova sa Taimtim na Pagmamalasakit sa Iba
1 Si Jehova ang pinakadakilang halimbawa na nagpapakita ng taimtim na pagmamalasakit sa iba. (1 Ped. 5:7) Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magpakita ng mga katangian ng kaniyang Ama. (Mat. 5:45) Maaari rin ninyong tularan si Jehova sa pagpapakita ng taimtim na pagkabahala sa iba—sa pagiging handang ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa bawat nakakatagpo ninyo. Sa pamamagitan ng pagiging lubos na pamilyar sa mga brosyur na gagamitin sa ministeryo sa Hulyo, kayo’y malalagay sa isang mabuting katayuan na magbigay ng espirituwal na tulong sa iba. Ang sumusunod na mga mungkahi ay nagbibigay ng ilang idea kung paano kayo makapaghahanda para sa unang pagdalaw at pagkatapos ay subaybayan ang interes sa pamamagitan ng napapanahong mga pagdalaw-muli.
2 Kapag nag-aalok ng brosyur na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?” maaari ninyong sabihin:
◼ “Naisip na ba ninyo kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa ang mga tao kung talagang sila’y minamahal niya? [Hayaang sumagot.] Ang brosyur na ito ay hindi lamang sumasagot sa katanungang ito kundi nagpapakita rin na ipinangako ng Diyos na aalisin ang lahat ng pinsalang idinulot ng tao sa kaniyang sarili at sa kaniyang makalupang tahanan.” Basahin ang parapo 23 sa pahina 27. Ipakita ang ilustrasyon sa ibaba nito, at basahin ang Awit 145:16 mula sa parapo 22. Ialok ang brosyur. Kung iyon ay tinanggap, magharap ng isang tanong na maaaring sagutin sa susunod na pagdalaw, gaya ng: “Nais ba ninyong malaman kung paano isasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin na gawing isang paraiso ang lupa?”
3 Kapag bumabalik doon sa mga napaglagyan ng brosyur na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?” maaaring mapasimulan ang panibagong pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Noong ako’y huling dumalaw, ating tinalakay na talaga ngang minamahal tayo ng Diyos at layunin niya na alisin ang lahat ng pinsala na idinulot ng tao sa kaniyang sarili at sa kaniyang makalupang tahanan.” Buksan ang brosyur sa ilustrasyon sa pahina 2-3 at sabihin: “Noong nakaraan ay ibinangon natin ang katanungang, Paano isasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin na gawin ang lupa na isang paraiso? Ano sa palagay ninyo?” Hayaang sumagot. Bumaling sa pahina 17, at basahin ang parapo 2 at ang Daniel 2:44. Pagkatapos, basahin ang parapo 12 sa pahina 18. Kung sumasang-ayon ang maybahay, pag-aralang kasama niya ang bahagi 9 ng brosyur.
4 Narito ang isang paglapit na maaaring gamitin sa pag-aalok ng brosyur na “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.” Ipakita ang pangharap na takip at sabihin:
◼ “Nag-aalok kami ngayon ng brosyur na ito na nakapagdala ng kaaliwan at pag-asa sa milyun-milyon na namatayan ng kanilang mga minamahal. Napag-isipan ba ninyo kung ano ang pag-asa para sa mga namatay? [Hayaang sumagot.] Maliwanag na inilalahad ng Bibliya ang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli.” Basahin ang Juan 5:28, 29. Buksan ang brosyur at komentuhan ang huling parapo sa pahina 28 at ang unang parapo sa pahina 31. Maaari mong ihanda ang daan para sa pagdalaw-muli sa pagtatanong ng, “Paano tayo makatitiyak na sa dakong huli ay lubusang aalisin ang kamatayan?”
5 Sa mga napaglagyan ninyo ng brosyur na “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal,” nanaisin ninyong gamitin ang presentasyong ito sa pagdalaw-muli:
◼ “Nang tayo’y mag-usap noon, ating tinalakay ang kamangha-manghang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Ang brosyur na iniwan ko sa inyo ay nagpapaliwanag kung bakit tayo makatitiyak na sa dakong huli ay lubusang aalisin ang kamatayan. Di ba kayo naaliw at napatibay ng mga pangako ng Diyos?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay bumaling sa pahina 31 ng brosyur, at basahin ang ikalawa at ikatlong parapo, kalakip ang Apocalipsis 21:1-4. Depende sa interes na ipinakita, maaari kayong mag-alok ng pag-aaral sa aklat na Kaalaman o magbangon ng panibagong katanungan upang buksan ang daan para sa susunod na pagdalaw-muli.
6 Maaari ninyong sabihin ang sumusunod kapag naghaharap ng brosyur na “Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?”:
◼ “Maraming tao ang nag-iisip kung ano ang layunin ng buhay. Tinanong nila ang sarili: ‘Bakit ako naririto? Ano ang taglay ng kinabukasan para sa akin?’ Saan sa palagay ninyo masusumpungan natin ang mga kasagutan? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya. [Basahin ang Awit 36:9.] Hindi ba’t ang Maylikha ng tao ang pinakakuwalipikadong magpaliwanag kung bakit tayo naririto? [Hayaang sumagot.] Ang brosyur na ito ay naglalahad ng dakilang layunin na inilaan ng Diyos para sa atin.” Bumaling sa pahina 20-1, basahin ang kapsiyon, at magkomento sa ilustrasyon; pagkatapos ay ialok ang brosyur. Kung tinanggap, magtanong: “Paano tayo makatitiyak na layunin pa rin ng Diyos para sa mga tao na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa?” Magtakda ng panahon para bumalik.
7 Kung ang brosyur na “Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?” ang naisakamay, maaari ninyong sabihin ang gaya nito kapag kayo’y bumalik:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, tunay na ako’y nasiyahang talakayin sa inyo na ang buhay ng tao ay talagang may layunin.” Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 31 at magtanong, “Paano tayo makatitiyak na layunin pa rin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang walang-hanggan sa Paraiso sa lupa?” Basahin ang parapo 3 sa pahina 20. Talakayin ang mga punto sa ilalim ng sub-titulong, “Layunin Pa Rin ng Diyos,” sa pahina 21. Bumaling sa panlikod na takip ng brosyur, at basahin ang hinggil sa alok na libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ialok na maitanghal ang isang pag-aaral sa aklat na Kaalaman.
8 Dapat na ipakita ng ating ministeryo ang taimtim na interes na taglay natin sa pagtulong sa mga tapat-puso na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kaya, maglaan ng panahon na dumalaw-muli sa bawat tao na napaglagyan ninyo ng brosyur. Ang pagpapakita ninyo ng tunay na pagkabahala sa kanila ay maaaring maging dahilan upang matulungan yaong mga nagbubuntong-hininga at dumadaing dahilan sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa sa huwad na relihiyon na matatakan ukol sa kaligtasan. (Ezek. 9:4, 6) Mararanasan din ninyo ang kasiyahan na nagmumula sa pagtulad kay Jehova sa pamamagitan ng taimtim na pagmamalasakit sa iba.—Ihambing ang Filipos 2:20.