Ipahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian Taglay ang mga Brosyur
1 Anong kagalakan na maalaman ang katotohanan at mapabilang doon sa mga masisigasig na naghahayag ng mabuting balita! Ang mga tao sa labas ng organisasyon ng Diyos ay lubhang nangangailangang makarinig ng mabuting balita ng Kaharian. Ang katotohanan ng Kaharian ay simpleng ipinaliwanag sa mga brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!, “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay,” at Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso. Ang mga ito ay maliwanag na naglalarawan sa buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, at umaakay sa mambabasa sa mga hula hinggil sa Kaharian sa Salita ng Diyos. Sabihin pa, ang pagsasakamay ng isang brosyur sa isang taong interesado ay pasimula lamang ng ating gawain. (1 Cor. 9:23) Karaka-raka nating balikan ang lahat ng naisakamay, taglay ang tunguhing mag-alok ng isang pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Paano natin maisasagawa ito sa Agosto?
2 Ang brosyur na “Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!” ay maaaring ialok sa isang napakaikling presentasyon. Habang ipinakikita ninyo ang takip nito, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nais kong ipakita sa inyo ang isang bagay na naglalaman ng isang magandang mensahe.” Buksan ang brosyur na Buhay sa Lupa, at basahin ang unang parapo ng pambungad. Pagkatapos ay magpatuloy: “Ito ay sumasagot din sa tanong na ito [bumaling sa uluhan sa dakong itaas ng larawan numero 8]: ‘Bakit ang tao ay namamatay?’ Mawiwili kayong pag-aralan ang mga larawan at basahin ang mga kasulatan sa brosyur na ito. Maaari kayong magkaroon ng kopya nito sa maliit na kontribusyon.”
3 Ano ang inyong sasabihin kapag gumagawa ng isang pagdalaw-muli sa naisakamay na brosyur na “Buhay sa Lupa”? Maaari ninyong subukan ang ganitong paglapit:
◼ Ipakita ang larawan numero 49 sa brosyur na Buhay sa Lupa at magtanong, “Di ba’t maganda ang larawang ito? [Hayaang sumagot.] Ito’y nasa brosyur na iniwan ko sa inyo noong huli kong pagdalaw. Nais kong itanong sa inyo ang katanungang nasa kabilang pahina.” Bumaling sa larawan numero 50 at basahin ang katanungan: “‘Ibig mo bang mabuhay magpakailanman sa magandang paraisong iyan?’ [Hayaang sumagot.] Kung iyon ang nais ninyo, pansinin kung ano ang sinasabi nito na dapat ninyong gawin: ‘Alamin mo pa ang sinasabi ng Diyos.’ [Basahin ang Juan 17:3.] Malulugod akong mag-aral ng Bibliya na kasama ninyo nang walang bayad. Nais ba ninyo?” Gumawa ng tiyak na kaayusan para bumalik.
4 Kapag nag-aalok ng brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay,” maaari kayong magpasimula sa pagpapakita ng larawan sa buong takip at pagtatanong:
◼ “Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang maging gaya nito ang buong lupa?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay sabihin: “Ang karamihang tao ay nakadarama na imposibleng maging gaya nito ang daigdig. Subalit hindi imposible sa Diyos na gawin ito. [Ibahagi ang mga punto sa parapo 43; pagkatapos ay basahin ang Isaias 9:6, 7.] Ipinangako ng Diyos na pangyayarihin ang isang bagong sanlibutan upang ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay magtamasa ng isang kamangha-manghang paraiso. Ang brosyur na ito ay nagpapakita kung paanong kayo at ang inyong pamilya ay magtatamasa ng isang kagila-gilalas na kinabukasan.” Ialok ito at isaayos na bumalik.
5 Sa pagdalaw-muli, maaari ninyong gamitin ang brosyur na “Narito!” upang ipaliwanag kung bakit may pangangailangang matutuhan ang higit pa tungkol sa Bibliya. Kaypala’y ipakikita muli ang takip at sabihing:
◼ “Noong una kong ipakita ang larawang ito, sumang-ayon tayong maaari nating tamasahin ang buhay sa gayong kamangha-manghang daigdig. Upang maging posible ito, tayong lahat ay may kailangang gawin.” Buksan ang brosyur na “Narito!” sa parapo 52; basahin ang parapo at ang kasulatan sa Juan 17:3. Bumaling sa ilustrasyon sa parapo 53 hinggil sa wastong edukasyon sa Bibliya, pagkatapos ay ipaliwanag na nag-aalok ang mga Saksi ni Jehova ng gayong instruksiyon nang walang bayad. Ialok na maitanghal ang ating paraan ng pag-aaral, na ginagamit ang aklat na Kaalaman.
6 Kapag iniaalok ang brosyur na “Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso,” maaari ninyong subukang sabihin ang ganito:
◼ “Narinig ko ang maraming tao na nagsasabing nais nilang mabuhay sa ilalim ng isang pamahalaan na talagang makalulutas sa mga suliranin na napapaharap sa atin ngayon. [Banggitin ang lokal na mga suliranin gaya ng kawalang-trabaho, lumalagong krimen, o pag-abuso sa droga.] Dahilan dito nawawalan tayo at ang ating mga minamahal ng kaseguruhan sa kinabukasan. Sa palagay kaya ninyo’y may pamahalaan pa na makalulutas sa mga suliraning ito? [Hayaang sumagot.] Marahil ay nanalangin na kayo ng Ama Namin. Kung gayon, alam ba ninyo na kayo’y aktuwal na nananalangin para sa isang matuwid na pamahalaan?” Bumaling sa pahina 3 sa brosyur na Pamahalaan, at basahin ang unang dalawang parapo. Ialok ang brosyur.
7 Kung ang naisakamay na brosyur ay “Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso,” maaari ninyong pasimulan ang pag-uusap sa pagdalaw-muli sa pagsasabing:
◼ “Noong una’y tinalakay natin ang pangangailangan para sa isang matuwid na pamahalaan na makalulutas sa mga suliranin ng tao. Ang brosyur na iniwan ko sa inyo ay nagtuturo sa Kaharian ng Diyos bilang tangi nating pag-asa. Iniisip ng ilang tao kung ano ang magagawa ng pamahalaang iyon upang mapabuti ang kalagayan natin sa buhay. Ipinakikita ng Bibliya na pinatunayan na ni Kristo na siya’y magtatagumpay kung saan nabigo ang mga pinunong tao.” Buksan ang brosyur na Pamahalaan sa pahina 29, at basahin ang huling apat na parapo. Pagkatapos ay sabihin: “Hindi ba’t iyo’y isang kamangha-manghang kinabukasan? Nais ba ninyong makita iyon?” Hayaang sumagot. Basahin ang Juan 17:3. Pasiglahin siyang matuto pa sa pamamagitan ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
8 Kung inyong ginagamit ang ibang brosyur, maaari kayong maghanda ng sariling mga presentasyon, na ginagamit ang mga mungkahi sa itaas bilang mga padron. Maghandang mabuti at hilingin ang pagpapala ni Jehova habang inyong ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian.